Ang kalayaan ay maraming kayang gawin upang paunlarin ang isang tao at maaari rin itong magdulot ng kapahamakan.
Ano nga ba ang totoong kahulugan ng kalayaan para sa atin at para sa kapwa kong mga kabataan? Ito ba ay ang mga kagustuhan natin o ang pagiging isang responsable, mayroong paggalang, at pagiging mabuting mamamayan?
Ang kalayaan ay matagal ng minimithi ng bawat isa noon, at ngayon na nasa kamay na natin, ano ang nararapat nating gawin? Ang kalayaan ay isang bagay na napakahalaga para sa ating dignidad at pagkabuo ng ating pagkatao dahil kung wala ito hindi natin malayang magagawa ang mga bagay na magpapasaya sa atin. Ang kalayaan ay dapat nating pahalagahan dahil isa itong bahagi ng ating pamumuhay na mayroong kaakibat na responsibilidad . Isang responsibilidad na pangalagahan at gamitin ng maayos upang hindi na muling maglaho sa ating mga palad.
Ang isang halimbawa na lamang ng pagkawala ng kalayaan ng mga kabataan tulad ko ay ang pagiging strikto ng ating mga magulang na maranasan ang mga bagay na gusto natin at magpapasaya sa atin. Nagiging mahigpit sila sa kanilang mga anak na dumadating sa punto na, naiisip na ng mga kabataan na magrebelde at naiisip rin nila na hindi sila mahal ng kanilang nga magulang dahil sa pagbibigay ng mga magulang ng limitayson sa kanilang mga anak. Ngunit bilang isang kabataan at anak ay kailangan rin nating intindihin sila at unawain ang kanilang rason kung bakit ayaw tayong payagan o kung bakit may limitasyon tayo sa ating mga ginagawa. Walang magulang ang gustong mapahamak ang kanilang mga anak. Nandiyan sila para ituwid at gabayan tayo para sa ikagaganda ng ating kinabukasan at buhay. Mayroong ibang magulang na binbiigyan nila ng limitasyon ang kanilang mga anak upang hindi matulad ang kanilang mga anak sa kanilang mga naransan sa buhay noon. Parang kinukuha nila ang karanasan nila noon sa paraan ng kanilang pagdidisiplina nila sa atin ngayon. Malaya naman tayo kaso may limitasyon nga lang dahil hindi lahat ng gusto natin ay pwede na. Ang tunay na kalayaan ay hindi nasusukat sa ating mga kagustuhan bagkus ito ay ang pagiging isang disiplinadong mamamayan o kabataan na siyang magiging gabay sa ating magandang kinabukasan. Isa pang halimbawa nito ay ang mga kabataan na nahihiya sa kanilang mga magulang na aminin kung sino at kung ano ang totoong sila. Natatakot sila na kung anong gawin sa kanila ng kanilang magulang kung kaya't nararapat din na maging bukas ang isipan ng ating mga magulang sa kanilang mga anak upang mawala ang takot ng mga kabataan na sabihin ang mga nangyayari sa kanila at para pagusapan ang mga problema nila nang sa gayon ay gumaan ang kanilang pakiramdam at maramdaman nila na nandiyan kayo para sa kanila. Pagiging totoo sa sarili at sa ibang tao ay isang kalayaan ng isang tao.
Sa kalayaan, ay malaya nating naipapahayag o ipakita sa lahat kung sino at ano nga ba tayo. Dito maipapakita natin ang mga kakayahan natin, kalakasan at maging ang ating kahinaan. Hindi hadlang ang panghuhusga ng iba upang isipin at maliitin na natin ang ating sarili. Hindi ito isang hadlang na sisira sa pagiging positibo natin. Hayaaan na lang natin sila sa panghuhusga at kung sa tingin natin na hindi sila matutulong sa pag-unlad natin ngunit maaari rin natin itong gamitin upang lalo pa nating galingan at hasain pa ang ating sarili sa ating mga kakayahan. Harapin ng may tapang ng loob ang mga hamon sa buhay upang sa huli ito'y ating mapagtagumpayan.
Tapang sa loob at may paninindigan sa kung ano ang tama ang kailangan ng lahat. Pagyakap sa katotohanan at sa ating kakayahan na siyang susi sa pagbabago at susi para sa ating kaunlaran.