Epekto sa Ekonomiya ng Pilipinas
Epekto sa Ekonomiya ng Pilipinas
Larawan mula sa: https://www.philstar.com/headlines/2023/07/11/2280174/marcos-nurse-exodus-were-victims-our-success
Habulin ang Trabaho, Hindi ang Eroplano: Isang Posisyong Papel Tungkol sa Epekto ng Pagtaas ng Sahod ng mga Nars sa Ekonomiya ng Pilipinas
Introduksyon
Ating kinororonahang mga bagong-bayani ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sapagkat hindi raw lahat ng mga bayani ay nakasuot ng kapa’t namatay para sa kanilang bayan. Walang kasinungalingan sa mga salitang ito, ngunit sa karangalang ito ay nakikita rin natin ang problema sa Perlas ng Silangan. Hindi dapat mangailangan ng modernong bayani ang isang bayan, kung hindi ito sinira ng isang kontrabidang inuna ang sarili sa bayang minamahal. Hindi magiging sapat ang pagbibigay karangalan sa mga OFW kung hindi aayusin ng gobyerno ang dahilan kung bakit pa nila kailangang lumabas ng bansa para lamang maghanap-buhay para sa kanilang mga pamilyang iniiwan sa bayang ito. Nasa 240,000 na Pilipinong nars ang nagtratrabaho sa ibang bansa noong taon ng 2020 na naging dahilan sa kakulangan sa mga nars para sa mga Pilipino (Hospital Management Asia, 2024). Sa napakalaking numero na ito, tatalakayin ng posisyong papel na ito ang isang solusyon na maaaring makatulong na bawasan ang bilang ng mga Pilipinong nars na kailangang mang-ibang bansa. Ang pagtaas ng suweldo ng mga nars ay magbubunga sa pagbaba ng bilang ng mga rehistradong nars na nangingibang bansa at magbibigay solusyon sa problema ng gobyerno sa mababang ekonomiya ng Pilipinas dahil sa korelasyon ng kaunlaran ng sektor ng kalusugan at ng pangkabuuang ekonomiya ng isang bansa. Ilalahad dito ang kasalukuyang konteksto ng mga nars sa ekonomikong aspekto nito, ang kahalagahan sa pagtaas ng suweldo ng mga nars, ang positibo at negatibong epekto nito sa ekonomiya ng Pilipinas, at ang kasalukuyang aksyon na ginagawa ng ating gobyerno para sa suliraning ito.
Larawan mula sa: https://www.buzzfeed.com/markching/interviews-with-overseas-filipino-workers
Ang 10% ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ay nanggagaling sa mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibang bansa, o Overseas Filipino Worker (OFW), na nagpapadala ng pera mula sa banyagang bansa sa loob ng Pilipinas (Khor, 2019). Ang pangingibang bansa ng mga Pilipino ay nagsimula noong 1970s sa programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na “Philippine Labor Export Program” kung saan ginamit niya itong solusyon sa mataas na unemployment rate ng bansa (Maca, 2018). Ang hindi alam ng nakararami, ito ay isa lamang sa napakaraming estratehiyang politikal ng diktadoryang Marcos upang siya ay manatili sa posisyon niya bilang pangulo ng bansa (Maca, 2018). Sapagkat sa mga taong ito ay nagkaroon ng mga rally sa mga lungsod ng bansa dahil sa kakulangan sa trabaho, ginamit ni Marcos ang programang ito upang ilipat ang atensyon ng mga liberal na kabataan na magtrabaho na lamang sa ibang bansa upang sila ay maka-asenso sa hirap ng buhay na gawa ng pamilyang Marcos (Maca, 2018). Sa isang programang inilunsad na limampung taon na ang nakalilipas, ay ang sandamakmak na problema sa kakulangan ng mga dalubhasang manggagawa sa bansa ngayon, lalo na sa larangan ng medisina.
Sa kasalukuyang panahon, ang mga bansang nakikinabang sa mga Pilipinong propesyonal sa larangan ng medisina ay ang mga bansang nasa hilagang bahagi ng mundo at ang Middle East— kung saan 85% ng mga Pilipinong nars ay nagtratrabaho sa ibang bansa (Khor, 2019). Ang “positibong” epekto ng pangingibang bansa ng mga OFW, tulad ng mga remittances, ay isang maskara sa totoong negatibong epekto ng napakalaking tiwala ng Pilipinas sa mga OFW para sa kaunlaran ng bansa. Sa laki ng ating GDP na nakasalalay sa mga OFW na nars, ay ang pagsalalay rin ng ating ekonomiya sa mga ekonomiya, manggagawang batas, at halaga ng palitan ng ibang bansa (Khor, 2019). Ibig sabihin, kung ang banyagang bansa ay magkaroon ng problemang pang-ekonomiya, walang katatagan ang Pilipinas laban dito at sobrang maapektuhan ang ating sariling ekonomiya. Karagdagan pa rito, kadalasan ay mas mababa pa sa pinag-aralan ng mga OFW na ito sa nakukuhang trabaho na nagiging dahilan sa dalawang kalalabasan: 1) nawawala ang mga kasanayang pinag-aralan, at 2) hindi nakakaabot ang nakababagong teknolohiya at kaalaman sa Pilipinas na nagdudulot sa kabagalan sa pag-unlad nito (Khor, 2019). Subalit mas mataas pa rin ang mga sahod na ito ng mga banyagang bansa kumpara sa Pilipinas, kaya’t wala na ring katiyakan ang pagbalik ng mga nars na OFW sa Pilipinas, lalo na sa oras na mas lalo pang tumanggap ang ibang bansa ng mga dayuhang imigrante (Khor, 2019). Ang kakulangan sa mga dalubhasang nars sa bansa ay nagdulot sa pangangailangan sa pagbibigay ng pagsasanay sa mga nagtratrabaho sa mga ospital (Lorenzo et al., 2007). Ito ay nagiging dahilan sa mababang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa at ng pagtaas ng halaga sa iba’t ibang serbisyong pangkalusugan dahil sa pagsasagawa ng mas marami pag-aaral at pagsasanay para sa mga nagtratrabaho sa sektor ng kalusugan (Lorenzo et al., 2007).
Prinsipyo ng Makroekonomiya
Masusuri natin ang mga positibo at negatibong epekto ng pagtaas ng sahod ng mga nars sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang prinsipyo ng makroekonomiya na kailangang pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan upang hindi sila mag-mungkahi pa ng mga programa at polisiyang mga panandaliang solusyon lamang sa mga malalaking problema ng ating bansa. Ayon sa librong Principles of Economics, ang kaunlaran ng paglago ng ekonomiya ng isang bansa ang pinapakita ng Gross Domestic Product (GDP) ng nasabing bansa (Frank et. al., 2021). Ito’y naaapektuhan ng iba’t ibang aspekto, at isa na roon ang trabaho ng mga mamamayan. Ito’y pinapakita ng prinsipyong ekwasyon na:
GDP ng bawat mamamayan = Average Labor Productivity x Bahagi ng Populasyong may Trabaho.
Tayo’y magbibigay pokus sa average labor productivity sa prinsipyong ito na nangangahulugang produkto o serbisyong naisasagawa ng isang manggagawa. Kasama ng bahagi ng populasyong may trabaho, ay nakukuha ang Gross Domestic Product na nagbibigay ng ideya kung gaano kaunlad ang isang bansa (Frank et. al., 2021). Ang ekwasyong ito ay nagsasabi na ang isang tao ay maaari lamang gumamit ng mas maraming produkto at serbisyo kung ang bawat manggagawa ay gagawa ng higit pa sa karaniwan (Frank et. al., 2021). Mula rito, napagtanto natin na ang pagpapabuti ng average labor productivity at pagtaas ng human capital ng bansa ay makatutulong sa pag-unlad ng ating ekonomiya (Frank et. al., 2021). Ang prinsipyong ito tungkol sa kahalagahan ng pagtaas ng human capital sa loob ng bansa ay nagpapatunay sa kahalagahan ng pagbabawas ng bilang ng rehistradong nars na nagiging OFW sa ibang bansa upang mapanatili ang human capital sa sektor ng kalusugan. Ang pagpapanatili o pagtataas ng human capital sa bansa ang magdudulot sa pag-uunlad ng ekonomiya ng ating bansa.
Larawan mula sa: https://www.icscareergps.com/blog/latest-education-and-career-buzz/careers-in-economics/
Ang isang aspekto ng ating lipunan na nakakaapekto sa produktibidad ng manggagawa ay ang human capital na nangangahulugang mga manggagawang may kasanayan at kwalipikasyong magtrabaho nang may kahusayan. Ang prinsipyong ito ay nakita sa kasaysayan ng Alemanya sa panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig. Sa mga panahong ito ay mababa ang ekonomiya ng mundo dahil kakagaling lamang sa isang digmaang pandaigdig na nagpatigil sa maraming mga operasyong pang-ekonomiya. Nakabangon ang Alemanya mula sa kahirapang ito dahil sa malaking populasyon ng Alemanya na nagtapos ng pag-aaral at kwalipikado sa iba’t ibang larangang propesyonal. Marami sa taong kapital na mayroon ang Alemanya ay kwalipikado sa industryal na sektor na naging daan sa pag-unlad ng kanilang ekonomiya (Frank et. al., 2021). Ang prinsipyong ito ay maaaring gamitin sa medikal na sektor ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Sapagkat ang mas mataas na bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas ay nagdudulot ng pag-unlad ng isang sektor— ito ay isang solusyon sa kahirapan ng ating bansa sa nasabing sektor. Ang kahalagahan ng sektor ng kalusugan ay naipakita ng pandemya noong nakaraang mga taon nang makulangan ang bansa sa manggagawang nars na makakatulong sana sa lipunan.
Ang pangunahing udyok kung bakit mas pinipiling magtrabaho na lamang ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa naman ay ipinapaliwanag din ng prinsipyo ng ekonomiya. Ayon sa pag-aaral sa makroekonomiya, ang kagustuhan ng mga manggagawa na magbigay ng kanilang mga serbisyo sa iba’t ibang sektor ay ang suweldo na binibigay ng mga pinapasukan nilang trabaho (Frank et. al., 2021). Ito’y nagpapatunay sa tesis ng papel na ito kung saan ang pagtaas ng suweldo ng mga nars ay makatutulong sa pagtaas ng produktibidad ng sektor ng kalusugan at magdudulot naman ng pag-unlad at pagpapabuti ng ating ekonomiya.
Positibong Epekto Sa Ekonomiya ng Pagtaas Ng Sahod ng mga Nars
Ayon sa isang pag-aaral, sa bilang ng mga rehistradong nars sa Pilipinas, 58% lamang sa numerong iyon ang nagtratrabaho sa nasabing propesyon sa loob man ng bansa o sa dayuhang mga bansa. Ang natitirang bahagi ng bilang na ito ay hindi nagtratrabaho bilang isang nars (Lorenzo et al., 2007). Sa pag-alis ng napakaraming nars papuntang ibang bansa, kahit ang mga natitirang mga Pilipinong nars sa bansa ay hindi ipinagpapatuloy ang propesyong kanilang pinag-aralan. Ito ay nagdulot sa iniulat ng Philippine Hospital Association na sa nakaraang dalawang taon noong 2005 na halos dalawaang daang ospital na ang nagsara at walong daang ospital naman ang bahagyang nagsara dahil sa pagiibang-bayan ng mga rehistradong nars sa bansa (PHA, Nobyembre 2005). Sapagkat hindi makapagpapatuloy ng operasyon ang isang ospital kung wala ang mga manggagawang tumatakbo nito.
Larawan mula sa: https://onlinepostgrad.com/blog/how-to-get-cpd-points-for-nurses/
Larawan mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/1171153/emergency-case-crowded-pgh-counting-on-p500-m-renovation
Una, sa suliranin ng mga OFW na mas ninanais ang pagtratrabaho sa ibang bansa na lamang. Naghihirap ang mga manggagawang may trabaho sa sektor ng kalusugan dahil sa masamang kondisyon ng pagtratrabaho sa mga ospital at klinik, mababang sahod, at kakulangan sa health insurance, na nagiging dahilan para sa iba na mandayuhan na lamang. Ang pangunahing dahilan nito ay ang mababang sahod ng mga nars sa bansa, kaya’t iniisip nalang nila na lumayo na lamang upang mabuhay ang kanilang mga pamilya (Lorenzo et al., 2007). Ikalawa naman ay sa 58% ng mga natitirang nars sa Pilipinas na mas tinatangkilik ang ibang mga propesyon. Sa pagsasagawa ng mga focus groups ng isang pag-aaral, kanilang napagpasyahan mula sa mga nars na ang dahilan sa kanilang paglilipat ng propesyon ay ang mababang sahod sa Pilipinas, kawalan ng pag-asa sa rupok ng pamahalaan, hindi magandang kondisyon sa trabaho, at korupsyon sa bansa (Galvez-Tan, Fernando, and Virginia 2004). Itong mga dahilan na ito ay parehas rin sa dahilan ng pangingibang bansa.
Kung itataas ng pamahalaan ang sahod ng mga nars sa mga pampublikong ospital sa bansa, mawawala ang isa sa mga pangunahing dahilan ng mga OFW na nangingibang bansa at iyon ay ang sahod ng mga nars sa Pilipinas. Karagdagan pa rito, ang pagbibigay ng pamahalaan ng mas mabubuting mga benepisyo at proteksyon sa mga nars ay maipabubuti ang kondisyon ng kanilang pagtratrabaho sa bansa, at maipapakita rin sa mga nars na inaaksyunan na ng gobyerno ang kanilang problema at mahihikayat silang manatili sa propesyon sa loob ng ating bansa. Mahalagang malaman ng mga nars na ang kanilang sitwasyon ay iniisip at nais baguhin ng pamahalaan upang hindi sila mawalan ng tiwala rito at manatili sa bayang minamahal upang makatulong sa naghihirap nitong sektor ng medisina. Ito’y magdudulot ng pagtaas ng bilang ng mga nars sa bansa at dahil dito ay ang pag-unlad sa sektor na pangkalusugan. Bawat taon, tumataas ang kahinatnan ng pagkakaroon ng mababang kalidad ng pangangalagang pangkalusugan ng ating bansa. Nasa 15% sa global real GDP ang nawawala mula sa napapaagang kamatayan at pagkawala ng produktibong potensyal sa populasyon ng edad na maaaring magtrabaho (Dorling et al., 2020). Kung ang isang bansa ay mayroong matandang populasyon, na konti na lamang ang mga may kakayahang magtrabaho, mas mahihirapan ang bansang iyon sa kinabukasan para sa kahusayan ng serbisyo at produktong naisasagawa ng bansa (Dorling et al., 2020). Ito’y maaaring maging panganib sa ekonomiya ng isang bansa (Dorling et al., 2020). Ipinapakita ng problemang ito ang dalawang benepisyo sa ekonomiya nang umunlad ang sektor ng kalusugan. Una, mababawasan ang bilang ng mga taong namamatay ng maaga, kaya’t tataas rin ang populasyon ng manggagawang may kakayahang magtrabaho sa bayan (Dorling et al., 2020). Karagdagan pa rito, kung mas malusog at malakas ang mga tao, bababa ang bilang ng liban dulot ng sakit at hindi na hinahadlangan ang produktibong pagtratrabaho ng pag-aalaga sa sarili at sa pamilya dahil sa sakit (Dorling et al., 2020). Ikalawa, mababawasan ang bilang ng mga manggagawang magreretiro ng maaga dulot ng mahinang kalusugan (Dorling et al., 2020). Ito ay may kaugnayan muli sa prinsipyong pagtaas ng bilang ng mga manggagawa ay magdudulot ng kaunlaran ng ekonomiya dahil sa pagdami rin ng bilang ng produkto at serbisyong naisasagawa ng populasyong manggagawa (Dorling et al., 2020). Nakikita rito ang malaking korelasyon ng sektor ng kalusugan sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa. Gamit ang mga kaalamang ito, mapapabuti natin ang kalusugan ng populasyon ng Pilipinas at hindi ito magdudulot lamang ng katatagan laban sa iba’t ibang sakit sa kinabukasan, kundi pati na rin sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng milyon-milyong tao sa bansa dulot ng mabuting pangangalagang pangkalusugan at ekonomiya ng bansang kinabibilangan (Dorling et al., 2020).
Negatibong Epekto Sa Ekonomiya ng Pagtaas Ng Sahod ng mga Nars
Upang makita ang totoong kahalagahan ng pagtaas ng sahod ng mga nars sa Pilipinas, susuriin ng papel na ito ang posibleng negatibong epekto ng mga nars sa bansa at kung bakit mas nakalalamang pa rin ang mga positibong epekto nito sa ekonomiya ng ating bansa. Sa pag-aaral nina Jose Ramon G. Albert at Aubrey D. Tabuga mula sa IDS Research, kinikilala ang kahalagahan ng mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas, kung saan ang kanilang pagpapadala ng kuwalta ay 10% sa GDP ng bansa (Philippine Institute for Development Studies, 2024). Sa pagtaas ng sahod ng mga nars sa bansa na maaaring magdulot sa mas magandang sistemang pangkalusugan sa ating bansa, maaaring magdulot ito sa pagbaba ng GDP mula sa 10% na inaambag ng mga OFW. Ito’y maaari ring magdulot ng mas mataas na unemployment rate sapagkat dadami ang mga nars na nagtratrabaho sa Pilipinas na isang bansang may kakulangan sa pagbibigay ng trabaho sa mga manggagawang Pilipino— isa na rito ang mga nars (Lorenzo et al., 2007).
Larawan mula sa: https://www.vecteezy.com/vector-art/11230126-gross-domestic-product-or-gdp-check-economic-indicators-of-each-country-assessing-the-economy-of-global-quarterly-yearly-businessman-with-a-stethoscope-examining-the-world-economy
Subalit ipinapakita rin sa pag-aaral ng IDS Research na ito na ang 10% na bahagi ng GDP na ito ay mahina lamang sapagkat hindi sapat sa suporta sa sistematikong kaalaman sa pananalapi ang mga kabataang OFW na gustong magretiro ng maaga (Philippine Institute for Development Studies, 2024). Ang mga OFW na ito ay kadalasang nagreretiro ng maaga sa dalawang kadahilanan: 1) nais nilang bumalik ng Pilipinas at magretiro sa murang edad, o 2) maganda ang mga programa sa pagreretiro ng bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Kahit anoman sa dalawa ay nagpapatunay sa mahina at mahirap na mapanatilihing 10% na ito mula sa mga OFW. Ang kahinaang ito ay nagpapatunay sa lalo pang kahalagahan ng pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa loob ng Pilipinas upang payamanin ang domestikong pag-unlad ng lokal na kakayahan ng mga mamamayan. Mahalaga rin ang pagbibigay ng sistemang pansuporta sa mga OFW at kanilang mga pamilya upang mabawasan ang negatibong epekto ng pangingibang bansa ng kanilang mga mahal sa buhay (Philippine Institute for Development Studies, 2024). Sa posibleng negatibong epekto naman ng pagtaas ng mga unemployment rate sa bansa, napatunayan na ng administrasyong Ferdinand Marcos Sr. na hindi epektibo ang solusyon ng pangingibang-bansa ng maraming Pilipino sa mataas na unemployment rate ng bansa sapagkat hanggang ngayon ay marami paring mga Pilipino ang walang trabaho, limampung taon na ang nakalilipas (Maca, 2018). Ang problema sa unemployment rates ay kailangang solusyonan sa ibang pamamaraan tulad ng pag-iiwas sa pagsasara ng maraming ospital sa bansa, pagsasaayos sa mga sektor ng edukasyon at manggagawa, at iba pang mga programa at polisiyang kailangang pag-aralan ng pamahalaan upang masolusyonan ang problemang ito ng pangmatagalan at hindi pansamantala lamang.
Konklusyon
Sa pagsusuri ng positibo at negatibong epekto ng pagtaas ng sahod ng mga nars sa bansa, nakikita natin na ang mga positibong epekto ang nagwawagi sa ating realidad. Sapagkat ang mga positibong epekto na pagbabawas ng bilang ng mga OFW na lumalabas ng bansa dulot ng pagresolba sa kanilang pangunahing dahilan na mababang sahod, pag-iiwas sa pagsasara ng mga ospital sa bansa, at ang pag-unlad ng sektor ng kalusugan na magdudulot ng mas produktibong pagtratrabaho ng mga nars sa bansa, ay ikabubuti ng Pilipinas sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang mga negatibong epekto naman nito sa pagbaba ng mga remittances ng mga OFW ay napatunayan nang hindi matatag na pinangagalingan ng GDP. Ang posibleng pagtaas ng unemployment rates naman ay hindi masosolusyonan ng paghikayat ng mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa na napatunayan ng programa noong panahon ng Martial Law na “Philippine Labor Export Program.”
Ang gobyerno ang nagbibigay ng pinakamaraming trabaho para sa mga nars na nasa halos 16,000 na trabaho ang kanilang naibibigay sa mga rehistradong nars sa bansa (Lorenzo et al., 2007). Kaya’t kung ang gobyerno ay magtataas ng suweldo ng mga nars upang maiwasan ang pagkaubos ng mga kwalipikadong nars sa bansa, susunod din ang mga pribadong ospital sa pagtataas ng sahod upang mapanatili ang kanilang mga manggagawang nars sa kanilang mga korporasyon. Ito ang nagbibigay patunay na ang kailangang magsimula ng pagbabago sa lipunang ating ginagalawan ay walang iba kundi ang ating pamahalaan na namamahala sa Perlas ng Silangan. Sapagkat ang pagtaas ng sahod ng mga nars, ay dudulot sa pagbaba ng pagtangkilik ng mga rehistradong nars na mangibang-bansa na magbibigay oportunidad sa Pilipinas na itaas ang human capital sa sektor ng kalusugan. Kasabay ng pagtaas ng human capital sa sektor na ito ay ang pag-unlad ng sektor ng kalusugan ng ating bansa. Lahat ng benepisyong ito ay makakamit lamang kung gumalaw ang pamahalaan patungo sa pag-unlad ng sektor na ito, at ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa pangkalahatan, ang papel na ito ay sinusuportahan din ng ibang mga hakbang na naisagawa na ng Pilipinas sa kasalukuyan. Ang Commission on Human Rights (CHR) ay sumusuporta sa pagpasa ng Panukalang Batas Blg. 2694 ni Senador Raffy T. Tulfo na nagnanais na itaas ang suweldo ng mga Pilipinong nars (Commission on Human Rights, 2024). Ang pinapasang batas na ito ay nais itaas ang pinakamababang suweldo ng mga nars ayon sa Republic Act Blg. 9173 o ang “Philippine Nursing Act ng 2002” (Commission on Human Rights, 2024). Ayon sa Konstitusyon noong 1987 naman, may responsibilidad ang bansa na protektahan ang mga karapatang manggagawa at isulong ang pantay na oportunidad sa trabaho (Commission on Human Rights, 2024). Kinikilala ng Komisyon ang responsibilidad na ito at ang pangangailangan sa pagpapatupad ng mga polisiyang magbibigay oportunidad na pang-ekonomiya sa mga Pilipinong nars at ang pantay na pagtrato sa kanila (Commission on Human Rights, 2024). Ikinalulugod rin ng Komisyon ang iba’t ibang hakbang na makatutulong sa pangangailangan ng mga Pilipinong nars para sa mas mataas na suweldo (Commission on Human Rights, 2024). Ang pagtaas ng suweldo na ito ay isang maliit ng bagay lamang sa laki ng sakripisyong binibigay ng mga nars na serbisyo sa bansa (Commission on Human Rights, 2024). Pinapakita ng mga ipinapasang mga hakbang na ito ang suporta ng Commision on Human Rights sa pagtaas ng suweldo ng mga nars (Commission on Human Rights, 2024). Ang suporta nila ay nagbibigay patunay sa lakas ng pangangailangan at kahalagahan ng pagtaas ng suweldo ng mga nars sa Pilipinas, gamit ang mga pruwebang naipakita sa mga argumentong kalakip ng saliksik na ito, lalo na sa mabuting epekto ng aksyon na ito sa ekonomiya ng ating bansa. Sa pagtaas ng human capital sa sektor ng kalusugan ay ang pag-unlad rin ng sektor na ito na napatunayan ang korelasyon ng kaunlaran ng sektor ng kalusugan sa pangkalahatang ekonomiya ng bansa.
Ang pamahalaan ay ang pag-asa ng bayan. Ngunit sila rin mismo ang humihila sa bansa pababa kung ito’y pinamumunuan ng mga kontrabidang inuuna ang sariling kapakanan kaysa sa bayang minamahal. Ang saliksik na ito ay isang pananawagan sa isang suliranin sa ating lipunan na kinakailangan ng aksyon ng gobyerno. Nawa’y ito ay masusuri at maikokonsidera sapagkat dumarating na ang panahon na kailangan nang itigil ang labis na pag-asa ng ekonomiya ng Pilipinas sa mga OFW— partikular na ang mga nars. Hindi dapat hayaan ng pamahalaan na kailanganin ng bansa na magkaroon ng bayaning liligtas sa kanilang mga kakulangan. Hindi dapat ibigay ang mabigat na karga ng kinabukasan ng bansa sa mga OFW at nars, kundi umaksyon na dapat ang pamahalaan tungo sa isang maunlad na Pilipinas— sa isang Pilipinas na makatatayo ng mag-isa nang walang tungkod, kapa, at hindi nakasalalay sa mga biyaheng eroplano patungo sa sariling kinabukasan.
Larawan mula sa: https://migranteinternational.org/4-decades-of-ph-labor-export-is-enough-peace-talks-should-address-root-causes-of-forced-migration-bankruptcy-of-labor-export-policy-migrante/
Mga Sanggunian
(2016, December 16). 4 decades of PH labor export is enough! Peace talks should address root causes of forced migration, bankruptcy of labor export policy – Migrante [Review of 4 decades of PH labor export is enough! Peace talks should address root causes of forced migration, bankruptcy of labor export policy – Migrante]. Migrante International . https://migranteinternational.org/4-decades-of-ph-labor-export-is-enough-peace-talks-should-address-root-causes-of-forced-migration-bankruptcy-of-labor-export-policy-migrante/
admin. (2022, September 20). Careers in Economics - ICS Career GPS. Institute for Career Studies. https://www.icscareergps.com/blog/latest-education-and-career-buzz/careers-in-economics/
admin. (2023, September 15). AMA Online Post Graduate Online. AMA Post Grad. https://onlinepostgrad.com/blog/how-to-get-cpd-points-for-nurses/
Beyond remittances: PIDS study calls for holistic policymaking for OFWs. PIDS. (n.d.). https://www.pids.gov.ph/details/news/press-releases/beyond-remittances-pids-study-calls-for-holistic-policymaking-for-ofws#:~:text=’%E2%80%9D%20by%20PIDS%20Research%20Fellows%20Jose,nearly%2010%20percent%20of%20GDP.
Dash, P., Dorling, G., Linzer, K., Ramdorai, A., Remes, J., Rutter, Dr. K.-A., & Singhal, S. (2020, July 8). How prioritizing health could help rebuild economies. McKinsey & Company. https://www.mckinsey.com/industries/healthcare/our-insights/how-prioritizing-health-could-help-rebuild-economies
Frank, R., Bernanke, B., Antonovics, K., & Heffetz, O. (2021). Principles of Economics. McGraw-Hill.
Hospital Management Asia. (2024, March 27). Tackling the “nursing exodus” in the Philippines. HMA. https://www.hospitalmanagementasia.com/talent-skills/tackling-the-nursing-exodus-in-the-philippines/
Khor, Swee Kheng (2019). Southeast Asia’s big export to the world: health professionals | Think Global Health. (2019, December 11). Council on Foreign Relations. https://www.thinkglobalhealth.org/article/southeast-asias-big-export-world-health-professionals
Lorenzo, F. M. E., Galvez‐Tan, J., Icamina, K., & Javier, L. (2007). Nurse Migration from a Source Country Perspective: Philippine Country Case Study. Health Services Research, 42(3p2), 1406–1418. https://doi.org/10.1111/j.1475-6773.2007.00716.x
Maca, M. (2018). Education in the “New Society” and the Philippine Labour Export Policy (1972-1986). Journal of International and Comparative Education, 7(1), 1–16. https://doi.org/10.14425/jice.2018.7.1.1
Man, Y. (2024). Gross domestic product or GDP. Check economic indicators of each country. Assessing the economy of global, quarterly, yearly. Businessman with a stethoscope examining the world economy. Vecteezy. https://www.vecteezy.com/vector-art/11230126-gross-domestic-product-or-gdp-check-economic-indicators-of-each-country-assessing-the-economy-of-global-quarterly-yearly-businessman-with-a-stethoscope-examining-the-world-economy
Mark Angelo Ching. (2018, April 30). 5 OFWs Talk About Homesickness And Being Filipino While Working Abroad. BuzzFeed. https://www.buzzfeed.com/markching/interviews-with-overseas-filipino-workers
Ramos, J. Y., Mariejo S. (2019, September 30). Emergency case: Crowded PGH counting on P500-M renovation. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1171153/emergency-case-crowded-pgh-counting-on-p500-m-renovation
Romero, P. L. A. (2023, July 10). Marcos on nurse exodus: We’re victims of our success. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2023/07/11/2280174/marcos-nurse-exodus-were-victims-our-success
Statement of the Commission on Human Rights welcoming the proposed pay increase for Filipino nurses – commission on human rights, Philippines. (2024, August 8). https://chr.gov.ph/statement-of-the-commission-on-human-rights-welcoming-the-proposed-pay-increase-for-filipino-nurses/