Nakababahala na sa bawat tapak ng tag-init ay hindi na nakakayanan ang lumiliyab na temperatura sa panahon ngayon na nagdulot ng labis na paghihirap sa mga estudyante, lalong lalo na sa pinaka-apektado nating mga magsasaka. Umabot na naman sa puntong kinakailangan ng suspindihin ang klase at marami na namang mga mamamayan ang nalugmok sa kahirapan. Kaya oras na para kumilos at gawin ang mga karapat dapat, wag niyo ng hintayin na mas lalong mamatay at manuyot ang Pilipinas. Sa problemang kinakaharap ng ating bansa, ang gobyerno at ang mga ahensiya ng pamahalaan ang labis na kinakailangan para sa lahat ng mga mamamayan.
Maraming mga mamayan ang nagdudusa dahil sa pagkawala ng pangkabuhayan at kita. Sapagkat labis na krisis ang kinakaharap ng bawat isa dahil ang iba’t ibang sektor ng industriya ay natamaan ng bangis ng El Niño. Base sa pag-aaral ng International Labor Organization
(ILO), ang El Niño ay nagdudulot ng pagkawala ng trabaho at kita para sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura. Hihintayin pa ba nating mawalan ng trabaho ang mga magsasaka bago gumawa ng agarang aksyon?
Nawawalan tayo ng pagkakataon sa pag-unlad sapagkat, ang pamahalaan ay kulang sa mga programa at kampanya na naglalayong magbigay ng sapat na kaalaman at impormasyon sa mga mamamayan. Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang El Niño noong 2019 ay nagresulta sa pagkawala ng halos 170,000 ektaryang sakahan at umaabot sa PHP 7.96 bilyon ang halaga ng pinsalang naidulot nito. Wag na sanang hintayin na umabot sa puntong ito. Ang kawalan ng kaalaman at pag-unawa tungkol sa El Niño ay nagpapalala sa pinsalang natatamo ng sektor ng agrikultura. Ayon sa isang pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS), halos 40% ng mga Pilipino ang may kakulangan sa kaalaman tungkol sa El Niño at ang mga epekto nito.
Hindi lamang umiikot sa magsasaka dahil maraming mga mamamayan lalong lalo na ang mga estudyante ang nagkakasakit sa kadahilanang hindi na nakayanan ang init. Ayon sa datos mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang matinding init ay maaring magdulot ng iba’t ibang sakit gaya ng heat stroke at cancer na pinangangambahang makaaapekto sa mga mag-aaral na naging dahilan upang suspendihin ang mga klase. Hindi ito mapipigilang mga sakuna dahil ito na ang mga epekto nang ating mga nakagawiang hindi nararapat.
Tandaan na ang El Niño ay hindi mapipigilang pangyayari, walang makahahadlang sa bangis nito. Hindi dapat balewalain ng pamahalaan at ng mamamayan dahil tiyak na magiging malawak ang pinsala kung walang agarang aksyon. Kaya ano pang hinihintay niyo? Hihintayin pa ba nating mabaon ang Pilipinas sa kahirapan? Sa pamamagitan ng maagap na pagkakaisa at pagkilos, malalampasan natin ang mga pagsubok na dala ng El Niño at magtatagumpay sa pagbuo ng isang mas matatag at mapagkalingang lipunan.