Mas nagiging moderno na ang lahat at hindi maikakaila ang napakalaking impluwensiya ng social media. Uso na ang paggamit ng Facebook bilang libangan, paggamit ng twitter bilang labasan ng sama ng loob, paggamit ng Instagram bilang tambakan ng litrato, subalit ang paggamit ng mga ito bilang isang kasangkapan sa paghahatid ng impormasyon para sa campus journalism ay isang napakalaking kalokohan. Magiging dahilan lamang ito ng mas malaking problema at malawakang pagkalat ng maling mga impormasyon.
Tunay nga namang mas marami ang makakakita at makababasa ng mga impormasyon at balita kapag ito ay idinaan sa social media, ngunit hindi maaaring balewalain na marami rin ang magiging biktima ng mga maling impormasyon. Umabot lang naman sa 5.04 bilyong mga tao ang gumagamit ng iba’t ibang social media platforms at lahat sila ay maaaring maging biktima. Mahirap mang tanggapin, pero karamihan sa mga gumagamit ng social media ay tamad umusisa ng kani-kanilang binabasa online.
Hindi rin maaring ipasawalang bahala ang mga manunulat at mga mamamahayag na walang paninindigan sa kung ano ang tama. Isang malaking problemang kinakaharap ng mundo ng pahayagan ang media bias. Ilang pag-aaral na ang lumabas na umaabot sa 1.8 milyong mga ulo ng balita ang kumakalat sa social media at maituturing na media biased. Ito ay isang patunay na hindi maaaring maging pangunahing kasangkapan ng mga campus journalist ang iba’t ibang social media platforms. Dagdag pa na ang mga manunulat at mga mamamahayag ng campus journalism ay mga mag-aaral pa lamang at may marami pang mga bagay ang dapat nilang matutunan.
Bukod pa riyan, ang papel ng campus journalism ay dapat maging bantay sa pagpapalaganap ng mga impormasyon. Ngunit, kung ang mga mag-aaral na sana’y nagbibigay-linaw at nagsusuri ng mga balitang kumakalat ay mismong nagiging bahagi ng pagkalat ng fake news, nagiging mas malaking suliranin ito. Ang kalidad at integridad ng campus journalism ay dapat pangalagaan upang maiwasan ang pagkapangunahing pinagmumulan ng mga maling balita sa social media.
Isang napakahalagang institusyon sa paghubog ng mga susunod na henerasyon ng mamamahayag ang campus journalism. Hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang malawakang pagkalat ng fake news sa pamamagitan ng campus journalism gamit ang social media. Bagkus, ang isyu na ito ay dapat bigyang-pansin at mabigyan ng seryosong solusyon. Sa pamamagitan ng tamang edukasyon, pagsasanay, at kooperasyon ng lahat, maaari nating malabanan ang malawakang pagkalat ng fake news. Ang campus journalism ay dapat maging isang instrument ng pagbabago at pag-unawa, kung saan ang bawat mamamahayag ay naglilingkod sa interes ng katotohanan at tunay na impormasyon.
ABRIL 13 2024 | 2:30 PM
ABRIL 13 2024 | 2:30 PM