Appetizer sa Edukasyong Pangkasaysayan

Alyssa G. Abilar

Nemesio I. Yabut Senior High School


"Kung hindi mo alam ang kasaysayan, ikaw ay isang dahon na hindi alam na ito ay bahagi ng isang puno." - Michael Crichton


Sa paghahanap ng isang pahayag na akma sa tema ng sanaysay na ito, ang linya ni Michael Crichton ang nakatawag-pansin sa akin. Palaging paalala sa akin ng mga nakatatanda na kahit gaano man kataas ang maabot ko sa buhay, huwag na huwag kong kalilimutang lumingon sa mga pangyayari sa nakaraan, at kasama na rito ang mga taong tumulong sa akin na marating ang kinaroroonan kong estado sa buhay.


Isa ang pagbibigay ng halaga sa mga aral na napulot natin sa buhay, ang makakatulong upang maiwasang bumalik sa mga pinakamababang punto ng ating buhay. Maiiwasan rin nating maulit ang mga pagkakamali o kakulangan natin sa nakaraan. Maihahalintulad natin ito sa kalagayan ng Pilipinas sa kasalukuyan. Ang pagpapahalaga natin sa kasaysayan ay importante bilang Pilipino sa pamamagitan ng masusing talakayan sa mga paaralan, paggunita sa mga mahahalagang pangyayari ng bansa, at ang pagkilala sa mga karangalang ginawa ng ating mga kababayan upang makamit ang kalayaan natin ngayon. Paano nga ba tayo makakausad bilang bansa na tinatamasa ang magandang kinabukasan, kung wala tayong pagpapahalaga at pagmamahal sa kasaysayan?


Ang problemang ito, ay maari nating maiugnay sa ilang karanasan ng mga mag-aaral sa asignaturang Araling Panlipunan. Sinasabi, na ang asignaturang ito ay nakakaburyong, paulit-ulit ang mga paksang tinatalakay, o kaya nama’y hindi natatalakay nang maayos dahil ang pamamaraan ng pag-aaral at pagtuturo nito ay sa pamamagitan ng pagsasaulo ng mga pangalan, petsa, at lugar. Kabilang na rito ang nakakaantok na pag-uulat (reporting) sa klase, at kakulangan na rin ng sapat na oras upang mapalalim ang pag-aaral ng kasaysayan sa loob ng klase.


Ayon sa nag-viral na Twitter post ni Nadine Lustre, sinabi niya na – “Don’t get me wrong… I learned a lot in school, but I think 6 years of repeated history was a waste of time.” Siya rin ay nagbigay-linaw na ang kaniyang tinutukoy ay ang pagkakaroon ng paulit-ulit na paksang tinatalakay sa paaralan at ang nagbago lamang ay ang tatak ng libro. Dagdag pa niya, ang paulit-ulit na paksa ay hindi epektibo na pamamaraan ng pag-aaral ng kasaysayan.


Kaugnay ng usaping ito, sinabi ni Tabuyan (2022) na kaya nawawalan ng kabuluhan ang pag-aaral ng kasaysayan dahil may iilang mga estudyanteng inaayawan ang asignaturang ito dahil sa mga guro na dumudulog sa pagsasaulo ng mga petsa, mga pangalan , at mga pangyayari na sa tingin ng mga mag-aaral ay wala naman kabuluhan sa araw-araw na pamumuhay nila. Dagdag pa rito ang pagkamarapat ng mga tagapagturo na itinalaga sa asignaturang ito. Naitatalaga ang asignaturang kasaysayan sa mga hindi dalubhasa sa pagtuturo nito dahil na rin sa kakulangan ng bilang ng mga nakapagtapos ng Social Science. Ang mga instruktor na nakaatas sa asignaturang ito ay hindi sapat ang kakayahan base sa pamantayang dapat sundin sa pagtuturo nito. Mahihirapan nga naman na gawing nakakaengganyo ang talakayan ng kasaysayan kung hindi dalubhasa ang nagtuturo nito.


Ayon kay Badilles (2017) sa kaniyang kwalitatibong pananaliksik na pinamagatang, “Lived Experiences of Tertiary Students in the Teaching of Philippine History Courses”, nabibigyang-halaga ang pag-aaral ng kasaysayan kung ang pamamaraan ng pagtuturo ay naglilikha ng masigasig na talakayan upang magdulot ito ng interes sa mga estudyante. Hindi sapat ang memorization method ng pagkatuto kung hindi nauunawaan ang kahalagahan ng pag-aaral nito. Sa isang journal na isinulat ni William Klemm (2007), Dapat bigyang-diin ng mga guro ang pang-edukasyon na kahalagahan ng pag-unawa. Ang pagsasaulo ng impormasyon ay ginamitan niya ng terminong “scratch pad” dahil sa madali itong makalimutan.


Ang problemang ito ay mas pinalala pa sa pagtanggal ng Philippine History sa hayskul at ibinaba ito sa elementarya base sa Department of Education Order No. 20, Series of 2014. Base sa artikulo ni Ignacio (2019) , Batay sa mga naabutan ang asignaturang ito, kahit pa ginugol nila ang oras nila rito, hindi pa rin sapat ang oras na nakatalaga dahil tatlong oras sa tatlong araw sa loob ng linggo lamang ang Araling Panlipunan kung kaya’t hindi mainam na matalakay nang mahusay ang Philippine History. Ang salaysay na ito ay nakabase personal na karanasan ni Jamaico D. Ignacio na isang guro sa asignaturang Araling Panlipunan simula sa taong 2014 hanggang ngayon. Ayon sa kaniya, sa tuwing tinatanong niya ang kaniyang mga estudyante sa ika-7 baitang patungkol sa mga pambansang bayani o mga makasaysayang pangyayari sa bansa, mga blangkong tingin lamang ang tugon sa kaniya ng mga mag-aaral. Dagdag panayam niya rin na dahil dito, ramdam na ramdam niya ang dahan-dahang pagkamatay ng pambansang kasaysayan at siya rin ay nangangamba sa kung ano ang magiging kalagayan ng bansa sa hinaharap.


Ayon naman kay Erik Erikson na isang developmental psychologist, ang panahon na ginugugol natin sa sekondarya ay ang pinakamahalaga sa paghubog ng ating pananaw sa komunidad. Sa anim na taon na walang sapat na kaalaman sa pag-aaral ng kasaysayang pambansa, malaki ang epekto nito sa paghubog ng mapanuring kaisipan ng mga kabataan (Cherry, 2021). Resulta nito ay madaling malinlang ang mga kabataan sa mga maling impormasyon hindi lamang sa usaping kasaysayan, kundi na rin sa mga isyung laganap sa ating lipunan.


Ngunit, sa panayam naman kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang Philippine History ay naitatalakay (integrated) naman sa ibang mga asignatura. Sa kabilang dako, sumasalungat naman ang pahayag ni Mary Alejo sa kaniyang artikulong inilathala sa Rappler, “Will the Philippine History subject just be forgotten?”, na ang pagtatalakay ng Martial Law sa panahon niya ay hindi epektibo sapagkat ang pagtalakay nito ay daglian na tila bang hangin na mabilis na sumuray-suray. Hindi sapat ang pahapyaw na pagtatalakay ng mga mahahalagang pangyayari sa bansa dahil kinakailangang mapalakas ang paninindigan ng mga kabataan tungo sa katarungan na dapat nating matamasa (Alejo, 2021).


Kaugnay pa rito, ang isa pang nakakaalarmang balita ay ang namamayagpag na historical distortion patungkol sa mga pangyayari noong panahon ng Martial Law. Ayon sa internasyonal na artikulo mula sa Hong Kong na “Filipinos fall for fake history”, mataas ang bilang ng mga taong sumusuporta sa kandidaturang si Bongbong Marcos sa kabila ng malawakang kampanya ng maling impormasyon. Ayon kay Cleve Arguelles, tila bang anim na taong pinaghandaan ng nasabing kandidato ang malawakang pagpapakalat ng fake news sa iba’t ibang social media platforms. Ito lamang ay nagpapakita ng matagal na paghahanda upang mapabango muli ang pangalan ng mga Marcos (Ong 2022). Sa pamagat pa lamang ng pahayagan, kwestyonable na ang pagkamamamayang Pilipino natin dahil sa kabila ng pagtutuwid ng mga impormasyon ukol dito galing sa mga historyador, naniniwala pa rin ang ilan sa atin sa historical distortions. Hindi ba nakakahiya na nanggaling na ito sa internasyonal na artikulo at iniisip ng mga taga ibang bansa na ang mga Pilipino ay madaling manlinlang?


Mula sa mga impormasyong tinalakay, magtataka pa ba tayo kung ang sagot ng mga kabataan ukol sa titulo ng pambansang awit ay “Bayang magiliw” sa halip na “Lupang hinirang”? O kaya naman ay ang pagkilala nila sa tatlong pari na pinatay dahil sa maling akusasyon ng pagtataksil at sedisyon gamit ang garrote ay “MaJoHa” sa halip na “GomBurZa”?


Sa lumalaganap na maling balita na ang panahon ng pamumuno ni Ferdinand E. Marcos bilang “Golden Age of the Philippines”, kung ako ay isang kabataan na nabigyan ng patikim sa “kapiraso ng isang buong putahe” klase ng edukasyon, maniniwala agad ako sa mga pahayag na ganito. Kung patuloy ang pag-usbong ng mga mamamayang nabigyan ng “appetizer” lamang sa edukasyong pangkasaysayan, manunumbalik ang administrasyong diktadura. Manunumbalik ang malaperyang gobyerno dahil sa mga opisyales na kaduda-duda ang laman ng plataporma. Mananatili kaya ang apoy na pilit pinapaalab ni Pepe? O kaya naman ang mga buhay na nasawi para lamang ipaglaban ang ating karapatang pantao noong Marcos Era? Ilang buhay pa ba ang dapat nating ibuwis bago tayo matuto?


Mabigat ang gampanin ng mga manunulat sa panahong ito. Paninindigan ang nagsisilbing tinta sa patuloy na pagsulat - umaasang may mga mambabasang mapukaw ang kaisipan at damdamin. Sa kasamaang palad, may mangilan-ngilan pa rin talaga na sasalungat sa adbokasiyang ibalik ang kasaysayan sa edukasyong pang sekondarya. Kasama na rin dito ang paggamit ng plataporma ng social media upang magamit ito sa pagpapalaganap ng fake news. Kahit hindi sa usaping ito, marami ang sasalungat sa mga bagay-bagay dahil parte ito ng buhay. Mananatiling balanse ang mundo dahil sa mga kritiko. Kaya’t hindi ko rin masisi ang ilang mga taong naniniwala sa baluktot na kasaysayan sa kadahilanang walang sapat na edukasyon tungkol dito.


Ang hamon para sa mga kabataan pati na rin sa ibang mambabasa ng sanaysay na ito, nawa’y maging isang mapanuring kabataan tayo sa lahat ng bagay, lalong-lalo na sa mga isyung kinakaharap ng bansa. Hindi ko lubos maisip kung bakit pinagtatalunan ang kasaysayan, sapagkat ang kasaysayan ay nararapat paunlarin subalit hindi upang baguhin. Mula sa aral nito, ang tanging mababago lamang ay ang hinaharap. At naniniwala akong higit nating mauunawaan ang kasalukuyan at mapaghahandaan ang kinabukasan kung may pagpapahalaga tayo sa kasaysayan. Sabi nga nila, kasalanan ang pumikit kapag namulat na. Sa oras na pumikit tayong lahat, malaki ang tyansa na mauulit natin ang kasaysayan.


Talasanggunian


Alejo, M. R. A. (2021, January 26). [opinion: New school] will the philippine history subject just be forgotten? RAPPLER. https://www.rappler.com/voices/new-school/opinion-new-school-will-philippine-history-subject-forgotten/?fbclid=IwAR2XeQ42unavQ2LD98UjqhSpp83Gb9r2-tUFoqTqOaMIu7zaEH0knQixZGw


Badilles, D. D. (2018, May 8). Lived experiences of tertiary students in the teaching of Philippine history courses: Kne Social Sciences. KNE Publishing. https://knepublishing.com/index.php/KnE-Social/article/view/2388/5254?fbclid=IwAR3STiUDS0zZhJIiYyp_26OdNqx4XWmEMkI8DeT6_yIz-6E5hhCzDtkCpQs


Bolledo, J. (2021, September 27). Church group hits Marcos' 'historical denialism'. RAPPLER. https://www.rappler.com/nation/catholic-biblical-associaiton-philippines-hits-bongbong-marcos-sin-historical-denialism/?fbclid=IwAR2TcrRZM5sIVOrE1iTO5RodR3aHK8nfyNpbXLDtRoX8ewzgyqgcvx03yJE


Cherry, K. (2021, July 18). Understanding Erikson's stages of psychosocial development. Verywell mind. https://www.verywellmind.com/erik-eriksons-stages-of-psychosocial-development-2795740


Crichton, M. (2022). Awesome Michael Crichton Quotes About Life, History & More. The famous people. https://quotes.thefamouspeople.com/michael-crichton-4985.php#:~:text=If%20you%20don’t%20know,is%20part%20of%20a%20tree.


Ignacio, J. D. (2019, October 26). [opinion] the slow death of Philippine history in high school. RAPPLER. https://www.rappler.com/moveph/243058-opinion-slow-death-philippine-history-high-school/?fbclid=IwAR1-zVLxKSEnTPBTid-TgRiPjjy9aX-sLhQa_HrISFYG2S9ZKiUZwddGtxA

Klemm, W. R. (2007). What Good Is Learning If You Don’t Remember It?. The Journal of Effective Teaching an online journal devoted to teaching excellence. https://files.eric.ed.gov/fulltext/EJ1055665.pdf?fbclid=IwAR3_nELMrY-6NR5EgTF8TXSay_aICyhOtiMQR4n-MECwl-fhHV4ZqZvZbp8


Tabuyan, M. A. (2022, January 1). [opinion] on history, Wasted Time, and 'Nadine Lustre'. RAPPLER. https://www.rappler.com/voices/ispeak/opinion-on-history-wasted-time-and-nadine-lustre/