PAGSASALING-WIKA
Matutunghayan mo rito ang araling panggramatika tungkol sa pagsasaling-wika na may layuning matulungan kang magkaroon ng kasanayan sa pagsasalin ng mga salita, ideya, at kaisipan mula sa isang wika patungo sa isa pang wika.
Ang pagsasaling-wika ay ang paglilipat sa pinagsalinang wika ng pinakamalapit na katumbas na diwa at estilong nasa wikang isasalin. Ang isinasalin ay ang diwa ng talata at hindi ang bawat salitang bumubuo rito. (Santiago, 2003)
Mga katangiang dapat taglayin ng isang tagapagsalin
1. Sapat na kaalaman sa dalawang wikang kasangkot. Nakukuha niya ang kahulugan ng kaniyang isinasalin o siya’y mahusay na. Nauunawaan niya ang maliliit na himaymay ng kahulugan at halagang pandamdaming taglay ng mga salitang gagamitin.
2. Sapat na kaalaman sa gramatika ng dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin. Ang kaalaman sa gramatika ng dalawang wika sa pagsasalin ay kailangang-kailangan ng tagapagsalin sa pagsusuri ng diwang nais ipabatid ng awtor, gayon din sa wastong paggamit ng mga salita, wastong pagkakabuo, at pagkakasunod-sunod.
3. Sapat na kakayahan sa pampanitikang paraan ng pagpapahayag. Ang kakayahang magsalita sa dalawang wikang kasangkot sa pagsasalin at kaalaman sa gramatika ay hindi sapat para makapagsalin. Kaya kung ang lahat ng salin ay patas, nagiging higit na mahusay na tagapagsalin ang manunulat.
4. Sapat na kaalaman sa paksang isasalin. Marapat na ang tagapagsalin ay may higit na kaalaman sa paksa sapagkat siya ay higit na nakaaalam at nakauunawa sa mga konseptong nakapaloob dito.
5. Sapat na kaalaman sa kultura ng dalawang bansang kaugnay sa pagsasalin.
Walang higit na mabisa kaysa ibang wika. Ang lahat ng wika ay may sariling bisa at kakayahan bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng kulturang Pilipino at ng ibang bansa.
Mga Pamantayan at Gabay sa Pagsasaling-wika
Basahing mabuti ang buong tekstong isasalin at unawain ang kabuuang diwa nito. Tandaang mahalaga para sa tagapagsalin na magkaroon ng malawak na kaalaman sa wikang isasalin at sa wikang pagsasalinan. Mahalaga rin ang kakayahang magsulat nang maayos at maging pamilyar sa mga estilo. Narito ang ilang gabay o pamantayan sa pagsasaling-wika.
1. Isagawa ang unang pagsasalin. Isaisip na ang isasalin ay diwa ng isasalin at hindi salita.
2. Basahin at suriing mabuti ang pagkakasalin. Tandaang ang pagdaragdag, pagbabawas, pagpapalit o pagbabago sa orihinal na diwa ng isasalin nang walang napakalaking dahilan ay isang paglabag sa tungkulin ng tagapagsalin.
3. Rebisahin ang salin upang ito’y maging totoo sa diwa ng orihinal. Ayusin ang bahaging hindi malinaw at nagbibigay ng kalituhan.
Bigyang-pansin din ang aspektong panggramatika ng dalawang wikang kasama sa pagsasalin.
Kung gagamit ng diksyonaryo ay isaalang-alang ang iba’t ibang kahulugan ng isang salita. Kakailanganin ng isang mag-aaral ang pagsasanay upang makuha ang kahulugang angkop sa konteksto ng pangungusap.
OUTPUT 2: Pagsasaling-wika
Basahin at unawain ang panuto sa loob ng document na ito. Ipasa ang naturang output sa loob ng google drive ng inyong seksyon na makikita sa MGA SANGUNIAN