Si Nanay Karen ay isang mapagmahal na ina sa dalawang anak. Bagama’t hindi madalas makadalaw sa kanyang sakahan, patuloy niyang naipapasa ang yaman ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga lutong-bahay. Kabilang sa kanyang mga espesyalidad ang mga Kakanin, at iba pang tradisyunal na matamis na pagkain tulad ng Ube Halaya. Bawat produkto niya ay puno ng pagmamahal at lasa ng tahanan.
Nang minsan humiling ang asawa ni Nanay Karen ng ube halaya, agad siyang nagdasal na sana’y maging masarp ang kalalabasan nito. Sa awa ng Diyos, nagustuhan ito ng kanyang asawa at ng kanyang mga anak. Dahil sa dami ng natuwa, nagsimula siyang magluto at magbenta ng iba’t iba pang mga kakanin tulad ng Puto, Maja, Leche Flan, Halayang Cassava, at Peanut Butter. Ngayon, bilang isang housewife, may maliit na negosyo na siya sa kanilang tahanan. Gamit ang kanyang mga organic products kasama ng kanyang patuloy na pagmamahal, at panalangin, patuloy niyang pinapasarap ang bawat lutong gawa.
Gawa sa totoong ube, pinakuluan, dinurog, at niluto sa gatas, asukal, at kaunting mantikilya. Ito’y niluluto sa mahinang apoy at hinahalo nang paulit-ulit hanggang sa maging makinis at makintab. Tamang-tama ang tamis at lambot sa bawat subo.
Malambot, maputi, at malasa. Ang puto ay giniling na bigas na pinasingaw hanggang sa ito’y lumambot. Perpekto bilang agahan o meryenda, maaari rin itong isawsaw sa kape o kainin kasabay ng pansit o dinuguan.
Masarap at malambot na panghimagas na may halong mais na nagbibigay ng dagdag na tamis. Pinapalamig muna bago ihain, at kadalasang paboritong handa sa mga pista o okasyon.
Gawa sa sariwang itlog at gatas na niluto sa asukal, ito ay niluluto hanggang sa ito’y kuminis at lumambot. Binibigyan din ng caramel sa ibabaw ang leche flan ng dagdag tamis at kulay na siguradong matutunaw sa ating mga bibig.
Gamit ang cassava, gata, at asukal, ang halayang cassava ay niluluto hanggang sa maging malagkit. May toppings din ito sa ibabaw para sa dagdag na texture at aroma.
Gawa sa tustadong mani na giniling hanggang maging pino na hinaluan ng kaunting asukal at asin. Ang peanut butter na ito ay perfect sa pandesal kasama ng mainit na kape.