Sundiata: Ang Epiko ng Sinaunang Mali
Epiko mula sa Mali, West Africa
Ang Imperyong Mali na kilala rin sa tawag na Imperyong Manding ay naging makapangyarihan sa West Africa noong 1230 hanggang 1600 na siglo. Sa pamamayagpag nito, ang imperyo’y higit pang malawak sa Western Europe. Dito’y umusbong ang isang epiko na kabilang sa maituturing na dakilang kayamanan ng panitikang pandaigdig, maihahanay ito sa epiko ng Hindu na Ramayana at Mahabarata at epikong Griyego na Iliad at Odyssey. Ang epikong pag-aaralan ay taal na tulang pasalaysay na pinagsalin-salin ang mga berso ng mahuhusay na mananalaysay na sinasaliwan ng instrumentong musikal. Itatampok dito ang mabuting pagbabagong dala ng pagtatagumpay laban sa kasamaan.
Sa Aralin 3.6, inaasahang maipamamalas mo ang pag-unawa at pagpapahalaga sa epikong Sundiata: Ang Epiko ng Sinaunang Mali na isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora hango sa salaysay ni D.T. Niane at salin sa Ingles ni J.D. Pickett sa pinakatanyag na epiko ng Africa sa kasalukuyan, ang Sundiata: An Epic of the Old Mali. Layon ng araling ipakita ang kaugnayan ng epiko sa kasaysayan at malinang ang kasanayan sa mga ekspresiyong sa pagpapahayag ng damdamin o layon. Bilang pangwakas na gawain, magsasagawa ng isang pagtatalo tungkol sa katangian ng mga pangunahing tauhan ng dalawang epiko. Susukatin ang husay sa pagmamatuwid batay sa sumusunod na pamantayan: a.) paglalatag at pag-aanalisa ng katibayan, b.) pangangatuwiran at panunuligsa, at c.) pagpapahayag.
Ang epiko ay maihahambing sa tulay na nagdurugtong ng nakaraan sa hinaharap. Ito ay salaysay ng buhay ng mga naglahong bayaning kalahati’y tao at kalahati’y supernatural. Masasalamin sa epiko ang mataas na pagpapahalaga ng lipunan, kasaysayan, at napapaunawa sa kultura at tradisyon. Kaya mainam na panoorin at unawain mo ang akda upang masuri at mapagtibay mo na ang bayani ng epiko ng Africa ay hinahalaw sa kanilang magigiting na bayani ng kasaysayan.
Alam mo ba na...
ang epikong Sundiata ay unang naitala sa Guinea noong 1950 na isinalaysay ng griot (mananalaysay) na si Djeli Mamoudou Kouyate na mahusay na alagad ng kuwentong-bayan na si D.T. Niane? Isinalin niya ito buhat sa Mandigo sa wikang Pranses. Kalaunan, ang kaniyang salin ang naging batayan sa paglilipat sa Ingles. Si Sundiata Keita o Mari Diata (Mari Jata), ang bayani’t pangunahing tauhan ng epiko ay totoong nabuhay. Isa siya sa labindalawang magkakapatid na lalaki na tagapagmana ng trono. Siya’y isang makapangyarihang pinuno na tumalo sa estadong Sosso sa Kanlurang Africa noong 1235. Itinatag niya ang Imperyong Mandingo ng Matandang Mali. Ang kaniyang pamamayagpag ay tumagal nang mahigpit 250 taon.