Isinulat ni Timothy Daniel Uy, Grade 12 Hudson Taylor
Kung may oras ka naman sa gitna ng pandemya, may mas mabuti pa bang paraan upang gamitin ito kaysa sa kapuwa maglibang at matuto? Kung iyan ang nais mong gawin, wala nang mas bagay na gawin bukod sa panonood ng bagong Netflix show na “Trese”. Kahit hindi man ito ang pinakaunang uri ng animation, nagawa pa rin nitong ipakita ang kalidad at mga kaibahan nito sa iba pang palabas.
Ang Trese ay isang animated horror-thriller na ibinatay sa sikat na komiks na may parehas na pangalan na isinulat ni Budjette Tan at iginuhit ni Kajo Baldisimo. Si Jay Olivia, isang Filipino-American, ang nagsilbing direktor nito. Ito ay may anim na yugto lamang at may maturity rating na 17+. Ang palabas na ito ay tungkol sa mga karanasan ng bida na si Alexandra Trese, ang lakan ng Maynila, sa mga kaso na kinasasangkutan ng iba’t ibang mga nilalang na hango sa mitolohiyang Pilipino.
Maganda ang simula ng palabas at agad na magiging interesado ang mga manonood dahil makikita nila agad ang madilim at magaspang na tema ng pinangyarihan ng palabas sa paraan ng pagpapakita ng imahe ng Lungsod ng Maynila sa pagpatak ng gabi. Diretso na sa aksyon ang palabas gamit ang pinakakilalang karakter mula sa mitolohiya, ang aswang. Ipinakita rin sa mga sumunod na kabanata ang iba pang nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino tulad ng mga nuno, tikbalang, tiyanak, at iba pa.
Si Nuno ay isang karakter sa palabas na 'Trese' na hango sa nuno sa punso, isang mitolohiyang nilalang na pinaniniwalaang nakatira sa punso, nakaumbok na lupa na gawa sa pinaghalong maliliit na bato at lupa.
Si Maliksi ay isang tikbalang na kabilang sa mga nilalang sa mitolohiyang Pilipino. Ang tikbalang ay may katawan ng isang tao ngunit may ulo at mga paa na tulad ng sa kabayo.
Sa paglutas ni Trese ng mga krimen na napupuno ng kababalaghan kasama ang kambal na sina Crispin at Basilio, naipakita ng palabas ang mga kakaibang kakayahan at kapangyarihan ng bawat nilalang na hango sa mitolohiyang Pilipino. Sa bawat kabanata na punong-puno ng aksyon, isa-isang makikilala ng mga manonood ang mga nilalang, ngunit mas mabuti sana kung mabibigyan ng maikling deskripsyon ang mga ito gamit ang malikhaing paraan tulad ng pagpapakilala sa karakter na si Nova Aurora at ng kanyang anak na naging tiyanak. Ang ganitong pagpapakilala ay nagawa rin sana sa karakter na si Maliksi na isang tikbalang na natalo ni Trese sa isang karera ng sasakyan sa episode 2. Sa episode na ito, hindi buo ang paglalarawan kay Maliksi kaya’t hindi lubos na maintindihan ng mga manonood ang kahalagahan ng mga ginagawa ni Maliksi sa tema ng istorya ng palabas. Sa aking opinyon, ang mga ganitong uri ng karagdagan sa mga eksena ng palabas ay higit na makatutulong sa mga manonood na wala masyadong alam sa mitolohiya ng Pilipinas, gaya ng mga manonood mula sa iba’t ibang bansa, upang mas madali rin silang makasunod sa takbo ng kuwento nito.
Angkop ang 25 hanggang 30 minuto ng isang episode na nagpapakita ng mga bagong karakter, tungalian, at dagdag na sanaysay na sumusuporta sa kabuoang takbo ng kuwento ng palabas. Sa paraang ito, nahihikayat nito ang mga manonood na mag-isip kung ano ang mangyayari at panoorin ang susunod na episode.
Si Mayor Santamaria habang nag papainterview sa mga journalists.
Kung ating susuriin nang mas malalim, ang palabas na "Trese" ay sumasalamin sa mga kasalukuyang nangyayari sa ating bansa. Maliban sa mitolohiyang Pilipino na malinaw na ipinakita mula episode 1 hanggang episode 6, tinatalakay din ng Trese ang problemang panlipunan at pulitika, tulad ng isyu sa pagmamalupit ng mga pulisya, pananamantala ng mga opisyal ng gobyerno, at ang hindi pagkapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Ang mga katagang binitiwan ni Trese, “Minsan walang pagkakaiba ang mga halimaw sa tao,” ay direktang naghahalintulad kay Mayor Santamaria na nakipagkasundo sa mga aswang kapalit ng kapangyarihan sa politika, na makikita sa episode 1, at siya ay naging ganap na halimaw sa episode 6.
Ipinakita rin sa palabas ang iba’t ibang Manila architectural heritage katulad ng Mass Rapid Transit (MRT), ang pangatlong rapid train na naitayo sa Pilipinas, New Bilibid Prison sa Muntinlupa, ang pangunahing piitan ng mga taong lumabag sa batas, at Meralco Lopez Building sa lungsod ng Pasig, na siyang may hawak ng pinakamalaking pinagkukunan ng elektrisidad sa bansa.
Mga gusali sa lungsod ng Makati
Manila Bay sa pagpatak ng hapon
Ang animation ng "Trese" ay gawa ng BASE studio, isang Indonesian-Singaporean na animation studio. Ang paglapat ng angkop na mga musika sa art style ay nakatulong nang lubos sa mga manonood na maramdaman ang kapaligiran ng daigdig ng "Trese". Gumamit ng kombinasyon ng Japanese animation style at photorealistic na background ang mga animators sa ilang mga eksena, tulad ng mismong MRT sa istasyon ng Guadalupe, mga kalye sa Quiapo, Manila, naglalakihang mga gusali sa lungsod ng Makati, Balete Drive sa lungsod ng Quezon, Ortigas skyline, at ang Manila Bay. Maganda at magaling ang paggamit ng mga ito dahil mas nagiging kawili-wili at nagkakaroon ng kaugnayan ito sa mga Pilipinong manonood. Minsan lamang ay may mga kakulangan sa detalye at kulay ang ilang mga background. Maayos at kahanga-hanga rin ang pagkaka-animate kina Alexandra Trese, sa ibang pangunahing karakter, at sa mga nilalang na hango sa mitolohiyang Pilipino.
Sa kabuoan, kahit may mga ilang mga bahagi na mahirap sundan, naging maganda ang karanasan ko sa panonood ng Trese, lalo na sa huling episode. Sigurado akong ikatutuwa ng ibang manonood ang palabas dahil sa balangkas, art style, at sa mga bagay na natutuhan tungkol sa mitolohiya ng Pilipinas gayundin ang kalagayang panlipunan, pampulitika, at kasalukuyang mga kaganapan na sa ating bansa. Ang kasikatan ng Trese ay makatutulong din para sa pag-usbong ng ganitong mga palabas na gumagamit ng animation upang maipakita sa mundo ang kultura ng Pilipinas at talento ng mga Pilipino at ibang mga Asyano.
Other Articles You Might Be Interested In...
Cover Image Reference:
Tan, Y. (2021, June 11). Trese: What Netflix’s new occult anime reveals about the Philippines. BBC News. https://www.bbc.com/news/world-asia-57424360
Article Image Reference:
Trese. (n.d.). 2021 Screenshot from Netflix.
Arsua, K. (2021, July 8). Want to Read the “Trese” Comics? Here’s Where You Can Buy Them Online! When In Manila. https://www.wheninmanila.com/want-to-read-the-trese-comics-heres-where-you-can-buy-them-online/