Week 1-2: Ang Unang Digmaang Pandaigdig
Layunin: (Most Essential Learning Competencies)
Nasusuri ang mga dahilan, mahahalagang pangyayaring naganap at bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig.
Unang Digmaang Pandaigdig
Ang Unang Digmaang Pandaigdig (Ingles: World War I o pinaikling WWI) ay isang pandaigdigang digmaang naganap mula 1914 hanggang 1918 na kinasangkutan ng mga makapangyarihang bansa sa mundo na noon ay napapangkat sa dalawang magkalabang alyansa: ang Alyadong Puwersa (batay sa Tatluhang Kasunduan ng Imperyong Briton, Imperyong Ruso at Pransiya) at Puwersang Sentral (mula naman sa Tatluhang Alyansa ng Imperyong Aleman, Austriya-Unggarya at Italya). Ang digmaang ito ay isa sa mga pinakamapinsalang digmaan sa kasaysayan ng daigdig.
Alamin natin kung ano ang naging mga sanhi ng digmaang ito:
1. Sistema ng mga Alyansa
· Ang salitang alyansa ay tumutukoy sa isang kalipunan ng mga bansa o partido na sumusuporta sa iisang programa, paniniwala at adhikain.
Matapos magtagumpay ang Germany sa Digmaang Franco-Prusso noong 1871, nakuha nila ang kontrol sa mga probinsyang Alsace at Lorraine na pawang mga bahagi ng hangganan ng sakop ng France. Upang maiwasan ang muling pagbangon ng France at upang hindi nito mabawi ang mga dati nitong nasasakupang probinsya, pinangunahan ng German Chancellor na si Otto von Bismarck ang pakikisanib-puwersa sa mga ibang bansang Europeo. Tinawag ang alyansang ito bilang Triple Alliance. Ito ay binubuo ng pagsasanib-puwersa ng mga bansang Germany, Austria-Hungary, at Italy. Nagkaroon din ng pagsasanib-puwersa sa pagitan ng Germany at Russia noong 1887 ngunit sa kalaunan ay nabuwag din ito.
Noong 1888, naluklok sa trono si Kaiser Wilhelm II. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay nagwakas ang alyansa sa pagitan ng Germany at Russia; mas pinaigting ang hukbong dagat ng bansa upang mahigitan ang hukbong dagat ng Britain; pinalakas din niya ang hukbong sandatahan ng Germany; at pagtatatag ng mga kolonya sa Asya at Aprika.
Sa kabilang banda, lubos na pagkapahiya ang naramdaman ng bansang France mula sa kanilang pagkatalo laban sa Germany noong 1871 at kanilang napagtanto na hindi niya matatalo ang Germany ng mag-isa lamang. Dahil dito at sa patuloy na pagpapalakas ng Germany, humanap din ang France ng mga bansa na maaari niyang maging ka-alyado. Unang nakipag-alyansa ang France sa Russia noong 1894. Bagaman magkaribal sa mga usaping kolonyal, nagkasundo ang mga bansang France at Britain sa pamamagitan ng Entente Cordiale (ahn-TAHNT cor-DYAHL). Taong 1907, bunsod ng kanilang pangamba sa patuloy na paglakas ng puwersa ng Germany, tuluyan ng bumuo ng alyansa ang mga bansang France, Russia, at Britain at tinawag itong Triple Entente. Ang Triple Entente ay isang kasunduan ng pakikipagkaibigan sa pagitan ng tatlong bansa at hindi isang alyansang militar, ngunit para sa Germany, ang pagkakatatag ng alyansang ito ay isang banta sa kanilang bansa.
2. Imperyalismo
· Ang imperyalismo ay tumutukoy sa pagpapalawak ng kapangyarihan at kayamanan ng isang bansa sa pamamagitan ng pag-okupa at pagkontrol ng mga karagdagang teritoryo. Ang pag-uunahan ng mga makapangyarihang bansa na sumakop ng mga lupain at magkaroon ng kontrol sa pinagkukunang-yaman sa Asya at Africa ay nagdulot ng alitan sa pagitan ng mga bansa sa Europa. Ilan sa mga halimbawa nito ay mga sumusunod na pangyayari:
a. pagsalungat ng bansang Britain sa pananakop ng Germany sa Tanganyika (East Africa) dahil magiging balakid ito sa plano ng Britain na magtatag ng ruta ng tren mula sa Cape Colony patungong Cairo;
b. sinubukang hadlangan ng Germany ang pagtatayo ng French Protectorate sa Morocco dahil sa kaniyang inggit sa mga naging tagumpay ng France sa Hilagang Africa;
c. nabahala ang England sa pagtatatag ng Berlin-Baghdad Railway dahil ito ay isang panganib sa kanyang lifeline patungong India;
d. ang pagpapalawak ng hangganan ng Austria sa Balkan ay mariing tinutulan ng Serbia at Russia; at
e. pinaghati-hatian ng mga bansang Europeo ang Africa at hindi ito ikinatuwa ng Germany dahil maliit lamang ang napunta sa kaniyang teritoryo at kontrol kumpara sa napunta sa France at Britain.
3. Militarismo
Ito ay tumutukoy sa paniniwala ng isang bansa sa pagkakaroon ng isang malakas na puwersang militar at sa agresibong paggamit nito. Sa pagpasok sa ika-20 siglo, nagsimula na ang paligsahan ng pagkakaroon ng malakas na puwersang militar, kabilang na rin dito ang pagkakaroon ng mga malalakas at makabagong armas. Ang Germany at Great Britain ay nagpaligsahan sa pagpapalakas ng kani-kanilang hukbong pandagat, habang nagkaroon naman ng impluwensiya ang militar sa mga usaping sibil sa Russia at Germany. Dahil sa patuloy na pagpapalakas ng mga bansang Europeo sa kanilang mga sari-sariling puwersang militar, mas naging madali sa kanila ang pagpasok sa digmaan.
4. Nasyonalismo
Maituturing na nasyonalismo ang paghahangad ng kalayaang pulitikal, lalo na ng isang bansang nasa ilalim ng kapangyarihan at kontrol ng ibang bansa. Ang damdaming ito ay nagtulak para sa mga tao na maghangad ng kalayaan mula sa kamay ng mga mananakop. Masususog ang pinagmulan ng Unang Digmaang Pandaigdig sa paghahangad ng mga Slavs sa Bosnia at Herzegovina na makalaya mula sa kapangyarihan ng Austria-Hungary at maging bahagi ng Serbia. Maliban sa ninanais na kalayaan, masidhi rin ang pagkamuhi ng Serbia sa Austria-Hungary dahil sa malupit nitong pamamahala.
Kung minsan, ang masidhing pagmamahal sa bayan ay nakapagdudulot ng bulag at panatikong pagmamahal sa bansa. Patunay dito ang aristokrasyang militar ng Germany na tinawag na mga Junker. Sila ay mula sa mga pamilyang nagmamay-ari ng mga malalawak na lupain sa Prussia at kanlurang Germany. Dahil sa kanilang yamang taglay ay malaki ang naging ambag nila sa pagpapalakas ng mga hukbong militar ng Prussia at Germany. Dahil dito, malaki ang naging impluwensya ng mga Junkers sa pulitika ng mga nabanggit na bansa.
Nagbunsod din ang nasyonalismo ng masidhing tunggalian sa pagitan ng mga bansa. Ang tunggaliang ito ay bunga ng kompetisyon sa mga hilaw na materyales, at pagtatalo sa pangangakamkam ng mga teritoryo. Ang paghahangad ng kasarinlan at pagpapalawak ng teritoryo ang isa sa nagbigay-daan sa pagsidihi ng alitan sa pagitan ng mga bansa na tuluyang nauwi sa digmaan.
Iba pang mga Sanhi ng Pagsiklab ng Digmaan
· Noong 1908 - Pinamahalaan ng Austria-Hungary ang Bosnia-Herzegovina sa
kabila ng pagtutol ng Serbia.
· Noong 1912 - Nabuo ang Balkan League na nagdeklara ng digmaan laban sa
Imperyong Ottoman na tinagurian bilang powder keg ng Europe
dahil sa tensyon na namumuo rito.
· Noong 1912-1913- Pananakop ng Serbia sa Albania
· Noong 1913 - Pagsalakay ng Bulgaria sa Greece at Serbia
· Noong 1914 - Pagpaslang kay Archduke Franz Ferdinand at sa kanyang asawa na
si Sophie.
Sino nga ba si Archduke Franz Ferdinand?
Siya ay ang tagapagmana sa trono ng Austria-Hungary. At ang itinuturong salarin sa malagim na pagpaslang na ito ay si Gavrilo Princip, isang Serbian na kasapi ng lihim na organisasyon na Black Hand. Nilalayon ng Black Hand na wakasan ang rehimen ng Austria-Hungary sa Bosnia-Herzegovina.
Kaugnay sa naganap na pagpaslang kay Franz Ferdinand, nagbigay ng isang ultimatum ang Austria-Hungary sa Serbia. Ang ultimatum ay nagsasaad ng mga kondisyon na dapat gawin ng Serbia. Lahat ng kondisyong nakasaad sa ultimatum ay nabigyang-katuparan ng Serbia, maliban lamang sa isa. Hiniling ng Austria-Hungary na pahintulutan ang mga opisyales nito na lumahok sa imbestigasyon ng pagpaslang kay Ferdinand, ngunit hindi ito pinahintulutan ng Serbia dahil ito ay paglabag sa kanilang pambansang karapatan. Dahil hindi nasunod ang ultimatum at sa tiwala na sila ay tutulungan ng Germany, noong Hulyo 28, 1914 ay nagdeklara ng digmaan ang Austria-Hungary laban sa Serbia. Ang pangyayaring ito ang opisyal na pagsisimula ng Unang Digmaang Pandaigdig.
Mga Mahahalagang Kaganapan sa Digmaan
· Ang pagdeklara ng Austria-Hungary ng digmaan laban sa Serbia ay nagdulot ng iba’t ibang alyansa ng mga bansa. Narito ang mga nabuong alyansa dulot ng digmaan ng Austria-Hungary at Serbia na kalaunan ay nilahukan ng mga iba’t ibang bansa sa Europa.
· Agosto 1, 1914 - Nagdeklara ang Germany ng digmaan laban sa Russia bunsod ng pagpapadala ng mga hukbong military ng Russia sa hangganan ng Germany.
· Agosto 3, 1914 - Nagdeklara ang Germany ng digmaan laban sa France sapagkat napagtanto nito na susuportahan ng France ang Russia sa digmaan.
· Agosto 4, 1914 - Ang Britain ay nagdeklara ng digmaan laban sa Germany dahil sa pagsalakay nito sa Belgium.
· Agosto 5, 1914 - Tuluyan nang nasangkot sa digmaan ang lahat ng mga makapangyarihang bansa sa Europa: ang Great Britain, France, at Russia ay tinawag na Allied Powers, samantalang ang Germany, at Austria-Hungary naman ay kinilala bilang Central Powers.
· Kalaunan ay sumali ang Japan at Italy sa Allied Powers at sa panig naman ng Central Powers lumahok ang Bulgaria.
Digmaan sa Kanluran
Ang mga naging bakbakan sa pagitan ng Germany, Britain, at France ay tinawag na labanan sa Western Front. Binabaybay nito ang mga bansang France, Switzerland, at Belgium hanggang North Sea.
Ginamit ng mga Germans ang Schlieffen Plan kung kaya’t halos nasakop nito ang lungsod ng Paris. Subalit, sa tulong ng Russia ay nahati ang hukbong Aleman kung kaya’t nabawasan ang puwersa nito na sasalakay sa Paris. Nagtagumpay ang Allied Forces na paatrasin ang puwersang Aleman sa Labanan sa Marne. Ang labanang ito ang itinuturing na kauna-unahang tagumpay ng mga Allied Forces sa Western Front dahil hindi nagtagumpay ang Germans na isakatuparan ang Schlieffen Plan.
Karamihan sa mga labanan sa Kanluran ay naganap sa lupa, maliban lamang sa Labanan saJutland noong 1916 na nangyari sa gitna ng dagat. Nagtangka ang hukbong dagat ng Germany na palubugin ang mga nakadaong na barko ng Britain sa North Sea. Ang Britain, bilang kanilang opensibang taktika, ay sorpresang sumalakay sa hukbong dagat ng Germany na nakadaong sa baybayin ng Denmark. Dahil sa pangamba na tuluyang mapalubog ng mga Briton ang kanilang mga barko ay umatras ang hukbong Aleman sa labanan. Bunga ng pag-atras ng mga Aleman sa digmaan, nanatiling kontrolado ng Allied Forces ang Atlantiko.
Digmaan sa Silangan
Ang digmaan sa silangan ay naganap sa pagitan ng pinagsanibn a puwersa ng Russia at Serbia laban sa puwersa ng Germany, Turkey, at Austria-Hungary. Ang labanang ito ay mula sa baybayin ng Baltic Sea hanggang sa Black Sea.
Nakamit ng mga hukbong militar ng Central Powers ang kauna-unahang tagumpay sa Labanan sa Tannenberg. Sa labanang ito ay pinangunahan ng Russia ang pagsalakay ngunit sa bandang huli ay napaatras ito ng mga hukbong Germany.
Mga Labanan sa Labas ng Europa
Bagamat patuloy ang pakikipagbakbakan ng magkabilang panig sa loob ng Europa, hindi rin naiwasan na madamay ang mga bansa sa Asya. Noong Pebrero 1915, naganap sa kasaysayan ng Asya ang Gallipoli Campaign o Dardanelles Campaign. Ito ay bunga ng paghahangad ng Allied Forces na makaganti sa Central Powers. Tinangka ng Allied Forces na kubkubin ang Dardanelles Strait na noo’y kontrolado ng imperyong Ottoman. Nahirapan ang hukbong Ingles sa pangunguna ni Admiral Winston Churchill na tuluyang sakupin ang Dardanelles kung kaya’t bandang huli ay napagpasyahan na lamang nila na umatras sa labanan.
Pagsali ng Estados Unidos sa Digmaan
Sa pagsiklab ng digmaan noong 1914, pinili ng Estados Unidos, sa pangunguna ni Pangulong Woodrow Wilson, na walang kampihang alyansa. Ang Estados Unidos ay isa sa mga kapalitan ng kalakal ng Britain kung kaya’t hindi naglaon ay nagkaroon din ng tensyon sa pagitan ng Amerika at Germany. Ang tensyong ito ay mas lalong umigting nang naglunsad ang Germany ng isang unrestricted warfare, kung saan ay palulubigin ng hukbong pandagat ng Germany ang anumang barkong papasok sa Britain, kalaban man o hindi.
Makalipas ang isang buwan mula ng magdeklara ng unrestricted warfare ang Germany ay napalubog ng isang barkong Aleman ang William P. Frye, isang pribadong barkong Amerikano. Ang pangyayaring ito ay lubhang ikinagalit ni Pangulong Wilson at inako ng Germany ang responsibiliad sa insidente. Noong Mayo 7, 1915 ay pinalubog din ng Germany ang Lusitania, isang pampasaherong barko ng Britain. Lulan ng Lusitania 1,959 na pasahero kung saan 1,198 ang namatay kabilang ang 128 Amerikano. Bunsod ng pangyayaring ito, nangako ang Germany sa Amerika na hindi na muling paiigtingin ang unrestricted warfare, ngunit sa kasamaang palad ay muling naulit ang pagpapalubog sa mga barko na may lulang inosenteng sibilyan. Ang pangyayaring ito ang tuluyang nag-udyok sa Estados Unidos na sumali sa digmaan laban sa Germany noong Abril 2, 1917.
Sa kabuuan, maitatalang mahigit 2 milyong Amerikano sundalo ang nakilahok sa digmaan kung saan nasa 50,000 sa kanila ang nagbuwis ng buhay hanggang sa magwakas ang digmaan noong Nobyembre 1918.
Pagwawakas ng Digmaan at Usaping Pangkapayapaan
Sa pagpasok ng Estados Unidos sa digmaan ay lumakas ang pwersa ng Allied Powers at humina naman ang puwersa ng Central Powers. Dahil sa sunod-sunod na pagkatalo sa mga bakbakan at pagkaubos ng mga sundalo, umatras ang Germany sa labanan habang ang iba nitong kapanalig ay sumuko na. Kasunod nito ang pagbaba sa trono ni Kaiser Wilhelm II noong Nobyembre 9, 1918. Tuluyang natapos ang unang digmaang pandaigdig nang malagdaan ang armistice noong Nobyembre 11, 1918.
Ilang buwan matapos ang digmaan, muling nagpulong ang mga pinuno ng mga Allied Forces at Central Powers. Pinangunahan ni Pangulong Woodrow Wilson ng Estados Unidos ang naturang pagpupulong na ginanap sa palasyo ng Versailles sa France noong Hunyo 1919. Ito ay dinaluhan ng mga kinatawan ng 32 bansa na naglalayong makabuo ng isang kasunduan na tuluyang makapagwawakas sa digmaan at muling magtataguyod sa Europa. Kabilang sa mga pinunong nagsipagdalo ay sina Georges Clemenceau ng France, David Lloyd George ng Britain, at Vittorio Orlando ng Italy.
Ayon sa Tratado ng Versailles, ang Germany ang pangunahing responsable sa pagkakaroon ng digmaan. Dahil dito, pinatawan ng matinding parusa ang Germany tulad ng pagkawala ng ilan sa kanilang mga teritoryo, pagbabayad nang malaking halaga sa mga nasira dulot ng digmaan, at pagkawala ng ilan sa kanilang sandatahang lakas sa ilang lugar sa Europe.
Ang mga probisyon ng tratado ay nakabatay sa Labing-apat na Puntos ni Pangulong Woodrow Wilson na kaniyang ibinahagi sa kaniyang talumpati sa Kongreso ng Amerika noong 1918. Nilalaman ng Labing-apat na Puntos ang mga layunin ng Estados Unidos sa pakikidigma, gayundin ang ideya ni Pangulong Wilson tungkol sa “kapayapaang walang talunan” (peace without victory). Narito ang ilan sa mga nilalaman ng labing-apat na puntos ni Pangulong Wilson:
· 1. katapusan ng lihim na pakikipag-ugnayan;
· 2. kalayaan sa karagatan;
· 3. pagbabago ng mga hangganan ng mga bansa at paglutas sa suliranin ng mga kolonya ayon sa sariling kagustuhan ng mga mamamayan;
· 4. pagbabawas ng mga armas;
· 5. pagbabawas ng taripa; at
· 6. pagbuo ng Liga ng mga Bansa.
Mga Bunga ng Unang Digmaang Pandaigdig
Ang pagkakaroon ng digmaan at nagdulot ng pinsala sa maraming buhay at ari-arian. Ilan sa mga naging bunga ng digmaan ay ang mga sumusunod:
1. Pagkamatay ng maraming mamamayan – Tinatayang umabot sa humigit kumulang 8.5 milyong tao ang nasawi digmaan simula ng pagsiklab nito noong 1914 at pagwawakas nito noong 1918, habang nasa 22 milyon naman ang tinatayang sugatan. Maliban sa mga sundalo, marami din mga sibilyan at ordinaryong tao ang labis na nagdusa at namatay sanhi ng matinding pagkagutom, pagkakaroon ng mga sakit at malubhang pagdurusa.
2. Pagkasira ng mga kabuhayan sa Europa – Nagdulot ang digmaan ng matinding pagkagutom at pagkasira sa mga ari-arian. Naantala ang kalakalan, pagsasaka, at iba pang mga gawaing pang-ekonomiko. Bukod dito, tinatayang nasa 200 bilyong dolyar ang kabuuang nagastos sa digmaan.
3. Nabago ang kalagayang pampulitika sa Europa at sa ibang bahagi ng mundo – Nagkahiwalay ang Austria-Hungary at mga bansang Latvia, Estonia, Lithuania, Finland, Czechoslovakia, Yugoslavia, at Albania ay naging malayang mga bansa. Nagwakas din ang apat na imperyo sa Europe: ang Hohenzollern sa Germany; Hapsburg sa Austria-Hungary; Romanov sa Russia; at Ottoman sa Turkey.
Liga ng mga Bansa
Isa sa mga puntos ni Pangulong Wilson ang pagkakaroon ng isang pandaigdigan samahan ng mga bansa. Pangunahing layunin ng samahan na bigyang-solusyon ang anumang di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga bansa upang hindi ito mauwi sa digmaan. Nakapaloob sa Tratado sa Versailles ang konstitusyon ng Liga ng mga Bansa na may mga sumusunod na layunin:
1. maiwasan ang digmaan;
2. maprotektahan ang mga kasaping bansa mula sa pananalakay ng ibang bansa;
3. lutasin ang mga usapin at hindi pagkakaunawaan ng mga kasaping bansa;
4. mapalaganap ang pandaigdigan pagtutulungan; at
5. mapalaganap ang mga kasunduang pangkapayaan.
At iyan ang mga Gawain na dapat ninyong gawin ngayong una at ikalawang linggo ng ikaaapat na markahan.