Ang kalayaan ay isang mahalagang konsepto na may malaking impluwensya sa ating buhay. Maaari itong magbigay ng pagkakataon para sa pag-unlad at paglago, ngunit maaari rin itong magdulot ng mga panganib.
Paano natin matutukoy ang tunay na kahulugan ng kalayaan bilang mga kabataan? Isa ba itong responsibilidad o pagsunod sa ating mga kagustuhan?
Ang kalayaan, ay isang mahalagang kasama ng ating pagkatao, nagdudulot ng pag-unlad at paglago ngunit mayroon ding panganib. Para sa mga kabataan na naghahanap pa lamang ng kanilang identidad at kinabukasan, tulad ko, mahalagang maunawaan na ang kalayaan ay hindi lamang ang pagsunod sa kagustuhan o sa responsibilidad, kundi ang paghahanap ng balanse sa pagitan ng dalawa. Ang kalayaan ay ang karapatang pumili at magdesisyon para sa sarili, malaya sa panggigipit, at naaayon sa sariling paniniwala at mithiin. Halimbawa na lamang nito ay ang pagpili ng kurso, kaibigan, o landas sa buhay, pati na ang pagpapahayag ng sarili sa pamamagitan ng sining, musika, o pagsulat. Ngunit hindi lamang ito ang pagtupad sa pansariling hangarin, sapagkat ang tunay na kalayaan ay nakabatay sa pagtupad ng ating mga responsibilidad, ang paggalang sa karapatan ng iba, ang pagkilala sa ating papel sa lipunan, at ang pagiging mabuting mamamayan na nag-aambag sa ikauunlad ng ating komunidad at bansa. Ito rin ay makikita sa pagsunod sa batas, pagrerespeto sa awtoridad, at pagtulong sa mga nangangailangan. Ang kalayaan ay nasa balanse ng personal na mithiin at panlipunang responsibilidad. Hindi kailangang isakripisyo ang mga pangarap o kagustuhan para maging responsable, sa halip, gamitin ang kalayaan upang makamit ang mga ito nang may paggalang sa kapwa, bilang bahagi ng isang mas malaking komunidad.
Sa huli, ang kalayaan ay isang patuloy na paglalakbay ng pagkatuto at paglago, kung saan ang responsableng paggamit nito, na may paggalang sa kapwa, ay susi sa pagbuo ng isang makatarungan at mapayapang lipunan.