Kasaysayan: Salamin ng Ating Pagkakakilanlan

Jannuel A. Agudo

Emilio Jacinto National High School


Ang kasaysayan ay mahalaga sa ating pang araw-araw na pamumuhay, Bakit? Iyan ang malaking katanungan na tumatakbo sa aking kaisipan. Sabi nila, mas marami ang dapat isipin na problema kaysa sa ating nakaraan. Pero, bilang isang kabataan ito ay napakahalaga dahil ito ay may malaking parte sa ating pagkakakilanlan, sabi nga “Ang bansang walang kasaysayan ay para isang katawang walang kaluluwa”. Ang kasaysayan ay salamin ng ating nakaraan para unawain ang hinaharap na siyang susi sa kinabukasan. Aminin natin, karamihan sa mga kabataan ay walang interes sa ating kasaysayan at mas mabuti nga na kalimutan na lang daw ito dahil hindi naman ito maibabalik pa.


Noong mga nakaaraang linggo lamang, naging sikat at ginawang katatawanan ang mga naging sagot ng mga kabataan sa ilang mga tanong tungkol sa ating kasaysayan sa isang kilalang reality show. Ako ay lubhang nanlumo dahil ang mga ito ay madalas na tinatalakay sa aming paaralan pero naisip ko na kung sa mga ganitong simpleng mga kaalaman sa kasaysayan ay tila nalilimutan na, paano pa kaya ang mga mahahalagang aral na binigay nila na siyang humubog sa ating pagkakakilanlan. Kaya hinihimok ng grupo ng mga guro ang Kagawaran ng Edukasyon na ibalik ang Kasaysayan ng Pilipinas bilang isang asignatura sa sekondarya kasunod ng mga pangyayari naganap. Para sa Teachers’ Dignity Coalition, ang nakita sa nasabing reality show ay sumasalamin sa mababang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.


Para sa akin hindi lamang yun ang napapakita, sumasalamin din yun sa epekto ng hindi pagtuturo ng kasaysayan sa Junior at Senior High School. Dagdag ng grupo na ang Kasaysayan ng Pilipinas ay dapat na ibalik hindi lamang sa Junior High School kung hindi maging sa Senior High School. Dagdag pa rito, Hinimok din nila ang gobyerno, partikular ang Department of Education, na palakasin ang pag-aaral hindi lamang sa Kasaysayan ng Pilipinas kundi maging sa Kultura at Panitikan ng Pilipinas.


Lubos akong sumasang-ayon dito dahil bilang isang kabataan, napakahalagang malaman ang mga nangyayari sa ating nakaraan para lubusang maintindihan ang mga nangyayari sa kasalukuyan para hindi na ulitin ang mga pagkakamali sa hinaharap. Sa panahon na ito lumalaganap ang mga iba’t ibang kwento sa ating kasaysayan na tila ba may planong baguhin ang mga totoong naganap para sa sarili nilang interes. Sa katulad kong kabataan na nahuhumaling sa pagbabad sa social media tulad ng Facebook, Tiktok at Youtube, nakakalungkot lamang na ang ilan sa mga kabataan ngayon ay mas naniniwala pa sa mga ito kaysa sa mga guro namin na ilang taon na nagpapakadalubhasa sa pag-aaral at minsan mas nakakalungkot pa ay ilang sa aming mga guro ang naniniwala din sa mga lumalaganap na pekeng impormasyon at minsan ay itinuturo pa sa amin.



Ang nangyari lamang sa kilalang reality show ay sumasalamin sa totoong problema ng ating edukasyon. Pero sumasalamin din ito sa hindi pagpapahalaga ng mga kabataan sa ating napakayaman na kultura at kasaysayan ng ating bansa. Kaya ang pag-aaral sa ating kasaysayan ay kasing halaga din ng paglutas natin sa problema ng ating sikmura o problema sa ating pamahalaan. Ito ang nagpapa-alala sa atin kung paano pinaglaban ng ating mga bayani ang mga karapatan na natatamasa natin ngayon, kasaysayan din ang nagpapakita kung ano ang dapat ipagpatuloy sa kung anuman ang dapat nang kalimutan.



Napakahalaga po ang magsaliksik sa bawat kuwento ating naririnig o nababasa. Dapat din.maging mapanuri rin tayo sa mga ating mga binabasa at wag tayo mag bulag-bulagan lalo na sa panahon ngayon na marami ng kumakalat na pekeng impormasyon. Mayroon ding mga manunulat ng ating kasaysayan na dahil sa pilipat-lipat at paulit-ulit na pagsusulat, ito ay naiiba na ang kuwento. Nariyan yong makasulat lang sila para lang sa karangalan ng kanilang pangalan kahit mali na ang kanilang nilalathala ay patuloy parin sila sa pag susulat kaya tayo ay naililigaw na nila sa katotohanan ng kuwento ng ating kasaysayan. Wag natin sila payagang na lituhin ang ang bawat mag-aaral sa maling kasaysayan ng ating mahal na bansa. May kasabihan nga tayo “Isip ay pag yamanin, ang aklat ang basahin”. Kaya laban lang tayo wag tayo paghinaan ng loob para tayo huminto sa pag alam ng nangyari sa kasaysayan, wag tayo maging dayuhan sa sarili nating bansa. Hanggang may nababasa tayo o may makakalap pa tayo isaisip natin yan at gawin nating malaking alkasya at ating kaisispan para sa mahal nating bansa. Dumating man sa puntong tayo ay mapunta kung saang panig ng mundo kaya natin ito isalaysay sa kanila una at sa huli. Hindi nila tayo maloloko. Kaya natin ito ipaliwanag kahit hindi natin ito namulatan o nakitang nangyari dahil mayroon tayong mga patunay na ito at totoo na naging kasaysayan ng ating bansang sinilangan.



Ako bilang isang kabataang mag aaral, naiisip ko papaano nga ba natin mapanatiling kritikal o makatutuhan ang pag aaral ng isang kasaysayan? Ako sa mura ko pang edad, maari kong gawin ay ipagpagpatuloy ang pag-aaral ng kasaysayan ng bansang Pilipinas.maging mapanuri o susriin ang mga binabasa tungkol sa nilalaman ng ating kasysayan. Dapat din ito isaisip, isapuso at isagawa ang mga mahahalagang aral ng kasaysayan. Ipapapahagi ko din ang nakalap kong kaalaman sa kapwa ko mag-aaral at sa mga susunod na henerasyon. Huwag tayo magsawa sa pag babasa tungkol sa ating kasaysayan. Ang sa bawat na babasa natin sa libro ay napakahalagang detalye ng ating nakaraan kaya maging maingat tayo sa bawat paglipat nito o pagbabahagi nito sa iba. Hindi ito biro o kuwentong kalye lamang dahil isang pag kakamali natin mahirap na baguhin ito. Mahalaga na iisipin nating palagi bilang mag aaral na may malaking ambag ito sa ating buhay kaya isang pag kakamali natin isang parte din ang mawawala nito at mababago. Kaya bilang mag-aaral hinahamon ko ang bawat kabataan kung kaya ba nating mahalin ang ating kasaysayan at ipalagahanap ang pagpapahalaga nito tungo sa isang kritikal at maayos na lipunan? Bilang tayo ay nasa kasalukuyan maging kabahagi tayo ng isang pagkilos sa pag-aaral ng ating kasaysayan at maisasakatuparan lamang natin ito kung mapag-aaralan at pag-aaralan natin siya nang may kritikal na kaisipan.



Kaya bawat bahagi ng ating kasaysayan ng ating bansa ay dapat nating pag-aralan dahil bahagi ito ng ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Minsan pinipili lang natin ang gusto natin sa ating kasaysayan dahil sa tingin natin ito lamang ang maganda. Mahalaga maunawaan natin kung bakit ganito tayo ngayon at papaano natin aayusin ang ating buhay sa hinaharap sa pamamagitan ng pagbabalik sa mahahalagang aral ng nakaraan. Maari natin makalimutan ang mga detalye tungkol sa kanilang pangalan o petsa. Pero ang aral na nais ibahagi sa atin ng bawat bahagi ng ating kasaysayan mula sa paghahangad ng kalayaan sa mga mananakop hanggang sa pagbabalik ng demokrasya mula sa isang diktador ay maari tumatak sa ating isipan at ipangako na hindi na natin uulitin ang mga pagkakamali nagawa noong nakaraan. Sabi nga ni Andres Bonifacio, “Matakot kayo sa kasaysayan, na siyang ‘di maipagkakailaan ng inyong mga kagagawan”. Kaya nga may mga tao pilit na binabaluktot at binabago ang ating pagkakakilanlan dahil nais nila itago ang mga di nila magandang ginawa sa ating bansa ngunit bilang bahagi rin ito ng ating pagkakakilanlan kahit masakit, tanggapin natin ito at maging isang paalala kung paano tayo uunlad bilang isang mahusay na bansa.



Sa kabila ng lahat ng mga ginagawang pagbabago totoong naganap sa ating kasaysayan. Bilang isang mag-aaral, napakahalaga maunawaan po natin bakit kinakailangan ibalik ang pag-aaral ng ating kasaysayan sa sekundarya. Ito ang daan para makita natin ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino, kung ano ba ang isang Pilipino. Malay ba natin, tayo ang makasagot sa kung ano ba ang pagkakakilanlan natin batay sa mga tala ng ating nakaraan. Mahalin po natin ang ating kasaysayan gaya ng pagmamahal natin sa ating sarili upang maging daan ito tungo sa isang maunlad na lipunan.



Talasanggunian:



Malipot, M. H. (2022, April 16). To avoid another ‘MaJoHa’ issue, teachers urge DepEd to restore Ph History in Hs. Manila Bulletin. Retrieved April 28, 2022, from https://mb.com.ph/2022/04/16/to-avoid-another-majoha-issue-teachers-urge-deped-to-restore-ph-history-in-hs/.


Pag-iwayan, J. (2022, April 18). Why We Should Be Alarmed with #MaJoHa.Manila Bulletin. Retrieved April 28, 2022, from https://mb.com.ph/2022/04/18/why-we-should-be-alarmed-with-majoha/.