Ang salitang alamat o legend sa Ingles ay mula sa salitang Latin na legendus, na nagngahulugang “upang magbasa”. Tinatalakay nito ang pinagmulan ng isang bagay, lugar, pangyayari, o katawagan na maaaring kathang-isip o may bahid ng katotohanan.
Isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ang mga alamat. Ang mga ito’y lumaganap sa paraang pasalita; at nagpasalin-salin sa bibig ng mga taumbayan. Karaniwan itong nagtataglay ng kababalaghan o mga hindi karaniwang pangyayari. Karaniwang paksa nito ay ang katutubong kultura ng isang lugar, mga kaugalian at kapaligiran. Taglay nito ang magagandang katangiang tulad ng kalinisan ng kalooban, katapatan at katapangan, subalit tinatalakay rin sa mga alamat ang hindi mabubuting katangiang tulad ng kasakiman, katamaran, kalupitan, paghihiganti, pagsumpa, at iba pa. karaniwan itong kapupulutan ng aral at nagpapakitang ang kabutihan ay laging nananaig laban sa kasamaan.
1. Tauhan- tumutukoy sa mga karaket na nagsisikilos sa kuwento. Nakasalalay sa maayos at makatotohanang pagkakahabi ng mga tauhan ang pagiging epektibo ng isang akda. Ang uri, dami obilang ng mga tauhan ay dapat umaayon sa pangangailangan.
2. Tagpuan- tumutukoy sa pook, lugar at panahon kung saan nagyari ang kabuoan ng alamat. Mahalaga ang elementong ito sapagkat ditto masasalamin ang kaangkupan ng paksa, banghay, at mga tauhang nagsiganap sa akda.
3. Banghay- tumutukoy sa maayos na pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa akda.
Panimulang Pangyayari- pagpapakilala ng tauahan, tagpuan at suliraning kakaharapin
Papataas na Pangyayari- sa bahaging ito nagkakaroon ng pagtatangkang malutas ang suliraning magpapasidhi sa interes o kapanabikan
Kasukdulan- pinakamasidhing bahagi kung saan haharapin ng pangunahing tauhan ang kanyang suliranin
Pababang Pangyayari- sa bahaging ito nalulutas ang suliranin at natatamo ng pangunahing tauhan nag layunin
Resolusyon- sa bahaging ito vnagkakaroon ang kuwento ng isang makabuluhang wakas
Alamat mula sa Bansang Indonesia
Salin mula sa wikang Ingles ni Jerico Hiel B. Astillero
Noong unang panahon sa Kaharian ng Prambanan ay may isang halimaw na ogre na nagngangalang Baka. Bagaman nakakatakot ang kanyang itsura ay nagtataglay naman ito ng kapangyarihang katulad sa Diyos. Kinikilala ng mga maliliit na kaharian ang kapangyarihan ni Baka, kaya naman pinamumunuan niya ang isang napakalaking teritoryo. Sa kabila ng nakakatakot niyang anyo, si Haring Baka ay may napakagandang anak sa tao na talagang pinakamamahal niya—si Rara Jonggrang.
Malayo sa Prambanan, may kahariang kung tawagin ay Pegging. Ito ay kasing laki ng kaharian ni Haring Baka. Ang kahariang ito ay kilala dahil sa pagkakaroon nito ng isang napakalakas na mandirigma na kung tawagin ay Bandawasa. Ang kapangyarihan nito ay nagmumula sa kanyang sandata, isang malaking baston na kilala bilang si Bandung. Bukod dito mayroon din siyang kakayahang tumawag ng pulutong ng mga kaluluwa sa isang kisap-mata lamang sa sandaling kinakailangan niya ng tulong.
Isang araw, naisipan ng hari ng Pengging na mas palawigin pa ang kanyang sakop. Inutusan niya si Bandawasa kasama ang iba pang mga mandirigma na sakupin ang Prambanan.
“Bandawasa, ihanda mo ang ating mga mandirigma at sasakupin natin ang Prambanan,” utos ng hari.
“Masusunod kamahalan, sa lalong madaling panahon,” nakayukod na sagot ni Bandawasa.
At tinungo na ng ng mga mandirigma ang kaharian ng Prambanan sa pamumuno ni Bandawasa. Agad nilang sinalakay ang lugar. Dahil dito inutusan ni Haring Baka ang kanyang mga alagad na harangin ang mga mananakop. Naging madugo ang labanan sa pagitan ng dalawang kampo. Nagapi ang mga mandirigma ng Prambanan. Nasawi din sa labanan ang Haring Baka dahil sa armas nitong si Bandung. Kinilala sa bagong tawag na Bandung Bandawasa ang magiting na mandirigma ng Pengging matapos manaig sa labanan.
Ipinagkatiwala ng hari ng Pengging ang bagong sakop na lupain kay Bandawasa. Siya ang inatasang mangalaga sa lahat ng nasa Prambanan kasama ang pamilya ng yumaong hari na si Haring Baka. “Ito ang kabayaran sa iyong katapatan at katapangan Bandawasa. Sana ay masaya ka,” sabi ng hari.
“Nasa akin ang karangalan, kamahalan, Salamat sa inyong kabutihan. Ipinapangako kong gagawin ko ang lahat upang mapanatili itong para sa iyo,” sagot ng pinuno ng mga mandirigma.
Nanirahan si Bandung Bandawasa sa marangal na palasyo ng Prambanan. Sa kanyang unang araw ng pananatili dito bilang pinuno, nabighani na agad siya sa kagandahang taglay ni Rara Jonggrang at ninais niya itong maging asawa.
“Oh, Prinsesa Rara Jonggrang! Isa kang diyosa. Nais kitang maging asawa,” saad ni Bandung Bandawasa.
Hindi sya sinagot ng prinsesa sa halip ay tahimik itong nakaupo lamang na may halong takot at pag-aalala. Sa katotohanan, kinamumuhian niya si Bandung Bandawasa dahil sa pagkakapatay nito sa kanyang ama. Bukod dito, ayaw niyang sagutin ang alok ng mandirigma sapagkat naniniwala siyang kaya niyang daigin ito. Kaya naman, may naisip siyang paraan.
“Bandung Bandawasa, tatanggapin ko ang iniaalok mong kasal, subalit may kondisyon,” ani Rara Jonggrang.
“Ano iyon, mahal kong prinsesa?,” tanong ni Bandung Bandawasa.
“Kung nais mo kong pakasalan, Nais ko munang ipagpagawa mo ako ng isanlibong templo at dalawang balon. Subalit bibigyan lamang kita ng isang gabi upang matapos ang lahat ng iyon,” sagot ng prinsesa.
Sumang-ayon ang lalaki sa kahilingan ng prinsesa. Pagsapit ng dilim, tinawag ni Bandung Bandawasa ang mga alagad niyang espiritu upang tumulong sa kanya. Sa isang sandali lamang ay libu-libo sa mga ito ang nagsilabasan upang gawin ang mga templo at balon ayon sa kahilingan ng prinsesa. Mabilis ang naging paggawa ng mga ito. Sa kalagitnaan ng gabi halos isang libong templo na ang natatapos, tatlong templo at dalawang balon na lamang ang kulang.
Pinapanood ito ng prinsesang si Rara Jonggrang at nagsisimula nang mag-alala. “Malapit na silang matapos. Ano ang gagawin natin?,” tanong ni Rara Jonggrang sa kasama niyang dama.
“Pumanatag ka lamang mahal na prinsesa. Maaaring mayroon pang paraan,” sagot ng katulong.
Nag-isip nang malalim si Rara Jonggrang at sa wakas ay may naisip itong ideya. Gagawa siya ng paraan upang pagmukhaing umaga na upang tumigil ang mga espiritu sa paggawa bago pa man nila makumpleto ang mga templo.
“Madali! Gisingin mo ang iyong mga kasama! Sabihin mong magsunog ng mga dayami at magbayo ng mga palay! At, maghagis din ng mga bulaklak sa mga lansangan!,” sigaw ng prinsesa.
“Ngayun din mahal na prinsesa!” sagot ng katulong habang papaalis upang gisingin ang kanyang mga kasama.
Ginawa ng maayos ng mga katulong ng palasyo ang hiling ni Rara Jonggrang. Di nagtagal, isang mala-kahel na sinag ang lumitaw mula sa silangan mula sa sinunog na dayami. Ang ilan sa mga babae ay nagsimulang magbayo ng palay – isang bagay na karaniwang ginagawa ng mga tao tuwing umaga. Ang amoy ng mga bulaklak ay nagsimula nang humalimuyak, at ang mga manok ay nagsimula nang tumilaok.
Nagulat ang mga espiritu sa kanilang nakita at agad silang huminto sa paggawa. Inisip nilang malapit nang mag-umaga at natakot silang masunog ng sinag ng araw. Agad silang nagsialisan at iniwan ang di pa natatapos na trabaho. Agad na naglaho ang lahat sa kanila at naiwan ang nag-iisa na lamang na templong hindi natatapos kung saan ay may mga naglalakihang mga bato ang nakakalat.
“Hoy!, Saan kayo pupunta?!! Hindi pa naman umaga!,” sigaw ni Bandung Bandawasa.
Ngunit wala nang pakialam ang mga espiritu sa kanilang ginagawa. Naiwang nag-iisa, sinubukan ni Bandung Bandawasa na itayo ang huling templong kanyang ipinangako. Subalit nabigo siya, sapagkat tuluyan nang nag-umaga at hindi nya ito natapos. Nakahinga ng maluwag si Rara Jonggrang. Nilapitan niya ang lalaki at sinabing “Ano na ang nangyari Bandawasa? Mukhang kinapos ka ata.”
Natuklasan ni Bandawasa na niloko siya ng prinsesa. Sa sobrang galit nito ginawa niyang estatwa si Rara Jonggrang.
“Hindi ka naging patas sa akin, ngayon ikaw ang gagawin kong pang-isang libong templo tulad ng nais mo!” galit na wika ni Bandung Bandawasa.
At naging estatwa nga si Rara Jonggrang, isang napakagandang rebulto. Hanggang sa kasalukuyan ay makikita pa rin ito sa loob ng malaking kuwarto sa Templo ng Rara Jonggrang sa Prambanan Temples Complex. Ang iba pang templong naroroon ay kilala sa tawag na Sewu Temple. Ang salitang sewu sa wikang Javanese ay nangangahulugang libo.
Ang isang kuwento ay kinapapalooban ng serye ng mga pangyayaring magkakaugnay. Karaniwang nakaayos ang mga ito mula sa unang pangyayari hanggang sa huli. Mahalagang maging malinaw ang paraan ng pagkakasunod-sunod para maunawan agad ng mambabasa.
Ang mga panandang pandiskurso ay maaaring maghudyat ng pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari o di kaya’y maghimaton tungkol sa pagkakabuo ng diskurso. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon ng linaw ang isang tiyak na sulatin o pahayag at nagkakaroon ng organisasyon ang mensahe ng nagsasalita. Gumagamit ng panandang diskurso depende sa uri at pagkakaayos ng teksto. Maaari itong magpakita ng pagkakasunod-sunod, pagkakaugnay, pagbabago ng paksa o kaya’y pangangatwiran. Karaniwan nang ito ay kinakatwan ng mga pang-ugnay o pangatnig.
Narito ang ilang halimbawa:
at, saka, pati- nagsasaad ng pagpupuno o pagdaragdag ng impormasyon
maliban, bukod kay, huwag lang, bukod sa- nagsasaad ng pagbubukod o paghihiwalay
tuloy, bunga nito, kaya naman- nagsasaad ng kinalabasan o kinahinatnan
kapag, sakali, kung- nagsasaad ng kondisyon o panubali