Pagkukumpara sa Ibang Larangan ng Trabaho
Pagkukumpara sa Ibang Larangan ng Trabaho
Katulad sa larangan ng medisina, ang sektor ng agrikultura ay may mahalagang papel sa pagsusustento ng ating kalusugan at kabuhayan dahil sila ang pangunahing nagbibigay ng ating pagkain at iba pang mga hilaw na produkto. Gayunpaman, sa kabila ng kanilang malaking kontribusyon, humaharap ang mga manggagawa sa agrikultura ng isang nakababahalang suliranin—ang mababang sahod na kanilang natatanggap. Bagama’t mahalaga ang kanilang ambag sa ekonomiya, nananatiling limitado ang kanilang oportunidad upang makatanggap ng mga serbisyong panlipunan at benepisyo. Ang ganitong kalagayan ay malinaw na lumalabag sa prinsipyong nagtataguyod ng Disenteng Trabaho at Maunlad na Ekonomiya (SDG 8), na isa sa mga layunin para sa pagkakapantay-pantay at pagsulong ng ating lipunan. Ang agrikultura sa Pilipinas ay may malaking bahagi sa pagbibigay ng trabaho sa 29% ng mga manggagawa, ngunit tanging 10% lamang ng kabuuang produksyon ng bansa ang nagmumula dito (Briones, 2017). Ayon sa mga datos, ang produktibidad ng mga manggagawa sa agrikultura ay isang-katlo lamang ng karaniwang manggagawa sa ibang sektor (Briones, 2017).
Paglalarawan sa Larangan ng Agrikultura at mga Manggagawa nito
Habang lumalago ang ekonomiya ng Pilipinas, kasabay nito ay ang pagbaba ng bahagi ng agrikultura sa kabuuang produksyon at empleo (Briones, 2017). Ang mabilis na pagbaba ng bahagi ng agrikultura sa Gross Domestic Product (GDP) ay hindi tumutugma sa sapat na pag-unlad sa sektor ng trabaho. Ayon kay Briones (2017), “Agriculture’s share in GDP falls faster than its share in employment.” Noong 2012, 66% ng mga mahihirap na manggagawa ay nagmumula sa sektor ng agrikultura kung saan ang kanilang sahod ay kalahati lamang ng sahod ng mga manggagawa sa ibang industriya (Briones, 2017). Ang mga manggagawang nasa larangan ng agrikultura ay karaniwang mas matanda, mas mababa ang antas ng edukasyon, at nagmumula sa mga rehiyon tulad ng Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western at Central Visayas, at Northern Mindanao (Briones, 2017). Sila ay patuloy na nakakaranas ng mga limitasyon sa oportunidad at benepisyo. Dahil dito, ang sektor ng agrikultura ay hindi natutugunan ang potensyal nito sa pag-angat ng kabuhayan ng mga manggagawa nito at sa kabuuang ekonomiya ng bansa.
Sa kabila ng pagbaba ng bahagi ng agrikultura sa produksyon at trabaho, may mga rehiyon na nakaranas ng paglago mula 2011. Gayunpaman, magkakaiba ang antas ng pag-unlad at nananatiling malaki ang agwat ng sahod sa pagitan ng mga rehiyon at uri ng pananim. Ang pagkakaibang ito ay nagiging sagabal sa tunay na pag-unlad ng sektor ng agrikultura sa bansa.
Dahil dito, mahihinuha natin na katulad sa sitwasyon ng mga nars, nangangailangan ng pagbabago sa mababang sahod ng mga manggagawang agrikultural sa Pilipinas upang mapataas ang kanilang produktibidad at kabuhayan. Sa pamamagitan ng pagtaas ng sahod, modernisasyon ng kagamitan, at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga manggagawa sa agrikultura, maaaring mapalakas ang ekonomiya at mabawasan ang kahirapan sa bansa. Ang pagpapataas ng kanilang sahod at pagbibigay ng sapat na oportunidad sa serbisyong panlipunan ay hindi lamang makabubuti sa kanilang kabuhayan kundi magpapataas din ng kanilang produktibidad. Ang tunay na pag-unlad ng sektor ng agrikultura ay nakasalalay sa pagkilala sa halaga ng mga manggagawa nito bilang pundasyon ng isang maunlad at pantay na ekonomiya.
Ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas ay patuloy na humaharap sa maraming hamon. Sa pamamagitan ng pagtaas ng sahod, modernisasyon ng kagamitan, at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga manggagawa, maaaring mabigyan ng solusyon ang mga suliranin sa agrikultura, mapalakas ang ekonomiya ng bansa, at mabawasan ang kahirapan sa bansa.
Epekto ng pagkakaroon ng mabilis na takbo ng ekonomiya
Sa mabilis na takbo ng ekonomiya ng Pilipinas, tumaas ang alokasyon ng mapagkukunan ng gobyerno sa pamumuhunan sa agrikultura at kaunlarang rural (Tuaño & Cruz, 2019). Noong 2012, kinilala ang Pilipinas bilang isang “rising tiger” (Konishi, 2013) at “break-out nation” (Sharma, 2013). Bagama’t positibo ang mga tagumpay na ito, hindi nakasabay ang bansa sa pagbibigay ng disenteng trabaho. Sa halip na bawasan ang kahirapan sa bansa, lumala lamang ito. Nanatili ang hindi pantay na kita, lalo na sa sektor ng agrikultura. Isa sa mga nakita na maaaring solusyon dito ay ang pagtaas ng kita ng mga manggagawa sa agrikultura, maging sa pamamagitan ng paglipat ng mga manggagawa sa mas mataas na sahod na trabaho o pagtaas ng sahod mismo sa sektor. Ang ganitong hakbang ay maaaring magdulot ng migrasyon patungo sa mas produktibong mga oportunidad at magtulak ng mas mataas na kita para sa mga nasa sakahan.
Paghina ng sahod at pagsusuri sa merkado ng paggawa
Habang ang mga industriyalisadong bansa ay nakaranas ng pagtaas ng tunay na sahod na nagresulta sa mas mataas na antas ng pamumuhay (Frank et al., 2022), ang Pilipinas ay nananatiling nahaharap sa pagbaba ng produktibidad at pagtaas ng suplay ng labor na pumipigil sa paglago ng sahod. Ang mga estruktural na problema sa merkado ng paggawa, kabilang na ang mga regulasyon ng gobyerno, ay nagiging sanhi ng pagbaba ng demand para sa lakas-paggawa. Nagdudulot ito ng pagbaba ng tunay na sahod at pagtaas ng kawalan ng trabaho.
Epekto ng Rice Liberalization Law
Ang pagsasaka ay ang pangunahing kabuhayan ng halos dalawang milyong pamilya sa Pilipinas at may malaking ambag sa kita ng mga manggagawa at mangangalakal (Calicdan, atbp., 2020). Ngunit noong 2019, ipinatupad ang Rice Liberalization Act na nagtanggal ng mga limitasyon sa pag-angkat ng bigas at pinalitan ng taripa. Bagama’t layunin nitong tiyakin ang suplay at gawing abot-kaya ang presyo ng bigas, nagresulta ito sa pagkalugi ng mga magsasaka na umabot sa P8.2 bilyon, ayon kay Agriculture Secretary William Dar (The Manila Times, 2020). Sa kabila ng ganitong hamon, natuklasan na ang tamang paglalaan ng pondo ng gobyerno ay may positibong epekto sa produksyon ng bigas. Makikita ito sa taong 2013 kung saan umabot sa 96% ang sapat na suplay ng bigas (Calicdan, atbp., 2020). Upang maibsan ang epekto ng batas na ito, kailangang maglaan ang gobyerno sa sektor ng agrikultura ng mas malaking pondo , pagtuunan ng pansin ang produksyon ng bigas sa mas mababang halaga, at magbigay ng sa modernong teknolohiya upang mapataas ang produktibidad ng mga magsasaka at gawing mas mabisa ang kanilang pagtatrabaho.
Ang pangkalahatang inklusibong pag-unlad sa Pilipinas
Ang kakulangan ng kooperasyon sa pagitan ng sektor ng agrikultura at industriya ay patuloy na hadlang sa industriyalisasyon ng bansa (Angeles & Shah, 2019). Ang institutional weaknesses, tulad ng hindi sapat na land reform at mga programa sa munisipyo, ay nagdudulot sa mga magsasaka na umasa sa utang at remittance. Dahil dito, nababawasan ang posibilidad sa pagbuo ng mas produktibong sistema na may mas mataas na halaga sa sektor ng agrikultura at industriya ng pagmamanupaktura. Upang matugunan ang suliraning ito, kinakailangang bigyan ng kapangyarihan ang mga lalawigan at rehiyon upang lumikha ng kooperasyon at magsulong ng inklusibong pag-unlad. Ang isang desentralisadong estado ay makapag-organisa ng mga alyansa upang suportahan ang kooperasyon sa pagitan ng sektor ng agrikultura at industriya sa pamamagitan ng inklusibong institusyong pampulitika at pang-ekonomiya (Angeles & Shah, 2019).
Sa kabuuan, ang pagpapabuti sa sektor ng agrikultura ay nangangailangan ng kolektibong hakbang upang maitaas ang sahod, gawing moderno ang mga kagamitan, at palawakin ang mga oportunidad para sa mga manggagawa. Sa ganitong paraan, hindi lamang tataas ang produktibidad at kita ng sektor, kundi mababawasan din ang kahirapan sa bansa. Ito ang maglalatag ng pundasyon para sa isang mas matatag at inklusibong ekonomiya.
Sa lahat ng aspektong tinalakay—ang epekto ng mabilis na takbo ng ekonomiya, paghina ng sahod at pagsusuri sa merkado ng paggawa, epekto ng Rice Liberalization Law, at ang pangkalahatang inklusibong pag-unlad sa Pilipinas—muling naipakita na ang sektor ng agrikultura ay nananatiling nasa likuran ng ibang sektor sa loob ng bansa at sa pandaigdigang larangan. Makikita rito ang malaking agwat sa antas ng pag-unlad ng agrikultura at ang negatibong epekto nito sa mga manggagawa sa sektor.
Kaya naman, katulad ng sitwasyon ng mga nars, malinaw na nangangailangan ng agarang pagbabago sa mababang sahod ng mga manggagawang agrikultural sa Pilipinas. Ang pagbabagong ito ay mahalaga, hindi lamang upang mapataas ang kanilang produktibidad at kabuhayan, kundi upang magdulot ng positibong pagbabago sa ekonomiya ng bansa at mabawasan ang kahirapan.
Batay sa mga aspektong tinalakay, malinaw na hindi pa natutupad ng Pilipinas ang layunin nitong tulungan ang mga manggagawang agrikultural at palakasin ang sektor ng agrikultura. Bagama’t maraming suliranin ang kinakaharap ng sektor, may mga konkretong solusyong maaaring gawin upang maibsan ang mga ito. Kaya naman, isang mahalagang tanong ang dapat nating pagnilayan:
Mainam na maging mulat tayo sa suliraning ito at alamin ang iba’t ibang paraan upang makatulong sa pag-angat ng sektor ng agrikultura. Lahat ng mga solusyon na nabanggit ay ilan lamang sa mga nangangailangan na gampanin ng gobyerno. Ito ay mga hakbang na maaaring gawin upang maibsan ang problema. Higit pa rito, ang mga hakbang na ito ay makatutulong upang maipakita ang tunay na halaga ng mga manggagawang agrikultural, hindi lamang bilang bahagi ng sektor, kundi bilang mahalagang salik sa pag-unlad ng ating ekonomiya at lipunan.
Sa pagtatapos, nararapat lamang na ipagpatuloy ang pagiging mulat sa reyalidad at makapaghikayat para sa pagbabago. Huwag nating hayaang manatiling mababa ang sahod at antas ng pamumuhay ng mga manggagawang agrikultural, ng mga nars, at ng iba pang mga manggagawa sa sektor na hindi sapat ang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa ating buhay. Ang ating pagkilos ngayon ay susi sa mas maliwanag na kinabukasan ng ating ekonomiya at sa pagbawas ng kahirapan sa bansa.
Mga Sanggunian
Angeles, L. C., & Shah, S. H. (2019). Re-scaling and re-contextualizing agriculture-industry synergies for rural development: the case of an urbanizing rurality in the Philippines. The Journal of Peasant Studies, 48(5), 1033–1053. https://doi.org/10.1080/03066150.2019.1668779
Briones, R. M. (2017). Characterization of agricultural workers in the Philippines. Econstor. https://www.econstor.eu/handle/10419/173608
Calicdan, J. P. J., Gavino, C. J., Estrada, H. F., Cortez, J. M., & Balaria, F. E. (2020). Effects of Rice Liberalization Law on Rice Production, Farmers’ Wages and Government Budgets. International Journal of Advanced Engineering, Management and Science, 6(6), 275–281. https://doi.org/10.22161/ijaems.66.8
Frank, R., Bernanke, B., Antonovics, K., & Heffetz, O. (2022). Principles of Economics (8th ed.). McGraw-Hill Education.
Tuaño, P. A., & Cruz, J. (2019). Structural Inequality in the Philippines: Oligarchy, (Im)mobility and Economic Transformation. Journal of Southeast Asian Economies, 36(3), 304–328. https://www.jstor.org/stable/26842378