Sa totoo lang, mula Grade 7 hanggang Grade 9, madalas akong nahihirapan sa pag-unawa sa mga nakatalagang kwento sa ikaapat na baitang. Kadalasan, hindi ko mawari ang takbo ng kwento dahil hirap akong sabayan ang pagkakasunod-sunod nito. Bukod dito, napakalalalim ng mga salitang ginagamit, kaya’t madalas akong naguguluhan. Dagdag pa, hindi rin lubos na nakukuha ng aking damdamin ang kwento at mga tauhan nito. Subalit, ngayong ako’y nasa Grade 10, nakakagulat ngunit napakasarap sa pakiramdam na lubos akong interesado sa bawat kabanata. Higit pa roon, naunawaan ko nang mas malinaw ang mga ito.
Sa bawat kabanata, iba’t ibang emosyon ang bumabalot sa akin—may mga pagkakataong masaya at ‘excited’, ngunit mayroon ding lungkot, galit, o inis. Bagamat nagkakaroon ng kaunting kalituhan minsan, nagagawa ko naman itong maunawaan nang lubos kapag inaaral ko ulit ang mga bahagi ng kwento.
Simula nang pumasok ako sa Junior High School, naging bahagi na ng aming taon-taon ang pagkakaroon ng malikhaing presentasyon tuwing ikaapat na markahan. Isa ito sa mga pinakaaabangan ko dahil hilig ko talaga ang mag-presenta sa harap ng maraming tao. Nakakuha ako ng inspirasyon para sa aking presentasyon ngayong taon nang mapanood ang digital play na “Pamilya Una”. Naisip ko, “Paano kaya kung ganito ang gawin ko—isang ONE-MAN STAGE PLAY, kung saan ako lamang ang gumaganap ng iba’t ibang mga karakter?” Sa ideyang ito, nabuo ko ang aking malikhaing pag-uulat.
Nakakatuwang makita ang mga gulat na reaksyon at masisiglang mukha ng aking mga kaklase habang pinapanuod nila ang aking presentasyon. Masasabi kong talagang nagbunga ang aking pagsusumikap at pag-eensayo nang maraming beses. Nawa’y naintindihan nila nang husto ang kabanatang iniulat ko, at sana, natuwa rin si Ginang Tubat.
Pagdating naman sa pagsusulit, tila kabaliktaran ng aking naging karanasan sa pagbasa ng El Fili ang nangyayari. Bagamat naunawaan ko ang mga kwento sa klase, iba naman ang naging hamon ng mga tanong sa pagsusulit. Madalas itong nalalayo sa mga napag-usapan at lubos na sinusubok ang aking kakayahan. Tunay na napakahirap ng mga katanungan, at aminado akong mayroon pa akong mga pagkukulang. Sana’y mas tumutok ang pagsusulit sa mga araling talagang tinalakay sa klase, dahil iyon ang mga mas naiintindihan ko. Nakalulungkot ang mababang marka na nakuha ko sa Mid-Quarter Exams, at mukhang mas mababa pa ngayong Quarterly Exams. Sa kabila nito, mas pagsusumikapan ko pa ang aking pag-aaral sa susunod.
Ngayon, habang papalapit na ang pagtatapos ng school year, nais kong kunin ang pagkakataong ito upang pasalamatan si Ginang Tubat. Sa kaniyang masayang paraan ng pagtuturo, hindi nawawala ang sigla ko sa tuwing may klase kami sa Filipino. Lagi kong inaabangan ang bawat sesyon dahil wala ni isang beses na naging boring ang aming klase. Lagi kong babaunin ang mga aral na itinuro ninyo sa akin. Bagamat alam kong may mga kahinaan ako sa ating wika, ang inyong paraan ng pagtuturo ang naging inspirasyon ko upang mas paghusayin at ipagmalaki ang ating sariling lenggwahe. Tiyak na mami-miss ko ang ating mga pagsasama at dadalhin ko ang mga alaalang ito hanggang sa aking pagtanda.