Tungo sa maayos na sistema ng edukasyon
DepEd, Private schools, nagkasundo sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum
Alinsunod sa layuning pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, nagkaisa ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) at asosasyon ng mga pribadong paaralan sa bansa sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum sa taong panuruan 2024-2025 para sa KINDERGARTEN hanggang ika-10 baitang.
Ayon kay Bise Presidente ng Pilipinas at Kalihim ng DepEd Sara Z. Duterte, napagkasunduang magkakaroon ng National Math Program at National Science and Technology Program na ikatutuwa umano ng mga mag-aaral.
Sang-ayon dito, isinasagawa sa mga pampublikong paaralan ang National Learning Camp, Catch-Up Fridays, school-based feeding program, at proteksiyon sa mga mag-aaral.
“We decongested the curriculum by 70 percent, which supports our focus on the essential skills of literacy and numeracy. [This will help reduce] overcrowding and [help focus] on the essential elements of learning,” pahayag ni Director Jocelyn D.R. Andaya mula Bureau of Curriculum Development ng DepEd.
Dagdag niya, layunin ng MATATAG na linangin ang limang foundational skills ng mga mag-aaral na language, pagbasa at literatura, matematika, pagiging makabansa, at good manners and right conduct (GMRC), na hindi natututukan sa kasalukuyang mga asignaturang mother tongue, Filipino, English, Mathematics, Araling Panlipunan, MAPEH, at Edukasyon sa Pagpapakatao.
Sa kabilang banda, sinabi ng Bise Presidente ng bansa na magkakaroon ulit ng pagpupulong ang mga opisyales ng DepEd kasama na ang private school officials upang pagplanuhang maigi ang isasagawang pagpapatupad ng MATATAG curriculum.