Dahil umano sa hirap ng pagdedesisyon sa buhay, nahihirapan na ang kalimitan sa ibang tao na makapag-isip kung ano ang landas na kanilang tatahakin, mapatrabaho man o edukasyon.
Katulad na lamang ni Gimarl Garrovillas, isang Youth Advocacy at Sangguniang Kabataan (SK) sa Baras, Rizal na nahirapang pumili sa pagiging guro at pagiging SK.
Aniya, isa ang pagiging SK sa kaniyang matagal ng pinapangarap, nais niyang matulungan ang mga kabataan sa pagpapaintindi ng kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayan sa komunidad na magpapaigting ng kanilang unti-unting pag-unlad.
“Matagal ko na talagang pangarap ang pagiging SK, gusto kong malaman ng mga kabataan ngayon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayan sa komunidad dahil isa iyon sa makatutulong sa pag-unlad ng aming bayan,” ani Garrovillas.
Samantala, pagiging guro ang pangalawa niyang pamimilian, kung saan nahirapan na siyang mamili dahil pareho itong nagtataglay ng pagtulong sa pagkatuto ng kabataan, ngunit pinili niya pa rin ang SK.
Ayon sa pahayag niya, hindi pa sapat para sa kaniya ang pagiging SK lamang, nais niya pang makatungtong sa mas mataas na posisyon upang mas maging malawak pa ang sakop niya sa pagpapahayag ng kaniyang nais ipaalam sa mga kabataan.
“I chose SK. For me, hindi pa sapat ‘yung experience ko bilang SK lang, gusto ko pa siyang mas mapataas dahil nais ko pang mapalawak ‘yung sakop ng pag-e-express ko ng kaalaman ko para sa mga kabataan, para sa komunidad,” saad ni Garrovillas.
Sa kabilang banda, unti-unting natupad ang kaniyang pangarap matapos ang ilang taon ng kaniyang pag-aaral, at ayon pa sa kaniya, masarap sa pakiramdam na matagumpay niyang napagdaanan ang kaniyang paghihirap.
Payo niya sa mga kabataan, kailangan nilang gamitin ang kanilang nalalaman upang makapaghatid ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa komunidad at sa kalikasan nang sagayon ay hindi manatiling lugmok ang iba sa mga nangyayari sa paligid.
“Bilang kabataan, dapat palagi niyong gamitin ang inyong mga kaalaman upang maturuan pa ninyo ang iba na madagdagan ang kanilang mga nalalaman sa ating komunidad at kalikasan, para makagawa kaagad tayo ng angkop na aksyon sa pagresolba at pagpapanatili nito sa magandang kalagayan,” ani Garrovillas.
Aniya, hindi niya kailanman pagsisisihan na hindi niya pinanatiling nakasarado ang mga pahinang naglalaman ng kaniyang pangarap, na ngayon ay unti-unting napauunlad at natutupad.
TRENDING NGAYON ↑
1 #SANGGUNIANGKABATAAN
2 #YOUTHENVOLVEMENT
3 #YOURVOTEMATTERS
4 #YOURVOTEMATTERS
5 #SPORTSPH