Saysay ng Kasaysayan

Khimberly C. Aragon

Bernardo College


Majoha, Jay Rizal, Ninoy Aquino, mga salitang ibinulaslas na di mawari kung tama ba ang ipinahayag. Sistema nga ba ng edukasyon ang nagkulang? O isinantabi na ang kasaysayan? Paulit-ulit din na itinatanong, “Bakit pa tayo bumabalik sa nakaraan?” “Bakit hindi nalang tayo mabuhay sa kasalukuyan?”


Nakakapanimdim isipin na nagtila alabok ang nakaraan. Nakalimutan at nilisan na ng modernisasyong tinangkilik ng karamihan. Ngunit, pakakatandaan na ang alabok ang pupuwing sa daang taong piniling magbulag-bulagan sa kasaysayan.


Ang kasaysayan ay talaan ng magkakasunod na mga pangyayari na daan-daang taon na ang nakakaraan. Nilalaman nito ang mga impormasyong batay sa katotohanan na lubusang inimbestigahan, siniyasat, at bineripika ng mga propesyonal. Ayon nga kay Herodotus, isang historyador na griyego, kasaysayan ang humuhubog at gumagabay sa sangkatauhan. Binuo ito upang hindi kumupas sa ating mga isipan ang kagitingan, katapangan, at kahusayan ng mga taong naging parte ng nakaraan upang mapagbuti ang kasalukuyan. Kaya hindi lubos na maintindihan, kung bakit iniiwasan ng ibang kabataan ang pag-aaral ng kasaysayan.


Ang kahalagahan ng kasaysayan ay maihahalintulad sa ating pagkakakilanlan. Pagkakakilanlan na binuo at tinuklas ng ating mga ninuno, mula pa noong unang panahon, na tinatamasa hanggang sa kasalukuyan. Kung wala ang kasaysayan, tayo’t tila isang dahon, sabay sa agos ng mundo ngunit hindi kilala ang pagkatao. Ito ang nagsisilbing tulay na naguugnay sa nakaraan hanggang sa kasalukuyan. Hinuhubog ng kasaysayan ang ating bayan na nagbibigay ng diwa sa ating pagkamamamayan.


Sa tuwing nababanggit ang salitang kasaysayan, hinding-hindi nawawala ang salitang digmaan na tila nakakabit na rito. Ang mga pananakop, pag-aalsa, kamatayan, at pagdurusa ang laging naalala at tila tumatak na sa isipan ng mga Pilipino. Ngunit hindi ito ang nais ipahatid sa atin ng pag-aaral ng kasaysayan. Nag-aaral tayo ng kasaysayan patungkol sa digmaan upang matutunan at malaman ang mga pangyayaring magbubukas sa ating mga puso at isipan. Mga pangyayaring may dala-dalang aral at leksyon na gagabay sa atin upang mas maging maingat tayo sa mga ginagawang hakbang sa kasalukuyan na maaring makaapekto sa hinaharap.


Bilang isang mag-aaral, hindi kailanman magiging hadlang ang ating katayuan upang maprotektahan ang ating lipunan. Ang kaalaman sa kasaysayan ang ating gamiting sandata o kasangkapan upang lubos na mawatasan ang kasalukuyan at hinaharap. Hindi nakipaglaban ng dugo at pawis ang ating mga bayani upang ibalik at ulitin ang karumal dumal na nakaraan. Sila’y nagbuwis ng buhay upang matamasa natin ang kasarinlan, kalayaan, at kapayapaan. Kaya bilang isang Pilipino ay pahalagahan natin ang mga kaalaman tungkol sa kasaysayan upang matutunan nating kumilos, bago pa maulit ang mga pagkakamaling nagawa sa nakaraan.


Gamit ang kasaysayan, lumalawak ang ating mga perspektibo at pananaw sa iba’t ibang bagay. Nabibigyan tayo ng pagkakataon na kilalanin ang iba’t ibang kultura, lahi, tradisyon, at paniniwala, na makakatulong upang ating lubos na maunawaan ang ating pinagmulan, pati narin ang pinagmulan ng mga isyu sa lipunan. Mga isyu na parte ng kasaysayan na nararapat tugunan ng sangkatauhan.


Isyung pang pulitika ang isa sa pinaka pinaguusapan ng mga tao sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaalaman na nakuha sa pag-aaral ng kasaysayan ay napakalaking tulong upang ang pamahalaan sa ating lipunan ay magkaroon ng karapat-dapat na mga lider. Nakatala sa kasaysayan ang mga talaan at kasulatan na nagsasaad ng mga bagay na patungkol sa mga kandidatong tumatakbo. Sa pamamagitan din ng kasaysayan ay nakikita at naanalisa ang mga talaan ng mga nakaraang politiko na nakakaapekto sa pagpili natin ng mga bagong tao na iluluklok sa puwesto. Ang mga talaan na ito ang dapat nating gawing instrumento upang buksan ang kaisipan ng mga mamamayan sa maling pamamalakad at mga dahilan ng hindi pag-unlad ng ating bansa. Hindi na dapat natin piliin ang mga kandidatong may bahid ng anomalya, walang kongkretong plano, at sangkot sa korapsyon.


Karamihan man sa atin ay hindi pa botante, pero tayo ay mga Pilipino. Kabataang Pilipinong nag-aasam ng magandang kinabukasan at lipunang ginagalawan. Magsilbi tayong boses na naglalahad ng mga impormasyong nakabase sa totoo at beripekadong talaan sa kasaysayan. Turuan at tulungan natin ang mga botante sa pagpili ng karapat-dapat na kandidato na naghahangad ng pag-unlad sa ating bansa. Hangad natin ay pagbabago, kaya marapat lamang na iluklok ang pinaka kwalipikadong kandidato.


Kabilang rin ang isyung pang ekonomiya sa naapektuhan ng pag-aaral ng kasaysayan. Itinatala sa kasaysayan ang mga estratehiya at dahilan ng pag-unlad ng iba’t ibang mga bansa. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon tayo ng mga ideya kung papaano natin mas mapapaunlad ang ating bansa. Ang pag-aaral din ng kasaysayan ang nakakatulong upang makabuo rin tayo ng mga makabagong tugon at solusyon sa mga isyung pang ekonomiya tulad ng kahirapan, implasyon, paggawa, migrasyon, at globalisasyon.


Nagsimula sa pagtuklas ng maliit na apoy at pagguhit sa mga dingding ng yungib. Dumaan sa napakaraming yugto ng pagbabago. Hanggang sa makabuo ng mga makabagong teknolohiya, transportasyon, literatura, at imprastraktura na tinatamasa ng bawat tao sa kasalukuyang panahon. Ito ang mga bagay na bunga ng pag-aaral sa kasaysayan. Dala-dala ng kasaysayan ang mga pag-aral ng mga historyador, siyantipiko, at mga mananaliksi mula sa sinaunang panahon, na naging daan upang mas mapagbuti ang mga bagay na ating tinatamasa sa makabagong panahon. Gamit ang mga kaalaman at impormasyon mula sa kasaysayan, nagkakaroon ng pundasyon ang mga bagong pag-aaral upang ito ay mas lalong pagyabungin at makabuo ng makabagong bagay.


Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kasaysayan ay nahuhubog din ang ating isipan upang maging lohikal, kritikal, at mapanuri sa mga impormasyong ating nakakalap. Upang malaman ang katotohanan ay sinisikap nating maging mapanuri sa paghahanap at pananaliksik ng mga impormasyong nakalap gamit ang mga datos at impormasyong sinikap na siyasatin ng mga historyador at manaliksik sa kasaysayan.


Sa kabilang dako, ang ating panahon ngayon ay napakabilis ng dumaloy ng mga impormasyong walang basehan at hindi makatotohanan. Ang mga impormasyong nakalap mula sa kasaysayan ay madaling napapalitan, nababaluktot, at nababago. Kahit simpleng pagkakamali sa petsa ng kaganapan ay nagdudulot na ng napakalaking kalituhan sa isipan ng bawat tao.


Kaya marapat lamang na ating suriin at saliksikin ang bawat impormasyong ating kinakalap. Gamitin ang mga impormasyon na may sapat at matibay na ebidensya. Ebidensya na hindi gawa-gawa lamang, bagkus ay dumaan sa mga proseso at pag-aaral. Maaari rin tayong gumamit ng iba’t ibang sanggunian upang maipagkumpara ang mga impormasyon na ating nakalap at masigurong ito ay tama. Ngunit, pagkakatandaan na ang mga sangguniang na ating kinukunan ng impormasyon ay dapat may kredibilidad at lubos na dalubhasa sa mga impormasyong kanilang ibinabahagi.


Ang mga pangyayaring tulad nito ay dapat magsilbing inspirasyon sa atin upang mas paigtingin at pagibayuhin ang ating pag-aaral sa kasaysayan. Hindi na tayo ang mga ‘indio’ o mga mangmang na itinuturing ng mga kastila noong unang panahon. Huwag na tayong magpaalipin sa mga palasak na kaalaman na ikinukubli sa mga huwad na katotohanan. Palayain natin ang ating mga sarili sa nakakasakal at nakabubulag na kasinungalingan. Gawin nating makabuluhan ang buhay na ipinagkaloob ng Maykapal. Inilalahad na sa atin na ang kumpletong talaan ng kasaysayan, pag-aralan natin ito at pahalagahan.


Sa pagtatapos ng sanaysay na ito, isang salawikain ang aking iiwan. “Ang hindi marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan ay di makakarating sa kanyang paroroonan.”, isang salawikain na mula kay Dr. Jose Rizal. Nagpapaalala sa ating lahat ng kahalagahan ng kasaysayan sa ating buhay. Hindi man tayo naging parte ng kasaysayan, ngunit tayo ay nabubuhay sa kasalukuyan na naghahangad ng matiwasay at maunlad na kinabukasan. Ang pagpapahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan ang magiging daan upang ang ating mga hangarin para sa sarili at bayan ay makamtan.


Talasanggunian:

- Jose Rizal University. (2004). Rizal's Famous Quotations. Jose Rizal [Rizal's famous quotations]. Retrieved April 29, 2022, from http://www.joserizal.ph/qt01.html

- Simpson, M. (1988). Herodotus and Modern History [Review of Herodotus: The History, by D. Grene]. The Sewanee Review, 96(2), 292–297. Retrieved April 29, 2022, from http://www.jstor.org/stable/27545895