Update:
Ang unang gusaling pampaaralan ay itinayo sa loteng may sukat na 2,412 sq, m. na ipinagkaloob ng USAID sa tulong ng PHHC. Ito ay may apat na silid na lalong kilala sa tawag na gusaling “pre-fabricated”. Ang nasabing gusali ay nagkaroon ng katuparan sa matiyagang pagtutulungan ng Womens League at mga mapagmalasakit na mamamayan ng Bagong Barangay Housing Project. Taong 1954 ang Bagong Barangay ay nakaanib pa sa Paaralang Jacinto Zamora. Si G. Ricardo Mendoza ang namahala sa bagong paaralan na may walong (8) klase, dalawang (2) pangkat sa bawat antas.
Taong 1961-1962 nalipat ang pamamahala kay G. Jorge Sidney. Dalawang klase ang napadagdag at ang bagong pangalan ay mababang Paaralan ng Labores.
Si Bb. Trinidad Maceda ang pumalit kay G. Jorge Sidney ng taong 1962. Naging mabilis ang paglaki ng populasyon ng paaralan kaya muling lumapit ang Samahang Womens’ Welfare Movement sa mga nanunungkulan para sa pagpapatayo ng isang gusali na may sampung (10) silid at pagkukumpuni ng unang itinayong gusali. Nagkaroon ng katuparan ang lahat sa tulong nina Kon. Alfredo R. Gomez at Felicimo R. Cabigao ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila. Ipinalabas ang Ordinansa Bilang 4471 at pinagtibay ang halagang P200,000.00 na sinang-ayunan ni Kgg. Arsenio Lacson, punong lungsod sa pagpapatayo ng gusali.
Pinasimulan ang bagong gusali ng taong 1962-1963 sa pamamahala ni Gng. Susana Corcuera. Ang dating Paaralang Labores ay nakapagsarili na at nagkaroon ng bagong pangalang Mababang Paaralang Bagong Barangay.
Si Gng. Jesusa Jose ang nahirang na punong-guro ng taon 1963-1966 at sa panahon ng kanyang panunungkulan ang gusali ay nagkaroon ng kaganapan.
Siya ay hinalinhan ni Bb. Obdulia Medina (1966-1969) na siyang nagpalagay ng konkretong bakod sa likurang gusali.
Sa maikling panahon ng pamamahala ni Gng. Ligaya Delos Angeles (1969-1970) ay nagkaroon ng bakod na bakal ang halaman sa harap ng tanggapan. Inilabas ang unang sipi ng pampaaralang pahayagan, ang “Diwang Barangay”
Taong 1970-1972 ipinagpatuloyng bagong punong-guro, Gng. Heminia Edeza ang pagbabakod sa bakanteng lote na naging isang halamanan ng paaralan.
Si Gng. Aurora Rausa (1972-1973) ang pumalit na punong-guro ngunit siya ay nalipat agad sa ibang paaralan. Muli, ibinalik si Gng. Herminia Edeza sa paaralan. At sa pagitan ng taong 1972 naipaayos ang paaralan at nasimulan niya ang kahilingan para sa karagdagang gusali bago siya nalipat sa mas malaking paaralan.
Si Gng. Lilia P. Estacio (1972-1973) ang nagpatuloy para sa kahilingan ng panibagong gusali, naitayo ang gusali ng Bagong Lipunan at isa pang “Army Type” para sa silid ng TCC at shop. Ang Bagong Barangay ay naging ganap na paaralang elementarya.
Sumunod si Dr. Trinidad B. Salumbides (1977-1979) at napagkalooban ang paaralan ng mga gamit sa silid tanggapan tulad ng mga lamesa, “filling cabinet” typewriter, atbp. Mula sa MECS Region IV. Pinagkalooban din ang paaralan ng sertipikong may halagang P90,000.00 petsa March 3, 1978 para sa malakihang pagkumpuni ng paaralan.
Si Gng. Rosario T. Saludades ang sumunod na punong-guro (1979-1980). Sinimulan niya ang “fund raising project” at ang nalikom na halaga ay ginamit sa mga kumpletong set ng rondalya, TV set, sound system, floor polisher, over-head projector, etc. nagkaroon ng dalawa pang silid, firewall at ornamental na halaman na nagbibigay luntian sa paaralan.
Dumating si Gng. Natividad B. Lomibao (1981-1985). Nagkaroon ng pagbabagong anyo ang grotto ng Lourdes, mga karagdagang silid, panuluyang tubig, pagpapataas ng bakod, water electric pump, ceiling fans, landscapes at waiting shed. Para sa mga guro, kagamitang pantulong tulad ng cassette tape-recorders, TV set at beta max machine at iba pang mga gamit sa kantina at opisina. Ipinatayo ang gusaling Marcos Type na nagkakahalaga ng P1,113,890.97. Maraming karangalang nakuha ang paaralan sa mga pangsangay na paligsahan tulad ng quiz bee, essay writing, storytelling, atpb. Ang Bagong Barangay ay napabilang sa sampung paaralang nanguna sa buong sangay ng Maynila.
Si Bb. Zenaida Oricino (1985-1987) ang punong-guro na nanghikayat para sa cultural show, paghirang sa kakayahan ng mga guro na nagbigay karangalan sa paaralan sa pangunguna ni G. Eugenio C. Ticson, unang Metrobank Outstanding Teacher.
Taong 1987-1988 si G. Ricardo Perey ang pumalit na punong-guro. Sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan naipagpatuloy niya ang pag-papaayos ng paaralan.
Siya ay hinalinhan ni Gng. Ma. Luisa S. Quiones (1988-1990). Pinagtuunan niya ang mga proyektong pang H.E tulad ng mga makina, pagkukumpuni sa paaralan, pagdadagdag ng mga janitors. Sa kanyang panunungkulan nanguna ang paaralan sa NCR.
Pinalitan siya ni Gng. Ligaya Pineda (1990-1992) muli, nanguna sa NEAT ang paaralan at sa kanyang mga kahilingan naipagawa ang gate, nadagdagan ang school supplies at iba pang mga kagamitan para sa mga mag-aaral.
Si G. Marcelino Garcia (1992-1993) ang sumunod na punong-guro na dahil sa kasipagan ay napatanyag na muli ang Paaralang Barangay nang pumangatlo sa NEAT at isa sa mga pinakaepektibong paaralan ng lungsod. Naglunsad din siya ng mga pangkabuhayang proyekto tulad ng babuyan, manukan at atbp.
Sa pamamahala ni Gng. Cleofe Cerdena (1993-1994) ay nabigyang-diin niya ang relasyon ng mga guro sa kapwa at sa mga bata sa pagbibigay ng mga aral ng bibliya.
Pinalitan siya ni Gng. Portia E. Perena (1994-1999) na pinamahalaan ang pagtatayo ng stage, tangke ng tubig, garden of harmony, aviary, gamit sa opisina ng computer, Xerox Machine atbp. Mapagkalinga sa mga guro tulad ng pagpupulong sa magagandang pook, Cultural Show at paglulunsad ng Miss Wow.
Pinalitan siya Dr. Vercelina A. Tan (1999-2000) na sa maikling panahon ng panunungkulan ay naipatayo ang overhead Tank ng tubig sa tulong ng PTCA, grotto sa likod ng Bldg. 3 at napabakuran ang likod ng paaralan.
Mula sa paaralang A.H Lacson, dumating si Bb. Regina C. Micu (2000-2003). Napansin agad ang kalinisan at kasipagan ng bagong punong-guro. Napasimulan agad ang pagpapatayo ng gusaling may apat na palapag at kasabay ding napasimulan at natapos ang bagong silid tanggapan mula sa donasyon ng PTCA. Kasunod nito ang pagpapakumpuni ng mga silid-palikuran ng mga mag-aaral, pagkakabit ng bagong motor ng tubig sa pakikipagtulungan ng ilang mapagmalasakit na mamamayan para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Punong-guro ng paaralan si Bb. Adelaida C. Reyes taong 2003-2004. Ipinagpatuloy niya ang kalinisan at kaayusan ng paaralan. Binigyang pansin niya ang wastong ugali at asal ng mga guro, kawani, at mga mag-aaral.
Sumunod si G. Jovenal R. Gabriel (2004-2009). Sa pamumuno ni G. Gabriel nagkaroon ng mga tulay daanan na nagdudugtong sa pangalawang palapag ng gusali I at II, mga rehas sa bintana ng bagong gusali at pagkakaroon ng linya ng kuryente dito. Naging epektibong paaralan din ang Bagong Barangay sa nasabing panahon.
Naging OIC si Gng. Rosa L. Siducan ng apat na buwan dahil sa biglaang pagkakasakit ni G. Gabriel.
Si Dr. Isabelita R. Valencia ay tumayong Supervisor In-Charge ng paaralan, Hunyo,2009 upang magabayan ang paaralan, mga guro at mag-aaral.
Dumating si Dr. Paz S. Sison bilang punong-guro (2009-2011). Maraming rehabilitasyong infrastraktura ang ginawa sa paaralan. Pag sasaayos ng gate, stage,clinic, opisina ng principal, at mga palikuran. Iba’t-ibang gamit para sa pagtuturo, electric fans, aircon unit, computers atbp. ang naipamahagi sa bawat silid aralan. Tumaas din ang antas ng paaralan sa “Achievement Test”.
Naging concurrent principal ng paaralan si Dr. Fe L. Medrano ng dalawang buwan habang hinihintay ang kapalit ni Dr. Sison na nag retire sa edad na 65 noong Hulyo 14, 2011.
Si Bb. Edna P. Parcon ang punong-guro sa Bagong Barangay mula Oktubre 2011. Sa kaunting panahon palang na nailalagi niya sa paaralan napaayos na niya ang palikuran ng mga guro at dagdag tubig daluyan ng Maynilad. Nakabitan na din ng internet wifi ang Bagong Barangay at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng E-classroom kung saan matututo at mawiwili ang mga bata sa pag-aaral sa pamamagitan ng modern at interaktibong teknolohiya.
Sumunod na namahala sa paaralang Bagong Barangay si Bb. Marina T. Benitez mula taong 2014-2016 na sa paaralang Bagong Barangay narin nagretiro. Hinggil dito kaya nagkaroon ng concurrent principal sa katauhan ni Bb. Angelina Mojica sa katauhan ng punong-guro ng paaralang Jacinto Zamora mula 2016-2017. Sa kaakibat ni Gng. Lady Jazzie M. Mamita bilang OIC ng halos isang taon habang naghihintay sa pagdating ng bagong punong-guro.
Taong 2017, si G. Abner Reyes ang pumalit na punong-guro subalit nagritiro at bumalik sa panunungkulan hanggang 2019. Pinasimulan nya ang pagsasaayos ng unang gusali ng paaralang Bagong Barangay.
Si Gng. Lilybeth F. Quento ang pumalit na punong-guro sa taong 2019-2022. Ipinagpatuloy niya ang nasimulan ni G. Abner na konstruksyon ng unang gusali ng paaralan.
Naging concurrent principal si Gng. Guia Morris mula ika-23 ng Agusto taong 2022 hanggang ika-9 ng Oktobre taong 2022 habang hinihintay ang kapalit ni Gng. Quento.
Sa kasalukuyan, si Gng. Bernadeth Pablo ang namumuno sa paaralang Bagong Barangay na masiglang sinalubong ng mga guro, concurrent principal at mga mag-aaral ng Bagong Barangay. Sa maikling pamumuno pa lamang, binigyang pasin nya ang mga gusali ng paaralan. Inaasahang maraming rehabilitasyong magaganap sa paaralan na mas magpapaganda at magpapasigla sa mga mag-aaral upang mag-aral.