Isinulat nina Mikaela Wang at Shanelle Dela Cruz, Grade 12 Martin Luther
Sa isang munting baryo sa Sitio Mahiwaga, may isang pamilya na simple ang pamumuhay—ang pamilya Fernandez. Ang mag-asawang Fernandez na sina Mang Esteban at Aling Nena ay may nag-iisang anak na lalaking nagngangalang Karlos na ngayon ay labing-isang taong gulang na. Mahal na mahal nina Mang Esteban at Aling Nena ang kanilang bugtong na anak, kaya naman lumaki si Karlos sa layaw. Lahat ng kaniyang gusto ay ibinibigay ng kaniyang mga magulang, kahit na ang tanging hanapbuhay nila ay ang pamamasada sa dyip.
Isang araw, habang naghahanda ng hapunan si Aling Nena, si Karlos ay lumabas ng kaniyang kuwarto at pasigaw na tinawag ang kaniyang ina, “Ma! Pakuha ‘yong laruan ko sa aparador. Pakibilisan na lang!”
“Anak! Maaari bang mamaya na lang? Ako ay nagluluto pa ng ating hapunan at hindi ko ito maaaring iwan dahil baka ito ay masunog,” tugon ni Aling Nena habang abala sa kaniyang hinahandang hapunan.
“Ano ba yan! Ako na nga lang. Kaya mo namang iwan ‘yan ng ilang segundo eh,” pabalang na sagot ni Karlos na para bang sumagot sa kaniyang kalaro.
Hindi na muling umimik si Aling Nena at nagpatuloy sa pagluluto. Habang si Karlos ay naglalaro sa kaniyang kuwarto, dumating si Mang Esteban galing sa kaniyang pamamasada sa dyip. Kitang-kita ang pagod sa mukha ni Mang Esteban at panay rin ang kaniyang pagbuntong- hininga na para bang napakabigat ng kaniyang dinadalang problema.
“Mahal ko. Kumusta ang pamamasada sa dyip? Marami bang pasahero ngayon?” tanong ni Aling Nena noong sinalubong niya ang kaniyang asawa upang tingnan ang kaniyang kalagayan.
“Mahal, kinuha na ni Pedro ang dyip na ating ginawang kolateral. Hindi kasi natin nabayaran noong isang linggo ang perang hiniram natin sa kaniya noong tayo ay kinapos sa pagbili ng mga kinakailangan ni Karlos,” malungkot na ibinalita ni Mang Esteban sa kaniyang asawa.
“Pasensiya na kung ito ay hindi ko nasabi sa inyo agad. Ninais ko muna kasing maghanap ng trabaho sa kabukiran upang hindi kayo madismaya, ngunit wala talaga.” dagdag ni Mang Esteban.
Hindi alam ni Aling Nena kung ano ang kanyang gagawin dahil para bang ang kaniyang mundo ay bigla na lamang bumagsak sa kaniyang narinig na balita. Ngunit, hindi niya ito ipinakita kay Mang Esteban upang hindi ito mapanghinaan ng loob.
“Malalagpasan din natin itong suliranin na ito. Huwag kang mag-alala, mahal ko.” panatag na tugon ni Aling Nena sa namomroblemang si Mang Esteban.
Bumalik si Aling Nena sa kusina upang ipagpatuloy ang kaniyang pagluluto para sa kanilang hapunan. Sa halip na siya ay magalak sa pagluluto, marahan siyang napaluha dahil sa kanilang kinakaharap na problema. Habang siya ay lumuluha, kaniyang naisip ang kaniyang pinakamamahal na anak at sa kung paano ito makakaapekto sa kaniyang kaisipan. Kaya naman, inipon niyang lahat ang lakas ng loob na mayroon siya at pinunasan ang mga luhang umaagos sa kaniyang mga mata.
Sa wakas, natapos na rin si Aling Nena sa kaniyang pagluluto. Habang inihahain ni Aling Nena ang kanilang hapunan sa hapag kainan, pinilit niyang gumuhit ng ngiti sa kanyang labi bago niya tawagin si Karlos na abala sa kaniyang paglalaro.
Naglakad si Aling Nena papunta sa kwarto ni Karlos at mahinhin na sinabing, “Anak, tara kumain na tayo.”
“Anubayan ma! Bakit hindi mo muna ako pabayaan? NAKAKASAKAL NA SA BAHAY NA ITO!” pasigaw na sabi ni Karlos habang padabog na lumabas sa kaniyang kuwarto.
Hindi alam ni Karlos na labis na nasaktan at nagdamdam ang kaniyang ina sa kaniyang inasal. Ngunit, ipinilit na lamang ni Aling Nena na muling ngumiti, dahil kahit na kabastusan ang ipinapakita ng kaniyang anak, kaniyang inisip na mas mabuti na ang ganito kaysa naman makita niya ang kalungkutan sa mukha ng kaniyang anak.
Sa kanilang paglabas papunta sa hapag kainan, binati ni Karlos ang kaniyang ama. “Pa! Nakauwi ka na pala!”
“Ah ehh oo ‘nak. M...m...ay sasabihin pala—” nauutal na sinabi ni Mang Esteban at muling nag-ipon ng kumpiyansa bago ipinagpatuloy ang kaniyang tugon, “Kasi anak may nangyari—”
“Anak, huwag mong pansinin ang iyong ama. Gusto lamang niya humingi ng tubig. Ako na lang ang kukuha.” pasingit na sinabi ni Aling Nena upang hindi masabi ni Mang Esteban kay Karlos ang kanilang hinaharap na suliranin.
Sa kanilang pag-upo sa hapag kaninan, bumungad na agad sa kanila ang mga ulam na nakakatakam at kay sarap langhap-langhapin. Bagaman may problemang kinakaharap, pansamantala nila itong nalimutan sa bawat pagsubo sa mga pagkaing inihain ni Aling Nena.
Ngunit, habang sila ay kumakain nang mapayapa, biglang may tinanong si Karlos sa kaniyang ama. “Pa! Alam mo ba na may bagong labas na laruan ngayon? Bilhan mo ako ah!” pautos na sinabi ni Karlos sa kaniyang ama.
“Anak, pasensiya na. Wala kasi kaming pera ng nanay mo ngayon. Babawi na lang kami sa iyo sa susunod na buwan.” tugon ni Mang Esteban.
“Sa susunod na buwan pa?! Jusko naman!” pasigaw na tugon ni Karlos sa kaniyang ama.
Sa galit at inis na nararamdaman ni Karlos, itinigl niya ang pagsubo, binagsak ang mga kubyertos na kaniyang hawak, at padabog na tinulak ang upuan bago siya umakyat at nagkulong sa kaniyang kuwarto.
“Pabayaan muna natin siyang magpalamig. Mas gusto kong makita ang ating anak na magalit, kaysa siya ay umiyak at malungkot sa ating sitwasyong kinakaharap ngayon.” sabi ni Aling Nena sa kaniyang asawa noong nakita niya itong nagtatangka na sundan si Karlos.
Habang kumakain ang mag-asawa, si Karlos naman ay nasa kaniyang kuwarto at pasigaw na humihiling kay Bathala, “Sana mawala na ang aking mga magulang! Sana hindi na lang sila ang aking naging mga magulang!”
Sa kaniyang pagsigaw at pagsamo, hindi niya namalayan na siya ay biglang nakatulog. Pagbukas ng kaniyang mga mata, hindi niya maunawaan kung bakit siya ay nasa hapag-kainan at kung bakit napakaliwanag sa lugar na ito. Habang siya ay naguguluhan, may isang lalaking hindi niya maaninag ang mukha ang nakatayo sa kaniyang harapan. Noong sinubukan ni Karlos lapitan ito, siya ay nagulat na makita na ito ay ang kaniyang ama na nakatalikod.
“Pa? Nasaan tayo? Bakit tayo nandito?” natatarantang tanong ni Karlos sa kaniyang ama.
Lumingon si Mang Esteban at kitang-kita ang mga luhang umaagos sa kaniyang mga mata. Tiningnan ni Karlos ang kaniyang ama at nagkunot-noo, dahil hindi niya maunawaan ang dahilan ng pag-iyak ng kaniyang ama.
“Pa, bakit ka umiiyak?” tinanong ni Karlos na puno ng pagtataka, ngunit wala kahit isang bahid ng pag-aalala.
“Anak, pasensiya na talaga dahil ako ang iyong naging ama. Hindi ko maibibigay lahat ng iyong ninanais at hindi ko rin magawang gumuhit ng mga matatamis na ngiti sa inyong mga labi.” tugon ni Mang Esteban habang pinupunasan ang mga luhang tila bang patuloy sa pagpatak.
“Hindi ‘yan totoo, mahal ko.” tugon ng isang boses ng matandang babaeng nangingibabaw sa buong bahay. Lumingon si Karlos sa boses na kaniyang narinig, at siya’y nagulat nang makita na ito ay ang kaniyang ina na papalapit sa kaniyang kinatatayuan.
“Parati mo akong napapasaya kahit na ang buhay natin ay napakasimple lamang. Ang iyong mga yakap at pagmamahal sa ating pamilya ay umaapaw at araw-araw akong nagpapasalamat na kayo ay ang aking naging mag-ama. Ngunit, hindi kita matutulungan Karlos kung sa iyong tingin ay hindi namin nagampanan ang aming tungkulin sa pagiging iyong mga magulang,” dagdag ni Aling Nena na may lungkot sa kaniyang mukha.
Hindi nakaimik si Karlos sa mga pag-amin ng kaniyang mga magulang at napaisip kung ito ba ang tunay na kanilang nararamdaman tuwing siya ay sumasagot nang pabalang at pasigaw sa kanila.
“Huwag kang mag-alala, ‘nak. Naiintindihan namin ang iyong kalagayan at kung gaano mo kami gustong mawala sa iyong buhay upang ikaw ay magkaroon ng kalayaan na gawin ang lahat ng iyong ninanais.” ipinagpatuloy na wika ni Aling Nena habang tinitingnan si Karlos na puno ng pagmamahal at pag-uunawa.
Habang kinakausap ni Aling Nena si Karlos nang masinsinan, unti-unting nawawala ang imahe ni Mang Esteban at Aling Nena na para bang kaluluwa na unti-unting kinukuha ni Bathala.
“Sandali! Ma! Pa!” sigaw ni Karlos habang tinititigan ang kaniyang mga magulang na unti-unting naglalaho na parang bula.
Mag-uumaga na nang magising si Karlos sa kaniyang masalimuot na bangungot habang hinahabol ang kaniyang hininga. Dali-dali siyang lumabas sa kaniyang kuwarto at hinanap ang kaniyang mga magulang. Noong nakita niyang kumakain ng almusal sina Mang Esteban at Aling Nena, bigla na lamang pumatak ang luha sa kaniyang mga mata at hindi na niya napigilan ang yakapin sila nang mahigpit.
Tiningnan nina Aling Nena at Mang Esteban si Karlos na puno ng pagtataka at hindi makapaniwala ang mag-asawa sa pagbabago ng kanilang anak.
“Karlos? Ayos ka lang ba? May masakit ba sayo?” nag-aalalang tanong ni Mang Esteban kay Karlos.
Umiling si Karlos at sinabing, “Ayos lang po ako. Nais ko lang po sanang humingi ng tawad sa mga kinikilos ko at sa tono ng aking mga pananalita. Nais ko rin pong magpasalamat dahil kahit ako po ay ganito, hindi nagbago ang inyong pagmamahal at pag-unawa sa akin. Iyon lamang po ang gusto kong sabihin.”
Hindi alam ng mag-asawa ang nangyari sa kanilang nag-iisang anak, ngunit sila ay unti-unting napaluha. Hindi na rin nila napigilan, at ibinunyag na nila ang suliranin na pinilit nilang itago.
“Gusto rin namin humingi ng pasensya sa iyo dahil tinago namin ng tatay mo ang ating suliraning kinakaharap ngayon. Tumigil na kasi ang tatay mo sa pamamasada sa dyip, dahil kinuha na ni Pedro ang dyip upang mabayaran ang ating utang. Naghahanap pa kami ng bagong trabaho, ngunit wala pa kaming mahanap.” paliwanag ni Aling Nena.
“Ayos lang po iyon ma, pa. Ayaw ko na pong maging makasarili. Huwag po kayong mag-alala, wala na po akong ibang hihilingin kung hindi ang makasama kayo sa aking buhay.” tugon ni Karlos habang niyayakap ang kaniyang mga magulang.
Simula noon, natutuhan niya na ang pinakamalaking biyaya na mayroon siya ay ang kaniyang mga magulang na walang humpay na binubuhos ang kanilang pagmamahal at pag-uunawa sa paraan na alam nila. Hindi talaga mapapantayan ang pagmamahal na mayroon ang mga magulang sa anumang materyal na bagay sa mundong ito at ito ang dapat makita ng lahat.
About the authors...
Mikaela may look unfriendly at a glance, but she'll be the friendliest person you’ll ever meet. Often spends her time watching K-dramas, painting, drawing, graphic designing, and laughing. Despite having a lot of hobbies, she is willing to dedicate her time to writing to the best of her abilities.
Shanelle is a Grade 12 STEM student specializing in Biology and Chemistry in Jubilee Christian Academy. She is currently a member of JCA’s photography club, Pixel G.
Other Articles You Might Be Interested In...
Cover Image Reference:
PNGKEY (n.d.). Family Png Image - Family Png. https://www.pngkey.com/detail/u2a9o0y3e6y3a9r5_family-png-image-family-png/
Article Image Reference:
iStock Photos (2020, September 23). Walking to new better world. Hope and bright future stock photo. https://www.istockphoto.com/photo/walking-to-new-better-world-hope-and-bright-future-gm1275093135-375706458