Tula mula sa Uganda
Sa mga nagdaang panahon, maraming tradisyon ang nalikha at tumimo sa kultura ng bawat bansa. Isa na rito ang mga oyayi na nagsilbing pang-aliw ng tribo ng Lango o Didinga sa Africa.
Sa araling ito, makikita mo kung paano masasalamin sa tula ang kanilang kultura at paniniwala upang maisalin sa kanilang mga supling. Matutunghayan mo rin ang mga paraan ng pagkalinga ng isang ina mula sa Uganda.
Sa haba ng panahon, maraming anyo ng panitikan ang sumibol sa bawat bansa mula sa mga awiting pasalin-dilang naitimo sa bawat mamamayan hanggang sa nakalimbag na mga teksto. Isa ang panulaan sa yumabong sa bawat lugar, makabago man o tradisyunal ang nagiging batayan nito.
Para sa araling ito, matutunghayan at malalaman mo ang paghahangad ng mga magulang ng lahat ng makabubuti para sa kanilang anak. Ipabasa ito sa nakatatandang kasama sa bahay o sa isang kakilala at tukuyin mo kung anong elemento ng tula at kultura ng bansang pinagmulan ang inilalarawan nito.
Hele ng Ina sa Kaniyang Panganay (A Song of a Mother to Her Firstborn)
Salin sa Ingles ni Jack H. Driberg
Isinalin sa Filipino ni Mary Grace A. Tabora
Mangusap ka, aking sanggol na sinisinta.
Mangusap ka sa iyong namimilog at nagniningning na mga mata, Wangis ng mata ng bisirong-toro ni Lupeyo.
Mangusap ka, aking musmos na supling.
Ang iyong mga kamay na humahaplos sa akin.
Na puno ng tibay at tatag bagaman yari’y munsik.
Magiging kamay ito ng mandirigma, aking anak. Kamay na magpapasaya sa iyong ama.
Tingnan mo’t nananabik na ako’y sapulin:
Nagbabalak nang humawak ng panulag na matalim.
Aking giliw, ngalan ng mandirigma sa’yo ilalaan, at mamumuno sa kalalakihan.
At ika’y hahalikan sa yapak ng mga kaapo-apohan, Kahit pa malaon nang naparam sa sanlibutan.
Ngunit lagi kong maaalala ang pagkapit mo sa akin, Maging ang paghimlay mo sa aking dibdib,
At ang pagsulyap-sulyap sa akin.
Kapag ika’y itinanghal na gererong marangal, Ako’y malulunod sa luha ng paggunita.’
Munting mandirigma, paano ka namin pangangalanan? Masdan ang pagbubuskala sa pagkakakilanlan.
Hindi hamak na ngalan sa iyo’y ibibigay,
Hindi ka rin ipapangalan sa iyong amang si Nawal sapagkat ika’y panganay.
Higit kang pagpapalain ng poon at ang iyong kawan.
Ikaw ba’y tatawaging “Hibang” o “Kapusugan?”
Ikaw ba’y tatawaging waring dumi ng baka na “anak ng kamalasan?” Ang poo’y di marapat na pagnakawan,
Sa iyo’y wala silang masamang pinapagimpan.
Ika’y kanilang pinaliguan at dinamitan ng kagandahan. Ika’y biniyayaan ng mga matang naglalagablab.
At ang pambihirang pangungunot ng iyong kilay
Ay hindi ba palatandaan na ika’y maingat nilang pinanday? Yaman ni Zeus at Aphrodite sa iyo’y kanilang inalay.
At ang katalinuhang nangungusap sa iyong mga mata, Maging sa iyong halakhak.
Paano ka pangangalanan, aking inakay?
Ikaw ba’y lahi ng iyong lahi o naiibang nilalang?
Munting mandirigma, sinong anito sa iyo’y nananahan? Kaninong mapagpalang kamay ang sa aking dibdib dumadantay? Sinong yumuyungyong sa iyo’t nagpapasigla ng buhay?
Ikaw ba’y kanlong ng kapayapaan?
Ngunit ika’y tila leopardong nasa palumpong at tumatanaw. Hayaan, sa araw na yao’y iyong ibubuyangyang.
Aking supling, ngayon ako’y nasa kaluwalhatian.
Ngayon, ako’y ganap na asawa.
Hindi na isang nobya, kundi isang ina. Maging maringal, aking supling na ninanasa.
Maging mapagmalaki kaparis ng aking pagmamalaki.
Ika’y magbunyi kaparis ng aking pagbubunyi.
Ika’y irugin kaparis ng pagliyag na aking nadarama. Anak, na ibinunga ng pag-ibig ng matipunong kabiyak.
Sa wakas, ako’y kahati ng kaniyang puso, ina ng kaniyang unang
anak.
Ang kaniyang kaluluwa’y ligtas sa iyong pag-iingat, Aking supling, ako, ako na sadyang sa iyo’y humulma.
Samakatuwid, ako’y minahal. Samakatuwid, ako’y lumigaya. Samakatuwid, ako’y kapilas ng buhay. Samakatuwid, ako’y nagtamasa ng dangal.
Iingatan mo ang kaniyang libingan kung siya’y nahimlay.
Tuwinang gugunitain yaring kaniyang palayaw. Aking supling, mananatili siya sa iyong panambitan,
Walang wakas sa kaniya’y daratal mula sa pagsibol ng ‘yong kabataan.
Ikaw ang kaniyang kalasag at sibat, pag-asa’t kaligtasan sa hukay. Sa iyo, siya’y muling mabubuhay tulad ng suwi sa kalupaan.
At ako ang ina ng kaniyang panganay.
Ika’y mahimbing, supling ng leon, nyongeza’t nyumba.
Ika’y mahimbing, ako’y wala nang mahihiling.
Ano ang tula?
Ang tula ay isang akdang pampanitikang binubuo ng mga saknong. Bawat saknong naman ay binubuo ng mga taludtod o linya at ang bawat taludtod ay nahahati sa mga pantig. Ito ay naglalaman ng mga salitang piling-pili, may mga tayutay o matatalinghagang salita at simbolismo, at masining bukod sa pagiging madamdamin at maindayog kung bigkasin kaya’t maaari itong lapatan ng himig.
Ang kasiningan ng isang tula ay makikita sa paggamit ng mga salitang ginamit ng may-akda. Tinataglay din nito ang mga elemento ng tula na maingat na pinili at ginamit sa pagsulat nito.
Gumagamit din ito ng mga simbolismo ng isang bagay, isang kulay, isang tao o kahit na isang sitwasyon upang magbigay ng mas malalim na kahulugan kaysa sa literal na kahulugan ng teksto.
Halimbawa:
• Pusang itim - malas, may mangyayaring masama o hindi maganda
• Kulay puti - kalinisan o kadalisayan
• Kulay pula -kaguluhan, pakikipaglaban o katapangan
Ang matatalinghagang pahayag o salita ay may malalim o hindi tiyak na kahulugan na ginagamit din upang maging mas kaakit-akit ang akdang isinusulat at sumasalamin sa kagandahan ng wikang Filipino. Ilan sa mga paraan ng paggamit nito ay ang mga tayutay at idyoma.
Halimbawa:
magsunog ng kilay – mag-aral nang mabuti
bugtong na anak – kaisa-isang anak
Sa pagsusuri ng isang tula, tingnan ang pagkakabuo nito. Mula sa tugmaang taglay nito, mga simbolo at matatalinghagang pahayag, at sa paksang tinatalakay nito. Sinusuri ito batay sa istruktura at pagiging mabisang midyum sa pagbibigay ng mensahe ng may-akda.
Halimbawa: Pagsusuri sa tulang, “Ang Babae sa Pagdaralita” ni Joi Barrios.
I. Sukat, Saknong at Taludtod
Ang tulang, “Ang Babae sa Pagdaralita” ay nasa malayang taludturan na kung saan ay walang sinusunod na sukat at hindi isinasaalang-alang ang tugma sa bawat taludtod.
II. Teoryang Pampanitikan
Ang tulang, “Ang Babae sa Pagdaralita” ay may teoryang Feminismo sapagkat babae o sagisag ng babae ang pangunahing tauhan. Layunin ng tulang ipakilala ang kalakasan, kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa kababaihan.
Nasa teoryang Marxismo din ang tulang, “Ang Babae sa Pagdaralita” dahil ipinakita rito na ang tauhan ay may sariling kakayahan na umangat buhat sa pagdurusang dulot ng pang-ekonomiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika.
III. Paksa o kaisipang taglay ng akda
Ang tula ay tungkol sa kababaihang walang karapatang maging isang produktibong mamamayan, babaeng itinalaga na mamalagi na lamang sa tahanan para mag-alaga ng mga anak at maging isang ilaw ng tahanan na isa naman sa hindi katanggap-tanggap dahil sa pagwawalang-bahala sa katangiang tinataglay ng kababaihan. Kaya bilang isang babae, huwag hayaang magpaabuso sapagkat lahat ng tao’y nilikhang pantay-pantay.
IV. Talinghaga
Ang tulang ito ay masasabing malaman at makahulugan kung saan ang mga salitang ginamit ay nagpapakita ng katangian ng pagiging matatag ng isang babaeng Pilipina na handang ipaglaban ang kaniyang Karapatan.
V. Imahen o Larawang Diwa
Naipakita ng tulang ito ang tunay na katangian ng isang Pilipinang matatag at positibo ang pag-iisip sa kabila ng paghihirap na natamasa at naranasan sa buhay.
VI. Tono
Ang tulang ito ay may tono ng pagkadismaya sa pagtrato sa kababaihan at pagpupursiging matamo ang hinahangad na karapatan patungo sa pag-unlad ng buhay.
VII. Persona
Ang persona ng tula ay isang babaeng naghihikahos sa mga karanasang sinapit sa mundong ginagalawan kung saan ay hindi isinasaalang-alang ang kaniyang kahalagahan gayong siya ay may katangiang tinataglay rin naman para maibsan ang kahirapan. Siya ay lalaban para sa kaniyang sarili at para sa lahat.
VIII. Reaksyon/Komento
Ang tulang, “Ang Babae sa Pagdaralita” ay isang tulang kapupulutan ng aral ng isang babaeng kikilos para sa hinaharap. Isa pa sa ikinaganda ng tula ay napagagalaw nito ang imahinasyon ng mambabasa sa pamamagitan ng mga salitang ginamit sa tula.
Panuto: Basahin ang tulang, “Ilaw ng Tahanan”, suriin ito batay sa kasiningan at bisa, kahulugan ng mga simbolo at matatalinghagang pahayag, at iantas ang mga salita ayon sa damdaming ipinahahayag. Kopyahin ang pormat sa hiwalay na papel at ilagay ang sagot sa naturang google drive na makikita sa MGA SANGUNIAN
PORMAT sa PAGSUSURI: