Isang Mahabang Araw
-ni Rebecca Aira Baliton at Neil Alden Belen
-ni Rebecca Aira Baliton at Neil Alden Belen
Bakit ba natutulog ang mga tao? Bago masimulang maunawaan ang kalagayan ng mundo na hindi kailangang matulog, dapat lamang na magsimula sa pinakang-ugat at tingnan muna kung bakit tayo nabubuhay sa mundong kailangang matulog.
Marami nang teorya na nagtatangkang sumagot dito ngunit wala pang napapatunayan. Isa sa mga teorya ay upang mabigyan ng pagkakataon ang katawan upang mapahinga at mai-ayos ang mga sistema nito. Ang isa pa ay nagsasabing ito ay tugon sa hormones na kaagapay ng metabolismo ng katawan. Maaari din raw na ito ay para mabawasan ang posibilidad ng mga aksidente (mas mataas ang posibilidad na maaksidente kapag aktibo ang isang nilalang).
Kung ipapalagay natin ang mga teoryang ito bilang tunay na dahilan sa paghimbing ng mga tao, hindi maikakailang esensyal ito sa kalusugan. Ngunit kung titingnan sa ibang perspektibo at iisiping hindi talaga kailangan ang tulog, may iba pa bang maaaring magdala ng ganitong mga benepisyo maliban sa pagtulog? Kung mayroon, posible bang mabuhay ang mga tao na walang tulog? Kung gayon, ano ang gagawin natin sa gabi at madaling araw?
Kung hindi na kailangang matulog, maaring sumabay ang pahinga at pagaayos ng mga sistema ng ating katawan sa sarili nating pahinga habang nananatili ang ating kamalayan. Samantala, babawiin naman ng pagkakaroon ng higit na proteksyon ang mas mataas na posibilidad ng mga aksidente. Sa sitwasyong haypotetikal na ito, maaari nga tayong mabuhay nang walang tulog.
Kung papansinin ang takbo ng mundo ngayon, hindi na mahirap isipin ang mga maaaring gawin sa mga oras na kadalasang nilalaan sa mga panaginip at pahinga. Sa kasalukuyang sitwasyon pa lamang ay wala nang hinto ang pag-usad ng mga industriya. Sa mga lungsod ay tila ba walang pinagkaiba ang hatig gabi sa tanghali.
Para sa nakararami, kagaanang loob ang maaaring hatid ng kawalan ng pagod at pangangailangang ipikit ang mata. Sa mga taong may responsibilidad at mga papel na ginaganapan, malamang ay minsan na nila itong hiniling. “Sana, hindi nalang ako napapagod.” “Sana hindi ko na kailangang matulog.” “Kulang na ang mga oras ng magdamag para sa mga gawain, paano pa kaya sa pagtulog?”
Sa mga kabataan, mga estudyanteng nag-aaral at nangangarap, maaari nang gugulin ang oras na ito sa pagsasaayos ng mga gawain sa paaralan nang hindi sinasakripisyo pokus sa mga diskusyon sa silid-aralan. Sa mga magulang na walang sawang nagtatrabaho para sa mga anak, maaari naman itong gamitin sa paglalaan ng oras sa pamilya o di kaya’y pansarili namang benepisyo.
Ngayon naman ay ituon ang atensyon sa mga akademiko. Ang mga doctor at mga mananaliksik. Napakalaking tulong nito sa kanilang mga gawain! Walang hanggang atensyon sa mga mahahabang oras ng operasyon para sa mga nag-oopera ng pasyente. Hindi na magiging problema ang pagkabawas sa kahusayan ng mga doctor dahil sa kakulangan sa pagtulog. Samantala, walang hanggang oras naman para sa obserbasyon ng mga eksperimentong isinasagawa ng mga mananaliksik. Maaari nang mapansin ang kahit pinaka-maliliit na pagbabago.
Hindi lang ang gawain ng mga tao ang maaapektohan ng walang katapusang aktibidad ng gising na mga mamamayan. Malamang ay magbabago din ang pagtakbo ng mga industriya. Malaki ang tsansang iba ang pagtatakda ng mga samahan tulad ng iskedyul sa pagpasok sa trabaho dahil hindi na lamang ito malilimita sa mga oras ng liwanag.
Siguradong madadagdagan ang paggamit ng kuryente. Kung bilang naman ng beses na pagkain sa isang araw ay darami din. Mula sa tatlo baka ito’y maging apat o lima dahil sa dagdag na oras ng pagiging aktibo.