Ang Elehiya ay isang tulang liriko na nagtataglay ng masidhing damdamin tulad ng kasawian, kalungkutan, pangungulila o kaligayahan na iniuukol sa isang namayapa. Dito binibigyang-parangal o pag-ala-ala ang buhay o mga nagawa ng isang yumao.
Tema- ang kabuoang kaisipan ng elehiya na kadalasan kongkreto ang kaisipan at ang pinagbasehan ay ang karanasan.
Tauhan- mga taong kasangkot sa tula.
Tagpuan- ang lugar at panahon na pinangyarihan ng tula.
Kaugalian o Tradisyon- ang kaugalian o tradisyong masasalamin sa tula.
Wikang ginamit
Pormal – katanggap-tanggap at ginagamit ng mga propesyunal at sa mga pormal na talakayan at mga lehitimong babasahin
Pampanitikan(mga tayutay at talinhaga)- kadalasang ginagamit ng mga makata at mga manunulat
Pambansa- karaniwang salita na may kapormalan at ginagamit sa mga pormal na pagpupulong at talakayan(pasalita man o pasulat), ang mga kinikilalang opisyal na salita sa isang bansa
Di-pormal- salitang karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na usapan, kaswal at malaya
Panlalawigan-salitang ginagamit lamang sa particular na lugar o lalawigan, hal: a) kadyot lang(Bisaya, ibig sabihin sandali lang), b) daga (Bikol-lupa)
Kolokyal- mga pekulyar o karaniwang salita na kadalasang hindi pino o hindi tama ang pagkakagamit kung pakasusuriin ngunit ito’y tanggap dahil ito ay nakagawian nang gamitin, halimbawa: a)Siya ay isang bakla(gay/homosexual), ang likas na kahulugan ng bakla sa Filipino lalo na noong unang panahon ay “duwag” o hindi matapang, kung gay ang tinitukoy, ang salitang katumbas dapat ay “binabae” ngunit sa pagdaan ng panahon, naikabit ang salitang “bakla” sa pagiging binabae; b) Kano(pinaikling Amerikano) c) Memya na (mamaya na), d) Meron (mayroon), e) Aysus (Ay Hesus!)
Balbal – salitang may pinakamababang antas, may kagaspangan, salitang ginagamit at nauunawaan ng mga partikular ng pangkat (mga kabataan, mga homosekswal at iba pa, halimbawa: ermat (nanay), petmalu(malupit), lodi (idol), chaka(pangit), yosi(sigarilyo)
Simbolismo- gumagamit ng mga bagay/salita upang ipahiwatig/irepresenta ang isang kaisipan o ideya.
Damdamin- ang damdaming nananaig sa tula.
Ang pang-uri ay isang bahagi ng pananalita na nagbibigay-turing o naglalarawan sa pangngalan o panghalip. Isang halimbawa ng pang-uri ay ang damdamin. Halimbawa, “Siya ay masaya.” Ang salitang masaya ay isang halimbawa ng pang-uri na naglalarawan ng damdamin. Sa pagpapahayag ng kaisipan o damdamin , nais bigyan-diin o pangibabawin upang higit na maipahayag ang kaisipan o bagay nan ais maiparating.
Ang pagpapasidhi ng damdamin ay tumutukoy sa papataas na antas ng damdamin mula sa pinamababa/pinakamababaw na nadarama tungo sa pinakamaigting o pinakasukdulan ng madarama.
HALIMBAWA:
(kapag sinabing inis ka, may nadarama ka na kaunting negatibo o pagkadismaya, mas mahigit dito ang asar dahil papunta na ito sa pagkagalit at ang sukdulan ay poot dahil tila gusto mo nang manakit ng tao o hindi mo na mapapalagpas at hindi mo na ito kayang patawarin)