4.5 milyon na mga Pilipino ang na pagkaitan ng trabaho ayon sa Inquirer.Net noong ika- 4 ng Disyembre ngayong taon. Si Rhex Poblete, isang OFW sa Imus, Cavite na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya at nawalay sa pamilya sa Croatia ang mahihimigan ng isang malamig na diwa ng Pasko ngayong taon. “Dahil sa pandemic at sa mga sunod-sunod na bagyo, syempre hindi masaya,” wika niya.
Abot langit ang tuwa at kasabikan ng netizens nang magsimula ang “-ber months”. Kaniya-kaniyang plano kahit na may pandemya at tinanggap na lamang ang kaisipan na “ito na ang new normal ngayong Pasko”. Ilang empleyado ang natutuwa dahil sa Christmas bonus na kanilang matatanggap mula sa kumpanya.
Ayon kay Lyka Jade Tubig, isang foster teenager sa Imus, Cavite, maganda na mayroong ipon sa parating na Pasko, “It’s Christmas that we’re talking about and as they say, it is the season of giving”.
Nakakatuwang isipin na kahit sa kalagitnaan ng kalungkutan, nagawan pa rin ng paraan upang maging maliwanag ang Pasko ng bawat tahanan ngunit, hindi ganap sa kaisipan ng maraming tao na may isang bahay ang walang maihahain sa hapag dahil nawalan ng pagkukuhanan ng pera.
Maraming pamilya ang ipagdiriwang ang una nilang Pasko simula nang nawalan sila ng isang miyembro. May iba na mag-isa na lang muna sasalubungin ang Noche Buena dahil walang laman ang bulsa upang makauwi sa kaniyang pamilya. May ibang tao na hindi na lamang sasalubungin ang ika-25 ng Disyembre dahil nawalan na ng pag-asa. Mayroong mga ninong at ninang na nahihiya magpakita sa inaanak dahil walang maibibigay na aguinaldo.
“Maraming nagugutom at alam mong majority ng mga tao may health issues at wala na ‘yung mga activites na ginagawa dati ‘pag dating ng December like caroling,” ayon kay Rhex Poblete.
Iba’t ibang kuwento ang aking nakikita nang humakbang ako palayo upang makita ang kabuuan na hindi na ulit kasing ligaya ang magiging Pasko ng karamihan dahil sa pera. Naging tatak sa isipan ng mga Pilipino na kumpleto dapat ang kulay ng pagkain sa hapag-kainan tuwing kapaskuhan, dapat ay buo ang pamilya sa litrato, at dapat may ihahagis kang barya para sa suwerte.
Ibinabahagi ko sa inyo ang nakikita ng aking mata upang mabago ang isipan ng karamihan at mamulat na hindi kailangan ng Christmas bonus upang maging masaya sa Pasko, hindi kailangan ng sandamakmak na pagkain sa lamesa, hindi kailangan ng maraming pera para ihagis nang masabing suwerte ka, hindi kailangan ng isang malaking Christmas tree o nagniningning na parol sa inyong mga tahanan.
Ang kailangan mo ay ang sarili mo at ang dahilan kung bakit may Pasko.
Sa papalapit na Pasko, sapat na na maisip natin na ligtas tayo ng buong taon at simpleng pagdiriwang ngayong kapaskuhan ay isang paraan sa pasasalamat sa May Kapal sa lahat ng biyaya ng kaniyang ibinigay.
Hindi kailangan ng aguinaldo sa hapag upang maghatid ng ligaya ngayong Disyembre, sabay-sabay natin ipagdiriwang ang Pasko; ‘di bale kung nasa mataas kang estado ng buhay o nasa ibaba, hindi dapat iyon hadlang upang manakaw ang magiging ngiti mo sa ika-25 ng Disyembre.
Naniniwala akong mararamdaman pa rin natin ang himig ng Pasko ngayong taon sa gitna ng kaguluhan.