Week 4: Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at Industriyal

Layunin: (Most Essential Learning Competencies)

Nasusuri ang dahilan, kaganapan at epekto ng Rebolusyong Siyentipiko, Enlightenment at Industriyal

Panimula (Susing Konsepto)

Ibinase ng mga Midyibal na iskolar ang kanilang mga teorya sa mga prinsipyo at ideya ng mga Klasikal na pilosopo tulad nina Aritotle, Ptolemy at Galen. Pinaniniwalaan nila na ang mundo ay patag at kapag ang isang maglalakbay sa karagatan ay nakarating sa dulo nito ay posibleng siyang mahulog sa pinakadulo. Maging ang katuruan ng Simbahan ay pinalaganap na ang mundo ay sentro ng Sansinukob. Ang patunay dito ng Simbahan ay batay sa pagsasabing ang mundo ay tirahan ng tao kaya ito ang sentro ng Sansinukob.

Rebolusyong Siyentipiko

  • Sa pagpapasimula, nagkaroon ng duda ang mga Europeo sa mga tradisyunal na kaalaman at katuruan ng Simbahan, dahil sa mga bagong tuklas na kaalaman na pinatunayan ng mga imbensiyon at pagsusuri ng mga siyentipikong gaya nina Nicolaus Copernicus at Galileo Galilei. Ito ang naging daan ng mga Makabagong Kaisipan o naging kilala sa katawagang Rebolusyong Siyentipiko. Sinundan ito ng mga inobasyon at pagtuklas ng mga makabagong gamit na nagpabilis sa produksiyon ng mga Europeo at nagpatatag ng kanilang komersiyo, kalakalan at pangkabuhayan. Ang kaisipang ito ang naging daan sa pagtuklas at pag-imbento ng mga makabagong makinarya na nakapagpabilis at nagparami ng produksiyon ng mga Hilagang Amerika at Europa.

  • Si Nicolaus Copernicus na isang Polish ay nagpasimula ng kanyang propesyong siyentipiko sa Pamantasan ng Krakow, Poland noong 1492. Kasabayan nito ang pagkakatuklas ni Christopher Columbus sa Amerika. Sa panahong ito nagpasimula na si Copernicus ng mga pagtatanong ukol sa pangunahing paniniwala at tradisyon ng mga tao. Batay sa kanyang mga ginawang pananaliksik, pinaniniwalaan niya na ang mga ideyang itinuro at pinaniniwalaan ng mga tao noong panahong iyon ukol sa Sansinukob ay may mga pagkakamali. Binigyan diin niya na ang mundo ay bilog di gaya ng paniniwala noon na ito ay patag at kapag nakarating ang isang manlalakbay sa dulo nito ay posibleng mahulog siya. Isa pa sa kanyang inilahad ay ang ukol sa pag-ikot ng mundo sa sarili nitong aksis habang ito ay umiikot sa araw. Ayon sa kanya, ang araw at hindi ang daigdig ang sentro ng sansinukob. Tinawag niya ang kaisipang ito na Teoryang Heliocentric. Dalawang siyentipiko ang sumunod sa pag-aaral at pagsusuri sa Teoryang Heliocentric ni Copernicus, sina Johannes Kepler na isang Alemang Astronomer at si Galileo Galilei na isang Italianong Katoliko na nagkaroonng malaking pagsalungat sa Simbahan. Bumuo ng isang pormula sa matematika si Johannes Kepler upang mapatunayan ang pag-ikot ng mga planeta sa araw. Ayon sa kanya, ang posibleng pag-ikot sa isang paribilog ng mga planeta sa araw ay di pare-pareho sa bilis ng kanilang paggalaw – mas mabilis habang papalapit sa araw at mas mabagal naman habang papalayo.

  • Noong 1609, naimbento ni Galileo Galilei ang kanyang teleskopyo na ginamit niya sa pag-aaral sa kalangitan. Ang kanyang pagtanggap sa teoryang itinuro ni Copernicus ay ginamit na dahilan upang siya’y mapasailalim sa isang imbestigasyon. Pinasinungalingan niya at pinintasan ang mga kaisipan ni Ptolemy, na kung saan maging ang Simbahan ay gumamit ng kaisipang ito sa mga katuruang Kristiyano. Noong 1633, ipinatawag si Galilei ni Papa Urban VIII sa Roma upang harapin ang paglilitis sa Inquisition. Sa takot na mapahirapan at maparusahan ng pagsunog ng buhay, napilitan si Galilei na bawiin ang kanyang mga pahayag at nanumpang tatalikuran ang kaisipan ni Copernicus.

  • Ang dulot ng Rebolusyong Siyentipiko ay hindi lang natuon sa Astronomiya o pag-aaral tungkol sa kalawakan, lumaganap din ito sa iba’t ibang larangan ng Agham na naging batayan sa kasalukuyan. Kagaya ng astronomiya, ang larangan ng medisina ay nakabatay sa mga gawa at pag-aaral ng mga klasikong iskolar. Ang Griyegong manggagamot na si Galen ang naging batayan ng mga manggagamot noon. Gayunpaman, marami sa mga turo ni Galen ang mali sapagkat ginamit niya ang katawan ng hayop upang gawing batayan sa pag-aaral sa katawan ng tao.

  • Noong 1543, inilathala ni Andreas Vesalius ang isang aklat na “On the Fabric of the Human Body.” Dito, kanyang ipinaliwanag ang istruktura at gamit ng mga bahagi ng human organ. Nagawa niya ito sa pamamagitan ng paggamit ng katawan ng mga yumao para buksan at pag-aralan, kung kaya’t mas tumpak ang kanyang mga pagsusuri sa katawan ng tao kumpara kay Galen. Si William Harvey naman ay isang manggagamot na nagpatunay na iisang dugo lamang ang dumadaloy sa ugat (vein) at artery, napatunayan din niya na ang puso at hindi ang atay ang nagpapadaloy ng dugo sa katawan. Ang mga ito ay kanyang isinulat sa kanyang aklat na “On the Motion of the Heart and Blood.

  • Ang pag-unlad ng Agham ay umabot hanggang sa larangan ng Chemistry. Pinakilala ni Robert Boyle ang kanyang Boyle’s Gas Law na nagsasabi na binubuo ang lahat ng bagay ng mas maliit na butil, na nagsasama-sama sa iba’t-ibang paraan. Tinagurian siya “Ama ng Modernong Chemistry.” Si Antoine Laurent Lavoisier naman ang nakaimbento sa pagpapangalan ng mga chemical elements na ginagamit pa rin natin sa kasalukuyan. Nakilala si Lavoisier bilang “Tagapagtatag ng Modernong Chemisty.” Ang malalaking pagbabagong ito sa kaalaman ng tao ay nagresulta upang pagdudahan kung tama nga ba ang kanilang pinaniniwalaan. Ayon kay Rene Descartes ang pag-iisip, at hindi ang pakiramdam ang daan sa pag-alam ng katotohanan. Para kay Descartes ang tanging katotohanan ay ang mga bagay na kayang ipaliwanag ng iyong reason. Nakilala ang mga pahayag na ito ni Descartes sa kanyang “Rationalism.” Para sa mga Rational Thinkers hindi mo dapat paniwalaan ang isang bagay dahil sinabi sa iyo na paniwalaan mo ito. Ang paglaganap ng Rationalism ay nagresulta sa pagkawala ng status ng Simbahan bilang pinagmumulan ng katotohanan sa daigdig.

  • Ang pag-aaral ng Agham ay lalong naging mabisa at naging sistematiko sa pagdating ni Francis Bacon, kanyang ipinakilala ang Scientific Method upang masagot at mabigyang linaw ang mga katanungan sa ating mundo. Ang Rebolusyong Siyentipiko, ginamit ng mga siyentipiko ang katwiran (reason) sa pagpapaliwanag kung bakit at paano nangyari ang mga bagaybagay sa pisikal na mundo. Ang tagumpay na ito ay nagbigay ng inspirasyon at 25 matinding pagtitiwala sa kapangyarihan ng katwiran sa mga uring edukado ng Europa.

Panahon ng Pagkamulat o Enlightenment

  • Noong ika-18 siglo isang kilusang pilosopikal ang umunlad sa Europa. Ang mga pagbabagong nakamit ng Rebolusyong Siyentipiko ang kanilang magiging batayan upang baguhin at unawain ang lipunan ng tao, ito ang “The Enlightenment.” Ang Enlightenment ay isang kilusan noong ika-18 siglo kung saan sinikap ng mga pilosopo na isagawa ang mga prinsipyo ng pangangatwiran at paraang siyentipiko sa lahat ng aspeto sa lipunan. Sila ay kinabibilangan ng iba’t ibang uri ng tao, mga manunulat, propesor, ekonomista, mamamahayag, at mga taong nagnanais ng pagbabagong panlipunan.Ang mga taong lumahok sa Enlightenment ay tinatawag na mga Pilosopo. Para sa mga Pilosopo, ang layunin ng Pilosopiya ay makabuo ng isang lipunan na mabuti kaysa sa nauna.

  • Noong panahon ng Rebolusyong Siyentipiko, nakuhang ipaliwanag ng mga siyentista ang batas ng pisikal na daigdig gamit ang kanilang katwiran, dahil dito, naisip din ng mga pilosopo na kung posible din bang gamitin ang katwiran upang ipaliwanag ang batas ng lipunan ng tao. Si John Lockena isang Ingles ang isa sa naunang Pilosopo ng Enlightenment. Ayon kay Locke, ang bawat tao ay isinilang na tabolarasa o mayroong blankong isipan. Ang isipan ay malalagyan lamang ng laman batay sa impluwensya ng mga nakapaligid dito at nararanasan ng isang tao. Para kay John Locke, kung mababago ang kapaligiran at mapapalitan natin ng mabubuting impluwensya ang nakapaligid sa lahat ng tao. mas magiging mabuti ang ating lipunan. Isa pang Pilosopo sa larangan ng pulitika ay si Baron de Montesquieu, kinilala siya sa kanyang paniniwala paghahati ng kapangyarihan. Para kay Montesquieu, ang pamahalaan ay dapat na may tagapagpaganap, tagapagbatas at tagapaghukom. Ang mga sangay na ito ng pamahalaan ay dapat na pantay-pantay at may kakayahang kontrolin at limitahan ang kapangyarihan ng bawat isa. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang labis na paglakas ng isang sangay ng pamahalaan na maaaring magresulta sa pagmamalabis. Ang mga isinulat ni Montesquieu ay isinulat sa wikang Ingles, na naging resulta ng pagkakabasa nito sa Estados Unidos. Ginawa itong pamantayan ng mga Amerikano sa kanilang paggawa ng kanilang Saligang Batas.

  • Si Francois Marie Arouet o mas kilala sa tawag na Voltaire ay isa sa pinakadakilang Pilosopo ng Enlightenment, para sa kanya ang lahat ng tao ay 26 may karapatang magsalita. Ang kanyang pagpapahalaga sa kalayaan sa pagsasalita ay makikita sa kanyang kasabihan na “Hindi man ako sang-ayon sa iyong sinasabi, handa akong ipaglaban ang iyong karapatan na sabihin ito.” Paano nga ba lumaganap ang kaisipan ng Enlightenment? Masasagot ito sa pamamagitan ng pagsuri sa mga gawa ni Denis Diderot. Si Diderot ay isang malayang manunulat na nagsulat ng mga artikulo para sa mga iba’t-ibang larangan. Ang kanyang pinakamahalagang ambag ay ang “classified dictionary of sciences, arts and trades” o mas kilala sa tawag na “The Encyclopedia.” Ang pinakaunang encyclopedia ni Diderot ay naging isang mabisang instrumento upang ipalaganap ang mga bagong kaisipan mula sa Renaissance, Scientific Revolution at maging Repormasyon. Nagamit din ito upang labanan ang mga paniniwalang pangrelihiyon at mga makalumang kaisipan. Ang mga encyclopedia ni Diderot ay nabasa at ipinagbili sa mga doctor, pari, guro at mga abogado. Sinubukan din ng mga tao na hanapin ang mga batas na sumasaklaw sa iba pang aspekto ng pamumuhay, isa rito ang ekonomiks.

  • Ayon kay Adam Smith, ang “Ama ng Modernong Ekonomiks,” ang pamahalaan ay nararapat na huwag makialam sa mga gawaing pangekonomiko ng isang bansa. Sinasabi niya na ang pakikialam na ito ng pamahalaan ay lumalabag sa natural na mga economic forces. Ang paniniwala na hindi dapat makialam ang pamahalaan sa ekonomiya ay tinatawag na “Laissez Faire.” Noong ika-18 siglo, ang mga bansa sa Europa ay mayroon ng kanyakanyang sistema ng paghahatol sa mga krimen. Ang sistemang ito ng paghahatolsa mga krimen ay gumagamit ng bitay at pagpapahirap upang takutin ang mga tao na huwag gumawa ng krimen. Kinakailangan nilang takutin ang mga gagawa ng krimen dahil ang mga alagad ng batas ay kapos sa kakayahan na manghuli ng mga kriminal, ngunit ito ay tinanggihan ni Cesare Beccaria. Para kay Beccaria, ang sistema ng paghahatol sa mga krimen ay nararapat magbigay tuon sa rehabilitasyon ng mga lumabag sa batas hindi para parusahan ang mga ito. Ayon pa sa kanya, ang pamahalaan na umaasa sa pagpapahirap upang matakot ang mga tao na gumawa ng krimen ay hindi mahusay na pamahalaan.

  • Noong 1760, isa pang dakilang pilosopo ng Enlightenment ang nakilala, siya si Jean Jacques Rousseau, kanyang ipinakilala ang “Social Contract Theory.” Ayon sa “Social Contract Theory” ang pamahalaan at mamamayan ay pumapasok sa isang kontrata. Ayon sa kontratang ito, ang pamahalaan ay may obligasyong pangalagaan at pagsilbihan ang mga mamamayan. Ang mga mamamayan naman ay may obligasyon na magbigay ng serbisyo at buwis sa pamahalaan. Kinakailangan nilang sumunod sa mga batas na ipinatutupad ng pamahalaan. Sa pagkakataon kung saan nilabag ng mga mamamayan ang 27 kontrata nito sa pamahalaan, maaari siyang parusahan ng batas. Samantala, kung ang pamahalaan naman ang lalabag sa kontrata, ang mga mamamayan ay may karapatang palitan ang pamahalaan. Ang Enlightenment ay lubos na nakaapekto hanggang sa kasalukuyan. Marami pa rin sa mga ambag na ito ay patuloy pa rin nating natatamasa. Isipin natin, kung ano kaya ang sitwasyon ng daigdig kung hindi naganap ang Enlightenment.

Rebolusyong Industriyal

  • Noong una, umaasa lang ang mga tao sa pagtatanim. Ito lang halos ang pinagkukunan nila ng kabuhayan. Ngunit noong huling bahagi ng ika-18 siglo at unang bahagi ng ika-19 na siglo, pinasimulan ng Britanya ang Rebolusyong Industriyal. Ano nga ba ang Rebolusyong Industriyal? Ito ang panahon na kung saan gumamit sila ng mga makinarya upang makagawa pa ng iba pang produkto. Ito rin ang panahon na lumipat ang mga tao mula sa simpleng ginagamitan ng kamay tungo sa paggamit ng mga komplikadong makinarya. Nagdulot ito ng masmabilis at maraming produktong nagagawa.

  • Ang dating lipunang umaasa lamang sa pagsasaka ngayon ay nakadepende na sa mga bagong kagamitan o teknolohiya. Bakit kaya sa bansang Britanya nagsimula ang Rebolusyong Industriyal? Taong 1760 na pasimulan ng Britanya ang Rebolusyong Industriyal dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:

Likas na yaman – Ang Britanya ay sagana sa karbon at bakal na mahalaga sa pagtatayo ng industriya. • Yamang tao - Maraming lakas paggawa sa Britanya dahil maraming manggagawa roon.

Sapat na puhunan – May malaking silang kapital na magagamit sa pagtatatag ng mga bagong industriya.

Suporta ng pamahalaan – Sinuportahan ng pamahalaan ang pag-unlad ng ekonomiya ng Britanya sa pamamamagitan ng pagtatatag ng malakas na hukbong pandagat na sumuporta sa kanyang imperyo at kalakalang panlabas.

Kinalalagyan – Ang bansa ay may mainam na daungan. Ang paglalakbaysa tubig ng mga produkto at kalakal ay mabilis na madadala sa kanyang destinasyon kaysa sa paglalakbay sa lupa.

Ang pag-unlad ng paggamit ng mga makabagong makinarya ay lubos na nakatulong sa mga bansa sa Europa, hindi lang sa Europa kung hindi sa iba’t-ibang panig ng mundo. Kilalanin natin kung sino-sino ang mga taong nasa likod ng imbensyong ito. Ano-ano ang mga makinaryang ito?

Jethro Tull – Naimbento niya ang “seed drill” na ang mga binhi ay itinatanim nang nakahilera sa halip na ang maaksayang pagsasaboy nito nang nakakalat.


John Kay – Inimbento niya noong 1733 ang makina na tinatawag na “flying shuttle.”Nagpabilis ito sa paghahabi nang doble sa maaaring gawin ng isang tao sa isang araw.


James Hargreaves – Nakaimbento siya noong 1764 na tinawag niyang “spinning jenny” na kayang maghabi ang isang tao gamit ang walong sinulid.


Richard Arkwright – Naimbento niya ang isang makina na tinawag niyang “water frame,” noong 1769, na kung saan gumamit siya ng water power na nagmumula sa mabilis na agos ng tubig sa pagpapatakbo ng spinning wheel.


Samuel Crompton – Siya ang nakaimbento ng “spinning mule” ngoong 1779 na isang makinang nakabubuo ng mas matibay, dekalidad at pinong mga sinulid.


Edmund Cartwright – higit pang binabilis nag paghahabi ng tela sa naimbento niyang power loom noong 1787.


Eli Whitney – Noong 1793, naimbento niya ang

“cotton gin” na nagpabilis nang ilang beses sa

pagtatanggal ng buto mula sa bulak.


James Watt – Siya ang nakaimbento ng “steam engine na isang makinang pinatatakbo ng isang mainit na singaw o steam. Ginagamit ito noon upang mapatakbo ang isang pabrika o tren.


George Stephenson – Siya ang nakaimbento ng “steam power train” o daang bakal na ginagamitan ng “steam engine”


  • Dahil sa Rebolusyong Industriyal, may malaking naging epekto ito sa Europa at sa daigdig noon at ngayon. Binago ng Rebolusyong Industriyal ang bawat bahagi ng pamumuhay ng mga bansang naging aktibosa industriyalisasyon. Matinding pananamantala at paghihirap ang naranasan ng mga manggagawa sa mga pabrika at industriya. Lumaki ang pangangailangan sa mga hilaw na sangkap.Umunlad ang transportasyon, agrikultura at pakikipagtalastasan.Nagbigay ito ng maraming trabaho dulot ng industriyalisasyon na nagbunga rin ng panganib sa kalusugan ng mga tao. Nagdulot din ito ng mataas na pag-angat ng kahalagahan ng pangangalakal. Lumago ang pamumuhay ilang mga tao. Nagbunga ang Rebolusyong Industriyal ng pagdami ng bilang ng populasyon sa Europa lalo na ang mga sentro ng kalakalan at komersiyo. Nagdulot ng polusyon, pagsisiksikan sa mga marurumi at madidilim na mga kabahayan na nagdulot ng paglaganap ng sakit at epidemya sa mga lugar na tirahan ng mga mahihirap. Paglaki ng agwat katayuan sa buhay ng mahihirap na manggagawa at mayayamang may ari ng lupa at pagawaan.Mabilis na lumago at nagsulputan ang mga lungsod.Nagdulot din ito ng pagkabuo ng mga samahan para sa pagbabago ng kalagayan ng mga manggagawa, gayun din ang pagkakaroon ng mga batas para sa ikabubuti ng kalagayan ng mga ito. Nabuo rin ang kilusang 31 nagsusulong sa pag-aalis ng pang-aalipin. Kasabay din nito ang pagkakaroon ng mga karapatan ng mga kababaihan.