TINIG
Tula ni: Amber Cherisse MartinezNovember 4, 2020Mga kakayahan ma’y madalas na minamaliit
Mga paninindigan ma’y madalas na nilalait
Saang banda man tingnan ay hindi maipagkakait,
Na ang boses ng kabataan ay dapat na magamit.
“Ngunit anong papel ang kaya nilang gampanan?
Sila’y bata pa,wala pa silang karanasan
Puro reklamo, bakit di nalang kami pasalamatan?
Sino nga ba sila para tayo ay diktahan?”
Alalahanin at itatak sa ating puso’t isipan,
Ang tunay na pagmamalasakit ay walang sukatan.
Maghayag ng saloobin ay ating karapatan,
Kaya’t ika’y magsalita nang bukal sa kalooban.
Sa panahon ngayon ay kinakailangan ang boses ng kabataan.
Munti man ang mga tinig, ngunit dapat ito ay pahalagahan.
Mataas ang pangarap sa bansa, at matayog ang kakalabasan.
Paniguradong tunay nga ang malasakit nila sa ating bayan.
Ating ihayag ang mga emosyon laban sa kasamaan.
Ngayong panahon ng pandemya, mga nakaupo’y pagmasdan.
Tayo nga ba ang prayoridad? O ang sariling kapakanan?
Alam ko ang inyong napapansin, ‘wag nang magbulag-bulagan.
Huwag hayaang maghari, mga buwaya sa tabi.
Makiramdam at makiisa sa mga naaapi.
Pag ika’y mulat, sari-saring reaksyon ang maaani.
Galit, suklam, at poot ang emosyon na maghahari.
Tiyan na pumipilipit, lalamunang natutuyo.
Ito ba ang realidad na inyong ginugusto?
Lahat nga ay naghihirap na sa panahong ito,
Paano nalang pala ang walang pribilehiyo?
Ang mga tinig ngayo’y sapillitang pinapatahimik.
Wag kang magkakamaling magsalita, wag kang magkakamaling umimik,
Sumalungat ka at ang gobyerno’y sayo pipitik.
Mag-ingat sa mga sasabihin, dahil ang daang tinatahak ay matinik.
Gayunpaman ay ‘wag hahayaang magpatinag,
Lakasan pa ang mga sigaw at patuloy pang magpakatatag.
‘Wag hayaang ang kasakima’y sayo bumihag,
Sa makapangyarihang tinig, lahat ay kayang mapabagsak.
Kabataan, ang mga boses ay sana’y magamit na,
Sapagkat tayo ang nagsisilbing tagapagsalita,
Para sa pinapatahimik at sa mga anak–dalita,
Kaya tayo’y tumayo laban sa mga halang ang bituka.
Sa bawat salitang ating sinasambit,
Sa bawat boses na ating ginagamit,
Ating mga hinaing ay maririnig din
Kaya sana’y hindi maglaho ang mga tinig.