Anekdota sa Persia/Iran
Natapos na ang ating makulay na talakayan sa mitolohiya ng Africa. Nawa ay tumanim sa iyong isipan ang mga kaalamang naibahagi sa iyo sa nakaraang aralin. Ngayon ay ating tatalakayin ang anekdota ng Persia/Iran. Iyong kilalanin ang mahusay na kuwentista ng anekdota mula sa bansang ito. Tunghayan mo rin ang mga paniniwala at pagpapahalagang ipinakikita sa akda na naglalarawan sa kultura ng bansa. Kaya, ipagpatuloy mo lamang ang ipinamamalas mong tiyaga sa pag-aaral at tiyak na marami kang matututuhan mula sa araling ito.
Simulan natin sa pagkilala kay Mullah Nassreddin.
Kung saan magpunta si Mullah ay naroon ang tawanan. Dalubhasang pilosopo at tagapayo siya ng mga hari sa kanilang lugar. Nagsimula ang kaniyang mga kuwento sa Persia. Naniniwala ang Sufis na ang pagpapatawa ay nagdudulot ng kasiyahan sa bawat tao. Isinilang siya sa bayan ng Eskishehir (ak Shehir). Dakilang guro siya sa pagpapatawa na siyang naging behikulo ng mga manunulat para sa pagbuo ng kaisipan at paniniwala na ‘di makasasakit subalit nakapagbibigay-sigla sa mambabasa.
Iyong alamin kung paano naiba ang anekdota ng Persia sa iba pang mga kauri nito sa pamamagitan ng panonood sa akda.
Ano ang anekdota?
Ang anekdota ay isang kuwento ng nakawiwili at nakatutuwang pangyayari sa buhay ng isang tao. Layon nito ay makapagpabatid ng isang magandang karanasang kapupulutan ng aral. Ito’y magagawa lamang kung ang karanasan o ang pangyayari ay makatotohanan.
Isang malikhaing akda ang anekdota. Dapat na ang bawat pangungusap ay nakakukuha ng interes ng mambabasa. Dapat na ang panimulang pangungusap ay kapana-panabik. Ang isang magandang panimula ay magbibigay ng pagganyak sa mambabasa at mahihikayat na ipagpatuloy ang pagbasa ng anekdota.
Narito ang ilang katangian ng anekdota.
a. May isang paksa itong tinatalakay. Ito ay dapat bigyan ng kahulugan sa pagsulat ng anekdota. Lahat ng mga pangyayari ay dapat mabigyan ng kahulugan sa ideyang nais ilahad.
b. Ang isang anekdota ay nagdudulot ng ganap na pagkaunawa sa kaisipang nais nitong ihatid sa mambabasa. ‘Di dapat mag-iwan ng anomang bahid ng pag-aalinlangan na may susunod pang mangyayari.
OUTPUT #3:
Kopyahin ang pormat sa iyong document at isulat dito ang iyong sagot. Ang anekdotang kailangang basahin ay matatagpuan sa MGA SANGUNIAN