Diskursong Pasalaysay
Naibigan mo ba ang iyong napanood o nabasa? Ano ang iyong masasabi sa kuwentong ito? Magaling, isa nga itong anekdota. Natatandaan mo pa ba ang anekdotang ating tinalakay sa nakaraang modyul? Mahusay! Kuwento nga itong hango sa isang nakawiwili at nakatutuwang pangyayari sa buhay ng isang tao. Layon nitong makapagpabatid ng isang magandang karanasang kapupulutan ng aral na magagawa lamang kung ang karanasan o ang pangyayari ay makatotohanan.
Karagdagang Kaalaman
Ang diskorsal ay ang sangkap na nagbibigay-kakayahan sa nagsasalita na palawakin ang kaniyang mensahe upang mabigyan ng wastong interpretasyon ang salita, mas maunawaan ang salita, at maipahayag ang mas malalim na kahulugan nito.
Ang pagsasalaysay naman ay isang diskursong naglalatag ng mga karanasang magkakaugnay. Pagkukuwento ito ng mga kawili-wiling pangyayari, pasulat man o pasalita. Itinuturing itong pinakamasining, pinakatanyag, at tampok na paraan ng pagpapahayag. Ito rin ang sinasabing pinakamatandang uri ng pagpapahayag sapagkat dito nagsimula ang alamat at epiko, at mga kuwentong-bayan ng mga ninunong Pilipino maging sa ibang bansa man.
Ang pagpili ng paksa ang unang mahalagang hakbang sa pagsulat ng pagsasalaysay. Kailangang ito ay maganda at kawili-wili. Bukod dito, mahalaga ring napapanahon ito at may dalang lugod at kabutihan sa mga mambabasa.
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagpili ng Paksa
1. Kawilihan ng Paksa – Dapat na ito ay likas na napapanahon, may mayamang damdaming pantao, may kapana-panabik na kasukdulan, naiibang tunggalian, at may malinaw at maayos na paglalarawan sa mga tauhan at tagpuan.
2. Sapat na Kagamitan – Mga datos na pagkukunan ng mga pangyayari.
3. Kakayahang Pansarili – Ang pagpili ng paksa ay naaayon din sa kahusayan, hilig, at layunin ng manunulat.
4. Tiyak na Panahon o Pook – Ang kagandahan ng isang pagsasalaysay ay nakasalalay sa malinaw at masining na paglalarawan ng panahon at pook na pinangyarihan nito. Kaya, mahalagang iwasan ang labis na paghaba sa panahong sakop ng salaysay at pagbanggit ng napakaraming pook na pinangyarihan ng salaysay.
5. Kilalanin ang Mambabasa – Sumusulat ang tao hindi para lamang sa kaniyang pansariling kasiyahan at kapakinabangan, kundi para sa kaniyang mambabasa.
Mga Mapagkukunan ng Paksa
1. Sariling karanasan – pinakamadali at pinakadetalyadong paraan ng pagsasalaysay ng isang tao sapagkat ito ay hango sa pangyayaring naranasan ng mismong nagsasalaysay.
2. Narinig o napakinggan sa iba – maaaring usapan ng mga tao tungkol sa isang pinagtatalunang isyu, mga balita sa radyo at telebisyon, at iba pa. Subalit, tandaang hindi lahat ng narinig sa iba ay totoo at dapat paniwalaan. Mahalagang tiyakin muna ang katotohanan bago isulat.
3. Napanood – mga palabas sa sine, telebisyon, dulaang panteatro, at iba pa.
4. Likhang-isip – mula sa imahinasyon, katotohanan man o ilusyong makalilikha ng isang salaysay.
5. Panaginip o Pangarap – ang mga panaginip o hangarin ng tao ay maaari ding maging batayan ng pagbuo ng salaysay.
6. Nabasa – mula sa anomang tekstong nabasa, kailangang ganap na nauunawaan ang mga pangyayari.
Katangiang dapat Taglayin ng Pagsasalaysay
1. Ang pamagat ay maikli, orihinal, kapana-panabik at napapanahon.
2. Mahalaga ang paksa o diwa.
3. Maayos at ‘di-maligoy ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari.
4. May kaakit-akit na simula.
5. Kasiya-siyang wakas.
Mga Bahagi ng Pagsasalaysay
1. Simula
2. Tunggalian
a. Tauhan laban sa ibang tauhan sa kuwento
b. Tauhan laban sa sarili
c. Tauhan laban sa kapaligiran o kalikasan
3. Kasukdulan – ito ang kapana-panabik na bahagi ng isang kuwento.
4. Kakalasan – ito ang nagbibigay-linaw sa mga tanong na nagpanabik sa mga mambabasa sa bahaging kasukdulan.
5. Wakas – kahihinatnan ng mga tunggalian sa kuwento. Dito rin ipinahahayag ang mahalagang kaisipan o mensahe sa kuwento.
Opinyon - pananaw ng isang tao o pangkat na maaaring totoo pero maaaring pasubalian ng iba. Ito ay batay sa paniniwala o kaalaman ng isang tao tungkol sa isang ideya, isyu, paksa o kuwento na kaniyang nasuri. Ang pagbibigay ng opinyon ay hindi nangangahulugang pagpapahayag ng isang tamang solusyon o sagot sa isang bagay. Ito ay maaaring magkakatulad at maaari ring magkakasalungat depende sa pagkakaunawa, paniniwala o kaalaman hinggil sa isang isyu, paksa o kuwento.
Ang komiks ay isang grapikong midyum na binubuo ng diyalogo, mga salita at larawan na siyang nagsasalaysay sa diwa ng kuwento. Sa Pilipinas, sinasabing si Dr. Jose Rizal ang kauna-unahang Pilipinong sumulat ng komiks na pinamagatan niyang, “Pagong at Matsing.”
Mga Bahagi ng Komiks
1. Kuwadro – naglalaman ng isang tagpo sa kuwento (frame)
2. Kahon ng salaysay – pinagsusulatan ng maikling salaysay
3. Pamagat ng kuwento
4. Larawang guhit ng mga tauhan sa kuwento
5. Lobo ng usapan – pinagsusulatan ng usapan ng mga tauhan; may iba’t ibang anyo ito batay sa inilalarawan ng dibuhista.
Mga Dapat Isaalang-alang sa Pagbuo ng Komik Istrip
1. Alamin ang sariling hilig o istilo.
2. Tukuyin ang pangunahing tauhan.
3. Tukuyin ang balangkas ng kuwento.
4. Ipokus ang atensyon sa diyalogo at daloy ng kuwento.
5. Ayusin at pagandahin ang gawa.
OUTPUT#4:
Panuto: Sumulat ng isang karanasang hawig ang paksa sa binasa o napanood na anekdotang, “Akasya o Kalabasa” na mababasa sa MGA SANGUNIAN (paki-click lamang ito at hanapin ang kwento sa blog) at gawan ito ng komik istrip gamit ang kahusayang gramatikal, diskorsal at strategic sa pagsulat at pagsasalaysay. Maaaring ito ay tungkol sa sarili o sa isang kakilala. Ipasa ang isinagawang komiks sa naturang drive MGA SANGUNIAN