Dimasalang
Remelyn T. Clave
Isabela National High School, Ilagan City
Es la historia de Filipinas verdaderamente inmortal, entonces, ahora y siempre?
Ilang daang taon na ang nakalilipas nang madiskubre ng isang manlalayag ang isang tahimik, payapa, at saganang Perlas ng Silanganan. Maraming taon na rin ang nagdaan magmula nang nagsimula ang kasaysayan at Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Sinakop, inangkin, at hinubaran ng mga naghari-hariang mga dayuhang manlulupig mula sa kanluran, maging sa silangan, ang sarili nitong kaakuhan. Palibhasa’y makapangyarihan ang mga ito kung kaya’t madaling lumaganap ang imperyalismo at malaki ang naging impluwensiya ng kanilang kolonyalismo. Marahil ay hindi na rin bilang sa daliri kung ilang ulit nang dumanas ng pagkalugmok ang mga mamamayan mula sa mga kamay ng mga nagdaang tagapamahala. Kalupitan, kahigpitan, o sadya nga bang para lamang sa ikauunlad ng bayan? Sino o ano ang dapat paniwalaan ng mga kabataan at ng mga susunod pang henerasyon, ang mga libro nga bang nakalimbag at sinasabing nakatago matagal na panahon na ang lumaon o ang mga nagpapatotoo ng salita ang siyang mas may katuwiran?
Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pag-usbong ng teknolohiya at ang pagdami ng bilang ng tao sa mundo, kabilang na ang ating bansa. Ayon sa istatistika, mahigit isandaang milyon ang bilang ng populasyon ng mga mamamayang Pilipino sa kasalukuyang taon. Tinatayang dalawampung milyon dito ay ang bilang ng mga kabataan at humigit kumulang walong milyon ay ang mga pumapasok sa eskwela. Mahalaga ang papel at gampanin ng mga kabataan hindi lamang sa lipunan kundi sa ikauunlad at pagpapanatili ng buhay ng kasaysayan. Sa kabilang banda, isa sa mga biktima ng mga hindi makatotohanan at hindi kapani-paniwalang kuwento ng nakaraan ay ang mga kabataan. Bagaman isang malaking bagay ang modernisasyon sa buhay ng bawat isa kung saan napadadali nito ang gawain ng tao at nakatutulong sa pagkasibilisa ng isang partikular na lugar, isa rin ito sa mga salik na nakaaapekto sa indibidwal na pag-unlad.
Maraming mga pagtatalo ang naglipana at masasaksihan sa social media at mapapansin ding karamihan sa mga nagdedebatehan ay mga kapwa kabataan na daig pa ang mga lisensyadong mamamahayag kung makapagsiwalat ng samu’t saring mga usapin at tinalo pa ang mga historyador kung makapagsalaysay ng mga pangyayari nang nakaraan—may iba’t ibang mga katayuan, mga argumento, opinyon, paniniwala, at kuru-kuro. Batay sa datos noong nakaraang taon, ang Facebook ang pinakapopular na social media platform sa Pilipinas at mayroong mahigit siyamnapung porsyento ng populasyon ang may access sa internet. Bukod pa sa Facebook, kabilang din ang Instagram, Twitter, at TikTok na nagsisilbing pinagkukunan ng mga balita, impormasyon, at usapin ngunit kung hindi magagamit sa wastong paraan ay hindi rin makabubuti.
Sa panahon ngayon, marami na ang mga mapanlinlang sa kung saan-saang mga dako, nagkalat ang kung anu-anong mga isyu at madali nang nagpapaniwala ang mga tao sa kung anu-anong nakikita at nababasa nila, maging ito man ay makatotohanan o hindi. Sa kadahilanang nalalapit na naman ang eleksyon, mainit-init ngayon ang mga usaping may kinalaman sa pangangampanya. Umaabot na sa pilitan at siraan ang ilan dahil lang sa magkabila at magkaibang panig. Hindi rin mawawala sa usapan ang kalagayan ng Pilipinas noong panahon ng Martial Law. Dito makikita na ginagamit ang social media sa pagpapalaganap ng iba’t ibang propaganda at fake news; kaakibat nito ay ang ilang pagbabago sa ating lipunan na marahil ay dahilan ng pagtaas o paglubog ng ekonomiya.
Nakaaalarma. Ito ang tamang termino upang ilarawan ang kalagayan ng ilang mga kabataan sa kasalukuyang panahon, lalong-lalo na ang kapasidad ng kani-kanilang mga kaalaman tungkol sa ating kasaysayan. Kamakailan lamang ay matatandaang nag-viral sa social media ang video clip ng mga kabataan mula sa isang reality show na sumasagot ng mga katanungang may kaugnayan sa kasaysayan ng ating bansa. Ilan sa mga halimbawang nabanggit ay ang palayaw ni Jose Rizal na sa halip na Pepe ay “J. Rizal” ang itinugon ng isa sa kanila. Dagdag pa rito ay ang isinagot pa ng isa na MaJoHa, kung saan ang tinutukoy ng tanong ay ang tatlong paring martyr o ang GomBurZa. Noong una’y tila nakatutuwa pa ang larong iyon ngunit sa kalagitnaan, mapapansin na hindi na nakaaaliw at hindi na tama ang ipinakikitang asal ng mga kabataan, katanggap-tanggap pa sana kung isa o dalawang hindi hustong sagot ang itinugon ng mga yaon. Nakapanghihinayang sapagkat tila mas kilala pa nila kung sino ang mga karakter sa sensasyunal na mga video at online games at kung paano namatay si May Parker sa Spider Man: No Way Home kaysa sa kung paano nangagsakripisyo at nangamatay sina Luna at Bonifacio para sa kalayaan ng Pilipinas. Hindi ba’t winika ni Rizal na ang mga kabataan ang siyang pag-asa ng bayan? Sino ang magpapatunay nito kung sa kabataan mismo ay nawawalan na ng pag-asa ang bayan?
Katunayang hindi maipagkakaila na ang makabagong teknolohiya sa larang ng bagong henerasyon ay nakaaapekto sa paglago ng ating wika, panitikan, kultura, tradisyon, kaugalian, paniniwala, at maging ng paraan ng ating pamumuhay. Higit sa lahat ay ang pagpapanatili sa anyo at pag-unlad pa ng ating kasaysayan.
Ayon sa isang pananaliksik, ang kasaysayan ay malaking bahagi sa bawat aspekto ng pamumuhay ng tao. Upang maunawaan natin ang mga nangyari sa nakaraan, mahalagang mapag-aralan natin ang kasaysayan, lalong-lalo na sa kasalukuyang panahon. Ang kasaysayan ay mayroong iba’t ibang kabanata sa ating lipunan na maaaring makapagbigay sa atin ng bagong kaalaman at makapagpapakilala ng bagong lipunan at ng iba pang kultura. Ang mga bagay na ito ay makapagpapatibay sa ating kasaysayan maaring sa kultural, larangan ng pulitika o sosyal na pagbabago man. Sa pamamagitan nito ay lumalawak din ang ating pang-unawa batay sa koneksyon ng nakaraan at ng kasalukuyan. Nakatutulong ito upang maliwanagan tayo at makapag-isip ng posibleng solusyon sa mga problema nang masabi nating handa tayo at walang pag-aalinlangan sa kung anumang hamon at suliranin ang maaaring dala ng kinabukasan.
Ang mga pangyayari sa nakaraan ay magkakadugtong at ang kulang o maling impormasyon ay maaring magdulot ng kalituhan na nagbubunga ng iba’t-ibang pananaw. Kung ating mamasdan ang kasalukuyang kasaysayan ng ating bansa, mahihinuha nating marami ang hindi nagkakasundo kung sino ang mga bayani o traydor sa kasaysayan dahil sa iba’t ibang pananaw at ebidensya na mayroon ngayon. Ito ay nagpapakita na mahirap makamit ang katotohanan ngunit mayroong paraan upang masuyod natin ang mga iba’t ibang kwento at patunay, ito ay ang pagsusuri ng kasaysayan. Sa ganitong sitwasyon ay makatutulong ito sa atin upang maunawaan ang pananaw ng iba na maaaring mag-ugat sa mas malalim pang komunikasyon at koneksyon.
Dagdag pa riyan, hindi lang sapat ang ating nababasa, napanunood o naririnig kundi magsaliksik, magtanong at sumangguni sa mga taong may malawak na kaalaman sa kasaysayan, maging mapanuri at makibahagi sa anumang talakayan at maging bukas ang ating isipan sa pakikipagtalastasan. Ang bukas na pakikipagtalastasan ay elemento ng demokrasya na isang paraan upang mapag-aralan at masuri ang kasalukuyan na magiging daan ng mga programa at batas na makatutulong at makapagtitibay sa ating lipunan. Ang pagkakaroon ng kurikulum sa edukasyon sa lahat ng antas na maituro itong muli upang hindi mawala sa ating kamalayan. Datapwat, hindi lamang dapat ito naiiwan sa apat na sulok ng silid-aralan.
Gayunpaman, maraming kaisipan ang baluktot at taliwas sa kung ano ang totoo, sa pag-aaral ng kasaysayan matutunan natin ang mga paghihirap ng ating mga bayani. Ani Kara David (2022), utang natin sa ating mga bayani ang ating kalayaan kaya’t marapat lamang na huwag nating sayangin ang kanilang mga alala. Ikuwento natin ito hanggang sa manatili sa ating puso’t isipan ang kanilang mga ipinaglaban at maging bahagi na ito ng ating pagkatao. Maaari itong magsilbing gabay sa atin na gumawa ng kabutihan o magturo na umiwas sa mga bagay na naglalantad sa kahinaan at kasamaan ng marami at upang hindi na muling ulitin ang mga maling nagawa noon.
Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa, ang boses ng bawat isa ay may magagawa para sa pagbabago ng ating lipunan. Bilang isang kabataan, magagamit natin ang makabagong teknolohiya upang maisiwalat ang katotohanan at makapagpatotoo sa kasaysayan. Tama na ang paniniwala sa mga sabi-sabi at ang pagkakalat ng kasinungalingang nakalalason ng utak. Upang matapos na ang istigma kung saan hindi na nabibigyang-pansin ang pag-aaral sa kasaysayan at upang mawaksi na ang pakikipagdigma sa palasak na pamamaluktot ng katotohanan, simulan natin ang makabagong kasaysayan dala ang kasaysayan noon at hayaan natin itong manalaytay sa ating mga diwa magpakailanman at masasabi nating…tunay ngang ang kasaysayan ng Pilipinas ay dimasalang, noon, ngayon at kailanman.
Talasanggunian
Montemayor, Maria Teresa (2021). Enrollment up 4% for SY 2021-2022: DepEd. https://www.pna.gov.ph/articles/1160156
World Population Review (2022). Philippine Population 2022.https://worldpopulationreview.com/countries/philippines-population
David, Kara (2022). Filipino Heroes and Their Pseudonyms. https://youtu.be/chbYvcT3QiQ
AraLipunan (2019). Ano ang kasaysayan at kahulugan nito. https://aralipunan.com/ano-ang-kasaysayan-2/