Isinulat nina John Paul Ong at Aeron Ang, Grade 12 Martin Luther
Matapos ang isang linggong paglalayag sa dagat, dumaong na sa pantalan ng bayan ng Cres, isang kaibig-ibig na isla, ang barkong binansagang Byzantine. Lulan nito ang humigit-kumulang isang-daang pasahero na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng mundo, pati na rin ang mga kayamanan tulad ng ginto, pilak, at mga tela na yari sa seda.
Habang binabaybay ng mga pasahero ang andamyo ng barkong nagbubuklod sa lupa’t dagat, nalalanghap at dumadampi sa kanilang mga balat ang preskong simoy ng hangin na tila ba nag-aanyaya ng kasaganahan at bagong pag-asa. Karamihan sa kanila, mababakas ang nagniningning na mga mata, sapagkat may nababanaag silang magandang simula at panibagong mga mithiin sa islang ito.
Sa gitna ng pulutong ng mga tao, mapapansin ang isang lalaki na tumataliwas sa daloy ng karamihan. Siya’y namangha sa kariktan ng islang kanyang nakita — nabighani sa kakaibang ganda ng dalampasigan at mayayabong at luntian nitong mga puno. ‘Di tulad ng iba na may tiyak na direksyong patutunguhan, siya ay pansamantalang napako sa kanyang kinatatayuan.
“Hoy, gumalaw ka! Naaabala mo kami rito o!” ang sabi ng ilang mga nayayamot na biyaherong hindi natutuwa sa bumabara sa daanan.
“Oo nga gumalaw ka! Nakakasagabal ka sa’min!” hiyaw ng isang matandang babaeng lulugo-lugo na.
“Ah” — sabi ng lalaki nang matauhan siyang nasa gitna pala siya ng andamyo — “pasensya na po. Nakaabala pala ako,” ang kanyang itinugon.
Masiglang humakbang pababa ng barko ang lalaki. Hawak niya ang isang bag na naglalaman lang ng isang linggong pamalit na damit, tarheta ng kanyang pagkakakilanlan, at mga barya-baryang sukli. Habang ang ibang mga tao ay nagmamadaling tumungo sa mga lokal na matutuluyan o pamilihan, napagtuunan ng pansin ng lalaki ang isang lumang karatula, bali-bali na’t sira-sira. Ang kuwadro pa nito’y nabubulok na sa patuloy na pagkakabilad sa tubig-dagat — sadyang hindi nakakahalina.
‘Tumatanggap ng mga pahinante. Isang tansong Cryptus kada bagahe,” iyan ang mga salitang nakaukit sa karatula na siyang pumukaw sa kanyang paningin. Tinuwid niya ang kanyang tindig matapos mangalay ang kanyang mga binti sa matagal na pagkakaupo sa barko. Gamit ang kanyang matipunong pangangatawan, agad niyang nalusutan ang nagkukumpulang mga tao sa paligid, sa pag-asang natagpuan na niya ang kanyang magiging trabaho. Ni isang saglit nang mga oras na iyon, hindi niya inalis ang kanyang mga mata sa karatula. Dahil doon, napagwalang-bahala niya rin ang ingay ng mga tao sa tabing-dagat — isang bagay na kanyang pagsisisihan sa huli.
“HOOOY! Tabi! Tumabi kayo diyan!” sigaw ng ilang mga manggagagawa ng pantalan matapos nilang mahakot ang tone-toneladang bulto ng mga paninda’t bagahe.
Hindi narinig ng lalaki ang sigaw ng tripulante dahil abala siya sa kanyang sariling mundo. At sa pangalawang pagkakataon, naging sagabal na naman siya sa daan. Matapos ang ilang minuto, dumaing na ng pagkahapo ang isang manggagawa.
“Hi—hi- hindi ko na kaya. Mabibitawan ko na ‘to. TABI!” unti-unting humina ang kanyang mga haluyloy at nang bumigay na ang kanyang mga paa, dagliang gumuho ang malabundok na mga bagahe sa umpok ng mga tao.
Naganap ang isang malaking kaguluhan; nagsitakbuhan at nagmadaling humayo ang mga tao papalayo sa paparating na disgrasya. Ngunit sa kasamaang palad, hindi nakaligtas ang iba.
Nang mawala na ang namuong alikabok sa kalsada, makikita’t maririnig ang mga sugatang humihingi ng saklolo — kabilang na sa mga ito ang lalaki. Sapo niya ang kanyang ulo matapos ang trahedyang kanyang sinapit.
“NAGDURUGO SIYA! TUMAWAG KAYO NG DOKTOR!” ang hiyaw ng isang natatarantang trabahador habang inuumang ang kanyang hintuturo sa lalaki.
Nang magkamalay, sinubukang tumayo ng lalaki, pero agad umikot ang kanyang paningin at nawalan siya ng balanse. Muntikan na siyang mahulog sa tubig nang maagapan siya ng isang misteryosong lalaki. Pinulupot nito ang kanyang mga braso sa katawan ng lalaki, hinila papalapit, at niyakap nang mahigpit. Gulat sa mga biglang naganap na pangyayari, walang nagawa ang lalaki kundi tumingin na lamang sa hugis-kwadradong mukha at maladagat na luntiang mga mata ng kanyang tagasagip — na sadya namang nakakaakit sa paningin.
“Ako nang bahala sa’yo!” ang madiin niyang sabi.
Kinalong niya ang lalaki’t dinala ito sa mas tahimik na sulok ng pantalan upang magamot ang kanyang mga natamong sugat. “A-ahm… kumalma ka lang. Pwede kang sumandal sa’kin,” ang nakakagaan na wika ng lalaki na maikukumpara sa mga banayad na alon sa dalampasigan.
Hapong-hapo sa mga naganap, unti-unti na lang pumikit ang mga mata ng lalaki hanggang sa tuluyan siyang nawalan ng ulirat. Matapos ang ilang sandali, dahil sa matinding kirot na kanyang nararamdaman ay nagising siya. Napansin din niyang nakahiga na siya at nasa tabi na pala niya ang doktor na nagligtas sa kanya.
“Huwag ka munang gumalaw. Malapit na akong matapos. Nililinis ko na lang at nilalagyan ng gasa ang sugat mo. Sandali na lang ‘to,” ani ng doktor.
Habang sinisimulan na ng doktor ang paglalagay ng gasa, kapansin-pansin sa paligid ang nakabibinging katahimikan. Minuto…oras ang lumipas na walang imik ang lalaki dahil sa nangyari sa kanya.
Bagaman ninenerbiyos, pinagpasiyahan ng doktor na basagin ang katahimikang ito matapos niyang makita ang bahid ng pag-aalala sa nasisinagang mukha ng lalaki. Nilunok ng doktor ang bato sa kanyang lalamunan at sinabi, “Nagkagulo talaga doon ano? … Eherm —” tumikhim siya at nag-ipon ng kumpiyansa bago ipinagpatuloy ang kanyang tanong, “Siyanga pala… ba’t mo naman naisipang pumunta rito?”
Bumuntong-hininga ang lalaki bago siya sumagot, “Naghahanap lang ako ng mapagkakakitaan. Pero sa totoo lang, matapos noon, hindi ko na alam.”
Hindi sinasadyang napakamot ng ulo ang doktor nang maaliw siya sa sagot ng lalaki. Marahan siyang tumawa’t sinabi, “Alam ko ang pakiramdam, ngunit hindi ka dapat magpadala diyan. A—”
“Ang lakas naman ng loob mong sabihin ‘yan!” ang wika ng lalaki matapos niyang putulin ang sinasabi ng doktor. Mararamdaman ang poot sa kanyang mga sinabi. “Ti- tingnan mo nga ang sarili mo! Isa kang doktor. Pero ako – wala akong kuwenta. Ni hindi ko nga alam kung ano ba talaga ang pakinabang ko sa mundong ito e.”
Nang mailabas ng lalaki ang kanyang nais sabihin, bigla na namang nanahimik ang paligid ng dalawa. Ngunit ngayon, hindi ito nagtagal.
“Gusto ko sanang—” magkasabay na sabi ng dalawa, habang sinubukan nilang humingi ng tawad sa isa’t isa. Napangiti rin sa wakas ang una’y silyadong mga labi ng lalaki at hindi niya napigilan ang kanyang pagtawa. Balisa sa hindi pangkaraniwang reaksyon, sinabayan na lang ng doktor ang lalaki sa pagtawa.
Matapos ang halakhak ng dalawa, agad binitiwan ng lalaki ang salitang “Kai.” Nagulumihanan ang doktor, “Paumanhin? An—.” Ngunit bago niya matapos ang kanyang sasabihin, bigla na lang pumasok sa kanyang isipan ang nais ipahiwatig ng lalaki. Tugon niya, “Doktor Mercedés, pero maaari mo akong tawaging Javier.”
‘Javier, Javier, Javier’
“Ang ganda naman ng pangalan mo.”
‘Javier, Javier, Javier,’ paulit-ulit na pinagnilayan ng lalaki bago niya sinabing, “Ang ganda naman ng pangalan mo.” Nang marinig ito ng doktor, agad niyang sinagot, “Eherm — Salamat. Ang sa iyo rin, natatangi at walang katulad sa buong lupalop.” Dahan-dahang inalalayang umupo ni Javier si Kai. “Op, teka muna. Magdahan-dahan ka lang. Masasanay ka rin sa’yong paligid,” aniya na may bahid ng pag-aalala. Nang tuwid nang nakaupo si Kai, muli na naman niyang nararamdamang umiikot ang mundo, at tulad noong una, nasalo muli siya ni Javier bago siya tuluyang bumagsak sa sahig.
“Sa tingin ko, masyado pang maaga para diyan. Humiga ka muna’t magpahinga,” ang wika ni Javier.
Bumuntong-hininga si Kai bago niya sinabing, “Sige susundin ko ang payo mo pero dapat kausapin at kuwentuhan mo ‘ko. Ayoko kasi ng masyadong tahimik, Javier.” Agad namang sumagot ang doktor, “Siyempre naman. Hindi ba naghahanap ka ng trabaho?”
Ang malumanay na pagbaling ng buhok ni Kai sa namantsyahang tunika ni Javier ay nagbigay sa kanya ng kasiguraduhan. “Alam mo Kai—” huminga nang malalim si Javier. Tila ba ang kanyang mga sasabihin ay magiging makapagbagbag-damdamin para kay Kai. “Bata ka pa. Ilaan mo ang panahon mo upang maglibot at maglakbay. Masyado mo naman yatang pinaghahandaan ang hinaharap mo.”
“Pero kasi, mag-aaksaya lang ako ng oras kapag ginawa ko iyan! Ang oras at panahon na magagamit ko na sana sa— sa…” Tinikom ni Kai ang kanyang bibig dahil hindi na niya alam ang susunod niyang sasabihin. “Sa ano?” ang sabi ni Javier upang mapunan ang puwang na iniwan ni Kai.
Natapos ng ganoon ang kanilang palitan. Ipinikit ni Kai ang kanyang mga mata at pinili na lang manahimik habang kanyang nilalanghap ang sariwang hangin sa paligid. Gayon pa man, pakiramdam ni Javier ay parang masyado niyang pinakialaman ang pribadong buhay ng lalaki. “Kai, hindi ko sinasadya at wala sa aking isipan ang pakialaman ang personal mong buhay—.” Napahinto si Javier nang maramdaman niya sa kanyang mga braso na nanginginig na si Kai. Hinawakan ni Javier ang mga palad niya upang mabawasan ang panginginig nito at kanyang itinanong, “Kai, ayos ka lang ba?”
Hindi siya sumagot ngunit ang pagsinghot at ang mga luha na bumubutil sa kanyang mukha ang nagsabi ng lahat. “Kai, ‘wag ka nang umiyak,” ang sabi ni Javier habang gumagaralgal ang kanyang tono. “Magiging maayos din ang lahat, mahahanap mo rin ‘yun. Sigurado ako!” Mahinay na pinunasan ni Javier ang mga luha ni Kai bago niya itinuro ang langit na kumikinang kawangis ng mga ginto. “Tingnan mo Kai, ang langit! Ang ganda diba?” wika ng doktor habang siya mismo’y labis na namamangha sa kanyang nakikita.
Matapos huminanon si Kai, minulat niya ang kanyang mga mata at kinutya ang sinabi ni Javier. Ani niya, “Walang araw na lumilipas na hindi ko nakikita ang sinasabi mong ganda ng langit. Dapit-hapon lang ‘yan, anong bago?” Agad namang tumugon si Javier, “Anong ibig mong sabihin, araw-araw? Unang beses ko lang itong muling makita sa loob ng mahabang panahon.”
Bagaman hindi alam ni Kai kung saan nagmumula ang emosyon, pakiramdam niya na nagwagi siya dahil sa pagkahumaling ni Javier. “Masyado ka bang maraming ginagawa?” ang tanong ni Kai. Tumugon si Javier habang titig na titig pa rin ang kanyang paningin sa ganda ng langit, “Oo, sobra.” “Nakakaibig talaga ang tanawing ito”, kanyang idinagdag. Kahit na maiksi man ang kanyang mga sagot, puno naman ng kabuluhan ang mga ito. Nausisa tuloy si Kai na magtanong, “Javier, hindi ba matagal ka nang isang doktor? May mga bagay ka pa bang hindi nakikita’t nalalaman?”
“Ikaw,” pabiro niyang sinabi. “Ha- Ha- nakakatuwa ka,” ang sarkastikong isinagot ni Kai. "Pero sa totoo lang, simula noong makita kita napagtanto ko ang layunin ko bilang isang doktor at tao. Dapat ngayon nakabalik na ako sa ospital, subalit siyempre, hindi ko naman maaaring iwan ang aking pasyente.”
“Salamat, kaibigan,” ang balik-tugon ni Kai upang hindi na magpaliguy-ligoy pa si Javier sa kanyang mga sinasabi.
“Kai, tutal mananatili ka pa naman dito, ba’t di ka na lang sumama sa akin. Mayroon pa naman akong bakanteng kuwarto, matagal nang walang gumagamit noon. Tsaka isa pa, kailangan ko rin naman ng makakatulong sa bahay habang ako ay nasa ospital — lalo na’t madalas akong bisi. Anong masasabi mo?”
“Talaga, sigurado ka ba? Aba siyempre naman! Pero, paisa-isang hakbang lang muna. Ba’t di muna tayo manatili rito kahit ilang saglit pa?” ang sabi ni Kai na parang tutang nakikiusap sa kanyang amo.
“Hah! Kahit na gusto ko pa ring manatili rito, mas mabuti sigurong umalis na tayo,” tumigas ang tono ng doktor, “lumalamig kasi rito kapag gabi at hindi iyon magiging mabuti para sa tulad mong nagpapagaling pa. Tsaka tiyak, marami na rin naghahanap sa akin sa ospital.”
Naunang tumayo si Javier at kaniyang inalalayan si Kai papalabas ng pantalan.
Hindi rin nagtagal, and dalawang lalaki ay naging matalik na magkaibigan.
About the authors...
John Paul is an introvert at first encounter but might be the most accommodating and high-spirited person you’ll be friends with. Loves watching anime and dramas, reading manga, and playing video games like any other student. Despite being a new member of Nouvelles, he’s willing to take on new challenges to be more adept in writing.
Aeron is a Grade 12 student under the STEM Bio-Chem strand in Jubilee Christian Academy and is a member of the Senior High School Multimedia Team, as well as the Science Training Program in Biology. He is passionate and currently pursuing Food Technology and writing as a means to satiate his desire for creative expression.
Other Articles You Might Be Interested In...
Cover Image Reference:
Cover Image drawn by Sophia Ong
Article Image Reference:
Article Images drawn by Sophia Ong