Ang epiko (epic) ay isang anyo ng panitikan na tumatalakay sa kabayanihan at pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan laban sa kaniyang mga katunggali. Ito ay karaniwang naglalaman ng hindi kapanipaniwalang pangyayari tulad ng pagkakaroon ng kapangyarihan ng mga tauhan. Tinatalakay din dito ang mga sinaunang paniniwala, kaugalian at mga huwaran ng mamayan kung saan nagmula ang akda.
Ito ay nagmula sa salitang Griyego na “epos” na nangangahulugang “awit”. Ito ay hinango rin sa salitang “epikos” na ibig sabihin naman ay “Dakilang Likha”.
Dagdag pa, ito ay mahabang salaysay maaring bigkasin sa anyong patula o paawit. Maari din itong sabayan ng ilang instrumento at maari din namang wala. Kalimitang binubuo ito ng 1,000 hanggang 55,000 linya.
Biag ni Lam-ang, Hudhud at Alim, Ullalim, Ibalon, Maragtas, Hinilawod, Agyu, Darangan, Tulalang
Iliad at Odyssey (Gresya), Siegried (Alemanya), Kalevala (Finland), Ramayana (India), Kasaysayan ni Rolando (Pransiya), Beowulf (Inglatera), El Cid (Espanya), Sundiata (Mali), Epiko ni Haring Gesar (Tibet)
- Tinatawag na “macro-epic” yaong mga epiko na napakahaba na kinakailangan ang higit sa mga isang daang araw para ikuwento. Napakaloob sa macroepic ang mga micro-epic / microepic na puwedeng ihiwalay at ituring na mga indibidwal na kuwento.
Ang mga sumusunod ay ang elemento na bumubuo sa isang epiko:
Banghay – Ito ay ang pagkakasunod ng mga pangyayari. Ito ay maaring maging payak o kompikado. Ang banghay ng isang epiko ay nahahati sa limang bahagi: ang simula, saglit na kasiglahan, kaskdulan, kakalasan, at wakas.
1. Matatalinhagang salita – Ang mga matatalinhagang salita ay ang mga salitang hindi nagbibigay ng direktang kahulugan.
Halimbawa:
Balat sibuyas – mahiyain
mapaglubid ng buhangin – sinungaling
Sukat at Indayog – Ang sukat ay ang bilang ng pantig sa bawat taludtod. Sa epiko, may tiyak na sukat na sinusunod, ito ay wawaluhing pantig, lalabindalawahing pantig, at lalabingwaluhing pantig.
2. Tagpuan – Ang tagpuan ay ang lugar at oras kung saan naganap ang mga pangyayari. Naapektuhan nito ang takbo ng kwento, kaugalian at desisyon ng mga tauhan. Nagbibigay daan din ito upang malinawan ang mga mambabasa sa banghay, paksa, at tauhan ng kwento.
3. Tauhan – Ang tauhan ang siyang nagbibigay ng buhay sa epiko. Sa madaling salita, ang tauhan ay ang mga kumikilos sa akda. Sa kwento ng kabayanihan, ang mga tauhan ay karaniwang may taglay o angking kapangyarihan.
4. Tugma – Ang tugma ay laging matatagpuan sa huling pantig ng bawat taludtod. Ito ay ang pagkakasingtunog ng mga pantig sa dulo ng salita.
• Ang epiko ay may mga katangian na gumagabay sa mambabasa upang mas madaling mabatid na ang akdang kanilang binabasa ay nabibilang sa epiko. Narito sa ibaba ang ilan sa mahahalagang katangian na dapat makikita sa isang akda o kwento:
• Umiikot ang kwento sa mapanganib na pakikipagsapalaran ng bayani. Tulad ng nabanggit sa itaas, ang epiko ay tumatalakay sa pakikipagtunggali ng pangunahing tauhan sa mga makapangyarihang nilalang.
• May mga bansag o pagkakakilanlan ang mga tauhan. Karaniwang dinadagdagan ng “epithet” ang mga pangalan ng tauhan upang mas matandaan ito ng mambabasa. Ang epithet ay pang-uri na naglalarawan sa tao o bagay. Halimbawa: Mighty Achilles mula sa akda ni Homer.
• May malawak na tagpuan. Hindi lamang sa iisang tagpuan at oras naganap ang kwento. Maaring maganap ang istorya nito sa iba’t ibang parte ng mundo o maging sa buong kalawakan at ibang mundo.
• Naglalaman ng mahahabang kawikaan na galing sa mga tauhan.
• Pagkakaroon ng supernatural na mga pangyayari. Hindi mawawala sa epiko ang mga kabulabulalas na mga pangyayari tulad ng pakikisalamuha ng diyos sa mga tao. Naglalaman din ito ng mga hindi kapanipaniwalang mga pangyayari.
• Ipinapakita ang agwat sa pagitan ng mga diyos at mga mortal na tao. Sa pakikisalamuha ng mga diyos sa mga tao, laging pinapakita ang kalamangan ng mga ito sa mga kayang gawin ng mga tao.
• May mga bayahing nagsisilbing modelo at huwaran sa mga mamayan. Ang epiko ay ginawa upang maging inspirasyon ng mga katutubo para ipaglaban ang tama. Ang mga bayani sa uri ng panitikang ito ay nagpapakita ng mga katangian tulad ng pagiging matapang at pagkakaroon ng paninindigan na nagiging dahilan upang tularan sila ng mga tao.
• Naglalaman ng mga matatalinhagang salita. Isa rin sa mga katangian ng epiko ang pagkakaroon ng matatalinhagamg salita kung saan napapagana ang isip ng mga mambabasa sa kung ano ba talaga ang ibig ng mga salitang nakapaloob sa akda
(Isang kabanata)
Epiko – Hindu (India)
(Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva)
Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “Gusto kitang maging asawa,” sabi nito kay Rama. “Hindi maaari,” sabi ni Rama. “May asawa na ako.” Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka. Nagselos ng husto si Surpanaka. Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.
“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kaniyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante. “Sino ang may gawa nito?” sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid. Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandang babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsepe ang kaniyang ilong at tenga. “Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito. Bihagin mo si Sita para maging asawa mo. “Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid. Pumayag siyang ipaghiganti ito.
Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo o hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang makakalaban, tumanggi itong tumulong. “kakampi nila ang mga diyos,” sabi ni Maritsa.
“Kailangang umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan si Rama. “Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay. “Baka higante rin iyan,” paalaala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog. “Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita. “Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”
Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat. “Hindi, kailangan kitang bantayan,” sabi nito. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw paring umalis si Lakshamanan kaya nagalit si Sita. “Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari,” sabi nito kay Lakshamanan. Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.
Sa gubat, napatay ni Ravana ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang matandang paring Brahmin. Nagsuot ng isang kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana. “Bibigyan kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka!,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga!
Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karuwaheng hila ng mga kabayong may malapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga bulaklak sa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay Makita iyon ni Rama para masundan siya at maligtas.
Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karuwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa.
Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang Makita nila ang naghihingalong agila. “Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka,” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila. Pagkatapos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka, ang kaharian ng mga higante at demonyo. “Mahalin mo lamang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan.” Sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.
Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.
Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.