Pagtaas ng Sahod ng mga Nars:
Pagtaas ng Sahod ng mga Nars:
Saklaw at mga Karagdagang Benepisyo
Larawan mula sa: https://www.reuters.com/world/asia-pacific/philippines-health-workers-protest-neglect-covid-19-strains-hospitals-2021-09-01/
Sa kasalukuyan, ang mga nars sa Pilipinas ay humaharap sa mga hamon na nagiging bahagi na ng kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Sa kabila ng kahalagahan ng kanilang trabaho sa serbisyong pangkalusugan, nakararanas pa rin sila ng hindi patas na kondisyon at pagtrato. Ilan sa mga hamon na kanilang hinaharap ay ang kakulangan sa benepisyo, mababang sahod, at kakulangan ng mga manggagawa.
Mababang Sahod
Ang unang hamon na kinakaharap ng mga nars sa bansa ay ang mababang sahod na kanilang natatanggap. Isa sa mga dahilan para sa hamon na ito ay ang sistema ng kontraktwalisasyon na umiiral sa mga institusyong pangkalusugan. Sa ilalim ng ganitong sistema, ang mga nars ay nagtatrabaho lamang sa limitadong panahon at hindi sila itinuturing na regular na empleyado sa ilalim ng batas. Sa halip na ang kanilang kinikita ay nasa humigit kumulang Php 30,000.00, nakatatanggap lamang sila ng halos Php 22,000.00 dahil sa kontraktuwalisasyon ayon kay Maristela Abenojar, pangulo ng Filipino Nurses United (Jackson, 2021). Ang sistemang ito ay nagreresulta sa kawalan ng karapatan ng mga nars na ipaglaban ang sahod na kanilang nararapat na matanggap. Hindi lamang ang mga nars ang naaapektuhan sa suliranin na ito ngunit mas malaki ang epekto nito sa pangkalahatang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa ating bansa.
Larawan mula sa: https://business.inquirer.net/209951/labor-day-again-raises-contractualization-issue
Kakulangan sa Benepisyo
Larawan mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/1175370/group-seeks-p30000-basic-pay-for-nurses
Dahil sa umiiral sistema ng kontraktwalisasyon, hindi nakatatanggap ang mga nars ng kumpletong benepisyo na nararapat na matanggap ng isang regular na empleyado tulad ng health insurance, leave benefits at hazard pay (Jackson, 2021). Ang mga nars ay itinuturing lamang bilang pansamantalang manggagawa, kaya nawawala sa kanila ang mga karapatan at benepisyo na karaniwang binibigay sa mga manggagawang may permanenteng posisyon. Ilan sa mga benepisyo na kanilang nararapat na natatanggap ay PhilHealth (Batas Republika 1060), Social Security System o SSS (Batas Republika 8282), at Pag-IBIG (Batas Republika 9679) (Protacio, 2010). Mula dito, ang kawalan ng benepisyo dulot ng kontraktwalisasyon ay nagdudulot ng mas malawak na suliranin sa sektor ng kalusugan– ang kakulangan ng sapat na bilang ng mga manggagawa.
Kakulangan ng mga Manggagawa
Larawan mula sa: https://attymikee.com/2016/09/11/walang-masungit-na-nurse-kung-walang-corrupt/
Bilang resulta ng mababang sahod, nababawasan ang bilang ng mga estudyanteng nakapagtapos ng ipagpatuloy ang kanilang trabaho bilang nars. Sa kasalukuyan, mayroong isang (1) nars sa dalawampung (20) pasyente. Mula sa bilang na ito, makikita na lumagpas ito sa pamantayan ng Kagawaran ng Kalusugan na isang (1) nars sa labindalawang (12) pasyente (Tamayo et al., 2022). Dagdag pa rito, maaari pa itong umabot sa isang (1) nars sa limampung (50) pasyente kung hindi mabibigyan ng agarang solusyon ang kakulangan ng mga manggagawa (Alibudbud, 2023). Nagreresulta ang kakulangan sa manggagawa na ito sa pagtatrabaho ng lagpas sa itinakdang oras nang walang karagdagang sahod (Alibudbud, 2023). Mula sa dalawang datos na ito, makikita ang suliranin ng Pilipinas pagdating sa kakulangan ng mga nars sa bansa at ang posibilidad na lumala pa kung hindi ito mabibigyan ng agarang solusyon ng gobyerno.
Ang paglalantad ng iba’t ibang salik na nakakaapekto sa mababang sahod ng mga nars ay makahihikayat sa mga Pilipino na makibahagi sa pagbabago para sa ikabubuti ng lipunan at makapaglatag ng mga solusyon sa mga salik sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga karagdagang benepisyo.
Mula sa kasalukuyang kalagayan ng nars sa bansa, mahalaga lamang na makilala ang mga ito upang makapaglatag ng mga konkretong solusyon na maaaring ipatupad upang mapabuti ang kanilang kalagayan at maisulong ang mas makatarungang sistema ng pasahod.
Halaga ng Sahod na Itataas
Larawan mula sa: https://www.ibon.org/flw-regions-2403/
Isa sa mga pangunahing solusyon ay ang pagtaas ng sahod ng nars upang maging tugma ito sa minimum wage at living wage. Ang minimum wage ay tumutukoy sa pinakamababang sweldo na maaaring ibayad ng isang amo sa kaniyang mga empleyado. Sa kabilang banda, ang living wage ay sumasaad sa sapat na sahod ng mga manggagawa na makatutugon sa mga pangangailangan. Ayon sa IBON Foundation, ang minimum wage ng mga manggagawa sa rehiyon ng NCR ay Php 610.00 habang ang living wage ng isang pamilya ay Php 1,197.00. Mula sa datos na ito, ang nararapat na sahod sa isang buwan ng manggagawa na may limang miyembro sa pamilya ay Php 35,910.00 (IBON Foundation, 2024). Gayunpaman, hindi ito ang natatanggap ng sahod ng mga nars dahil sa kontraktwalisasyon kung saan hindi sila nabibigyan ng tamang sahod na naaayon sa kanilang kasanayan.
Mga Karagdagang Benepisyo
Kasunod ng pagpapataas ng sahod ay ang pagbibigay ng mga karagdagang benepisyo sa mga nars. Ang pagbibigay ng tamang benepisyo ayon sa batas ay isa sa mga mahahalagang hakbag upang tuluyang bumuti ang kalagayan ng mga nars sa bansa. Nararapat na pagtibayin ang mga batas at regulasyon na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga kontraktwal na manggagawa. Mula dito, masisiguro na kahit mga kontraktwal na empleyado ay may kakayahang makamit ang mga pangunahing benepisyo, tulad ng health insurance at retirement pay. Ang pagkakaroon ng mga benepisyong ito ay magbigay ng mas mataas na seguridad sa kanilang kalusugan at sa kalidad ng kanilang pagtatrabaho. Bukod dito, ang pagpapataas ng overtime pay ay isa rin sa mga solusyon upang mabigyan ng kompensasyon ang mga nars na nagtatrabaho ng lagpas sa regular na kanilang pagtatrabaho. Dahil sa pagtataas ng overtime pay, hindi na naging tutol ang mga nars sa pagtatrabaho ng lagpas sa oras at sa tuwing may pista (Leong, 2014).
Kahalagahan ng Pagpapataas ng Sahod at Benepisyo
Larawan mula sa: https://pristacorp.com/re-thinking-four-ways-advance-healthcare-quality-safety/
Nararapat lamang na mabigyan ang mga nars sa bansa ng karampatang sahod at karagdagang benepisyo dahil sa kanilang gampanin sa lipunan. Ang hakbang na ito ay hindi lamang magkakaroon ng positibong epekto sa mga nars ngunit pati na rin sa sistema ng kalusugan sa bansa. Ayon sa pag-aaral ni Leong (2014), nagkaroon ng ilang positibong epekto ang pagpapataas ng sahod ng mga nars sa bansang Macau. Una, nagresulta ito sa pag-unlad ng kalidad ng serbisyong pangkalusugan kung saan ang bilang ng mga reklamo na kanilang natatanggap mula sa mga residente ng bansa ay bumaba. Ikalawa, kasabay ng pagtaas ng sahod ng mga nars ay ang pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nagtatapos ng kursong nursing sa bansa (Leong, 2014). Ang ikahuling benepisyo naman ay ang pagpili ng mga nars na manatili sa sariling bansa. Dahil sa kanilang pagpapanatili, mas tataas pwersa ng paggawa sa bansa at magreresulta sa pagtaas ng kalidad ng pangangalaga ng pangkalusugan sa bansa. Ilan lamang ito sa mga benepisyo na matatanggap ng ating bansa kung ang suliranin ng mababang sahod ng mga nars ay matutugunan.
Sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga nars, ang gampanin ng mga Pilipino ay mahalaga subalit sila ang magsisilbing pundasyon upang mahanap ang solusyon sa suliraning ito. Ang gobyerno ay nararapat na magpalaganap ng mga makatarungang batas na maglalayong magtaguyod ng mga karapatan ng mga nars sa pamamagitan ng pagpapataas ng sahod at benepisyo. Dagdag pa rito, mahalaga rin ang paglalaan ng gobyerno ng sapat na pondo para maitaas ang sahod ng mga nars. Ang pagdagdagdag ng pondo ay maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng serbisyong kalusugan ng bansa. Mula sa sulating ito, ang damdamin at interes ng mga Pilipino ay mapupukaw sa kadahilanang mas makikilala nila ang bigat ng responsibilidad ng mga nars at ang hindi makatarungang pagtrato sa kanila. Dahil sa kanilang kamalayan sa isyung ito, mas magkakaroon sila ng pagkakataon na makilahok sa mga petisyon at mga talakayan sa gobyerno. Kaya naman, ang kanilang pagsasama-sama ay makakapag-udyok ng atensyon mula sa mga kinauukulan upang gumawa ng solusyon tungo sa pagbibigay ng karampatang sahod. Sa paglalahat, kinakailangan ng sama-samang pagkilos ng gobyerno at mamamayang Pilipino upang matugunan ang isyu ng mababang sahod ng mga nars at mabigyan sila ng permanenteng posisyon.
Mga Sanggunian
Alibudbud, R. (2023). Addressing the burnout and shortage of nurses in the Philippines. SAGE Open Nursing, 9. https://doi.org/10.1177/23779608231195737
De La Pena, M. (2016, September 11). Walang masungit na nurse kung walang CORRUPT. Pagmumuni-muni. https://attymikee.com/2016/09/11/walang-masungit-na-nurse-kung-walang-corrupt/
IBON Foundation. (2024, April 10). Minimum wage and family living wage per region, as of March 2024. https://www.ibon.org/flw-regions-2403/
Islam, F. (2017, November 7). Re-Thinking: Four ways to Advance healthcare quality and Safety | Prista Corp drives improvement in healthcare. ActionCue Clinical Intelligence Drives Improvement in Healthcare. https://pristacorp.com/re-thinking-four-ways-advance-healthcare-quality-safety/
Jackson, A. (2021, September 18). “Burnt out”: Nurses battle COVID-19, resignations in Philippines. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2021/09/18/2128038/burnt-out-nurses-battle-covid-resignations-philippines
Leong, C. (2014). Benefits from increasing salary, employee benefits and rank for promotion The nursing shortage in Macao Chinese society. Universal Journal of Public Health, 2(1):10-16. https://doi.org/10.13189/ujph.2014.020102
Portugal, A. (2021, September 1). Philippines health workers protest neglect as COVID-19 strains hospitals. Reuters. https://www.reuters.com/world/asia-pacific/philippines-health-workers-protest-neglect-covid-19-strains-hospitals-2021-09-01/
Protacio, S. S. (2010). Philippine Labor Standards Guidebook.
Tamayo R. L. J., Quintin-Gutierrez M. K. F., Campo M. B., Lim M. J. F., Labuni P. T. (2022). Rationing of nursing care and its relationship to nurse practice environment in a tertiary public hospital. Acta Medica Philippina, 56(3), 64–71. Crossref
Torres, E. (2016, May 2). Labor Day again raises contractualization issue | Inquirer Business. INQUIRER.net. https://business.inquirer.net/209951/labor-day-again-raises-contractualization-issue
Yee, J. (2019, October 9). Group seeks P30,000 basic pay for nurses | Inquirer News. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1175370/group-seeks-p30000-basic-pay-for-nurses