Si Kuya Charles (Charlie R. Reobilo) ay isang magsasaka mula sa Sitio Kapatagan, Antipolo. Tulad ng kanyang ama, una niyang tinahak ang landas ng pagpapanday. Subalit noong 2018, tuluyan na siyang nagtuon sa pagsasaka, kung saan ginamit niya ang mga lumang materyales upang unti-unting buuin ang Reobilo Farm mula sa simula.
May sukat na 3,000 square meters ang Reobilo Farm na nakatuon sa organikong pagsasaka. Ang sakahan ay may iba't ibang namumungang puno tulad ng mangga at abokado, pati na rin ang mahahalagang gulay gaya ng talong at sitaw—ang pangunahing produkto niya. Bukod sa pagtatanim, nag-aalaga rin siya ng mga katutubong baboy na ibinebenta bilang buhay na hayop o bilang litson.
Sinimulan ni Kuya Charles ang kanyang paglalakbay sa organikong pagsasaka noong 2022, na hinimok ng kanyang hangaring bigyang-priyoridad ang kalusugan at sustainability.
"Kailangan natin sa panahon ngayon—para sa health," aniya, itinutuon ang kahalagahan ng organikong pagsasaka hindi lamang para sa sarili kundi para sa kabuuang kapakanan ng komunidad. Naniniwala siya na ang organikong pagsasaka ay may benepisyo hindi lamang sa mga magsasaka at mamimili kundi pati na rin sa kanyang mga kapitbahay, kapwa magsasaka, at sa susunod na henerasyon. Bagama’t mas mababa ang kita kumpara sa tradisyunal na pagsasaka, nakikita niya ang halaga sa pangmatagalang epekto ng malinis at responsableng pamamaraan ng pagsasaka.
Aktibong miyembro si Kuya Charles ng MARIWSKA, kung saan dumaan siya sa pagsasanay at sertipikasyon sa ilalim ng Participatory Guarantee System (PGS). Bukod dito, siya rin ang presidente ng Kapatagan Family Farmers Association (KFFA), kung saan isinusulong niya ang organikong pagsasaka at hinihikayat ang kanyang mga kapwa miyembro na lumipat sa mas likas na paraan ng pagsasaka. Sa kasalukuyan, siya ay nasa proseso ng pagkuha ng TESDA NC II certification sa organikong pagsasaka, na higit pang nagpapatibay sa kanyang pangako sa sustainability at pag-unlad ng lokal na agrikultura. Rehistrado rin siyang magsasaka sa Department of Agriculture (DA), Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), at Philippine Coconut Authority (PCA).
Narito ang ilan sa mga pananim na maaaring makita sa sakahan ni Kuya Charles:
Sitaw (Pangunahing Tanim)
Alugbati
Mais
Dragon Fruit
Okra
Sili
Talong
Strawberry
Bukod sa mga gulay at prutas, si Kuya Charles ay nagluluto at nagbebenta rin ng litson.
ni Kuya Charles
Magtipon ng mga tuyong dahon, natirang balat ng gulay, at mga sariwang tinabas na damo mula sa paligid ng iyong hardin.
Paghaluin ang lahat ng ito nang mabuti, pagkatapos ay ilagay ang halo sa ilalim ng iyong mga taniman. Hayaan na ang kalikasan ang magtrabaho. Habang nabubulok ang mga materyales, ibabalik nila ang mga sustansya sa lupa—hindi na kailangan ng sintetikong pataba.
Bago at pagkatapos magtanim, maaari mong dagdagan pa ang sustansya ng lupa gamit ang mga organikong pataba tulad ng: Trichoderma, wood vinegar, at molasses.
Gamitin ang likas na sangkap mula sa iyong sakahan upang makalikha ng mabisang pampalusog sa halaman:
FFJ (Fermented Fruit Juice) – Pinatuyong prutas na pampalusog
OHN (Oriental Herbal Nutrient) – Pampalusog mula sa halamang gamot
FPJ (Fermented Plant Juice) – Pinatuyong katas ng halaman
FAA (Fish Amino Acid) – Amino acid mula sa isda
IMO (Indigenous Microorganisms) – Likas na mikrobyo para sa lupa
Calcium Phosphate – Pinaghalong kalsyum at posporo para sa mas matibay na halaman
Kapag ang lupa ay handa at puno ng sustansya, maaari mo nang simulan ang pagtatanim ng iyong mga binhi.
As the song goes.. Where do broken hearts harvested crops go?
Mula bukid, tungo sa hapag.
Mula bukid, tungo sa kapitbahay.
Mula bukid, tungo sa palengke.
Pero higit sa lahat—mula bukid, tungo sa pusong busog.
Ganito ilalarawan ni Kuya Charles kung saan napupunta ang kanilang mga ani. Una sa lahat, “from farm to table.” Para sa kanilang pamilya ang kanilang inaani. Pangunahin naman kasi nilang pakay sa organic farming ay makatiyak na masusutansyang pagkain lamang ang ihahain nila sa hapag.
Kapag may sobra, benebenta nila ito sa kanilang mga kapitbahay, kagrupo, at kaibigan sa pamamagitan ng kanilang group chat. Ika nga niya, “from farm to kapitbahay.” Dito nila sasabihin sa kanilang mga ka-miyembro kung ano ang kanilang aanihin, kung saan tutugunan naman ng mga interesadong mamimil ng kung ilang kilo ang gusto nilang bilhin. Ang maganda rito ay hindi lumalampas sa presyo sa palengke ang kanilang ani. Sa totoo lang, karaniwang mas mura pa nga ito, dahil pawang kapamilya rin naman ang turing nila sa kanilang mga mamimili—gusto nilang siguraduhing kaya nilang makakain ng organiko.
Kapag may malaking sobra, doon lamang nila ito dinadala sa palengke; “from farm to market.” Pero ayon kay Kuya Charles, bihira itong mangyari dahil halos maubos na ang kanilang ani sa kanilang grupo pa lamang. Hindi rin naman sila makaani nang sobrang dami dahil, sa dami ng gawain sa bukid, siya at ang kanyang asawang si Ate Jane lamang ang gumagawa ng lahat.
Sa huli, napupunta ang kanilang ani kung saan ito higit na kailangan. Pinapakain nito ang kanilang pamilya, ang kanilang pinalawak na pamilya sa katauhan ng kanilang mga ka-miyembro, at ang mas pinalawak pa na komunidad na kanilang kinabibilangan. Naghahain sila ng organikong pagkain, one table at a time.
Na-inspire ka ba sa kwento ni Kuya Charles?
Gusto mo bang matuto pa ukol sa organic farming?
Interesado ka bang pakyawin ang organiko nilang talong at sitaw?
📞 Kausapin si Kuya Charles sa 0908-603-6271
📍 Bisitain ang Reobilo Farm sa Reobilos Area, Sitio Kapatagan, Brgy. San Jose, Antipolo
📱 Hanapin ang Kapatagan Family Farmers Association FB Page
📧 Mag-email sa kapataganfamilyfarmersassn@gmail.com