Ang bahay ng mga badjao ay mapapansin natin na matataas kung ikukumpara sa ating mga tagalog. Iyon ay dahil sa nakasanayan narin nila na kahit walang tubig o malayo sila sa dagat ay hindi nila nakakalimutan ang kanilang tradisyon. Ito ay dala dala nila kahit san man sila magpunta, isa pa sa kanilang angking galing at tradisyon ay marami silang mga talento na hindi alam ng iba na ang kanilang mga sinusuot o ginagamit ay gawa ng mga badjao.
Ang panglilimos ay isa din sa nakaugalian ng mga Badjao, kinailangan lamang na gawin nila ito upang mabuhay, hindi man kinasanayan ang buhay na wala sa gitna ng karagatan pinipilit na gawing normal ang kanilang buhay. Dahil sa kakulangan ng kaalaman sa pamumuhay malayo sa karagatan panlilimos ang kanilang naging solusyon at naging pinakapangunahing ikabubuhay sa lungsod mairaos lamang ang pangaraw-araw na pamumuhay.
Delikado man sa kanilang buhay, pero ito na ang kadalasang sitwasyon na makikita natin sa bawat Badjao na nandito sa Maynila o sa parte ng Batangas City. Sumasampa sa mga jeep, nangangaroling at umaasa sa kaunting barya na pwedeng maiabot sa kanila. Kung hindi sila kinaawaan, sila’y kinatatakutan at pinandidirihan.
Hanggang kailan magiging ganito ang sitwasyon ng mga Badjao? Kailan maririnig ang kanilang mga tinig upang mabigyan ng pansin at maialis sa sitwasyong kanilang kinasadlakan? Kung sana ay nabigyan sila ng proteksyon sa karagatan na kanilang tinitirhan, hindi na sana sila nakarating pa dito sa kamaynilaan at nasadlak pa sa mas matinding hirap ng buhay.