KAKASA KA BA 2022: KASanaysayan

Jansen I. Yarte

Sinait National High School


Minsan mo na rin bang naitanong sa iyong sarili kung saan ka nagmula, kung saan nagsimula ang mga bagay-bagay sa ating paligid, at kung bakit ganito ang ating nadatnang kasalukuyan? Iisa lamang ang makasasagot sa mga katanungang ito, Ang Kasaysayan. Oo, mayroong kasalukuyan dahil mayroong nakaraang pangyayari. Ang mga pangyayari sa nakaraan ay maaring mangyari sa kasalukuyan at hindi maaring paghiwalayin pa. Ayon nga kay E.H. Carr na isang batikang historyador, ang kasaysayan ay isang walang katapusang talastasan sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan. Ang kasaysayan, nakaraan, at kasalukuyan ay magkakaugnay kung kaya’t ang kasaysayan ay patuloy lamang na iikot sa kanila kaya ito ay maaring maulit muli. Mahalaga na maintindihan ng bawat isa ang historya, lalo na sa mga mag-aaral sapagkat maari nating gamitin ang ating pangunawa sa nakaraan upang maging susi sa pagkaintindi sa kasalukuyan at sa hinaharap.


Maraming dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang ating kasaysayan. Marami itong kahalagahan na nakikita sa ating kasalukuyang lipunan. Isa na rito ang pagkakaroon ng demokrasya sa ating bansa ngayon. Alam mo ba na sa sibilisasyong Gresya nagkaroon ng demokrasyang klase ng gobyerno na ating tinatamasa sa ngayon? Kaya nasabi ni Will Durant, isang manunulat, mananalaysay, at pilosopo na ang kasaysayan ay isang pagsasalaysay ng kung ano ang naisip o nagawa ng mga sibilisadong tao sa nakalipas na panahon. Ang kasaysayan ang naging dahilan kung bakit ang mga tao ngayon ay may karapatan – karapatang mabuhay, karapatan sa kalayaan, karapatang mapakapagsalita, at karapatang makapagpili, sapagkat sa nakaraan, maraming diktador, laganap ang mga pinuno noon na kung saan hindi binigyan ang mga tao ng pagkakataon na makapagsalita; maipahayag at maipaglaban ang kanilang sarili at damdamin; at makamit ang kanilang kalayaan. Kaya, ang ating karapatan ay dapat laging pinaiigting at pinahahalagahan sa tamang paraan.


Makikita rin ang kahalagahan ng kasaysayan sa ating kultura at wika na nagsisilbing pundasyon ng ating pagkatao. Dahil sa kasaysayan at mga pangyayari sa nakaraan, naipapasa ang kultura at wika ng ating mga ninuno sa atin at napananatili natin itong buhay sa kasalukuyan. Malaki rin ang kinalaman ng kasaysayan sa kalayaan ngayon ng ating bansa, kung hindi ipinaglaban ng mga bayaning Pilipino ang ating kasarinlan noon, malamang ngayon tayo ay sakop pa rin ng mga dayuhan. Kung hindi pinamunuan ni Andres Bonifacio ang paghihimagsik laban sa mga malulupit na Kastila at kung hindi isinulat ni Dr. Jose Rizal ang mga nobela na nagmulat sa damdamin at kaisipan ng mga Pilipino, malamang tayo pa rin ngayon ay naaapi, kinukutya, at tinatapakan ng mga dayuhan.


Kaya mahalaga na patuloy na pag-aralan ang ating kasaysayan bilang pagpapahalaga sa ating mga ninuno lalo na sa ating mga bayani at upang maiwasan din ang palasak na pamamaluktot ng katotohanan. Lalo na ngayon na mabilis ang daloy ng impormasyon dahil sa laganap na ang teknolohiya, hindi natin maiiwasan ang mga taong nagpapakalat at pilit na binabago ang mga pangyayari sa nakaraan. Kung kaya’t mahalaga pa rin na ang kasaysayan ay idagdag sa ating asignatura at patuloy pa rin itong ituro sa bawat antas ng edukasyon upang sa gayon ay hindi matabunan ng mga maling impormasyon ang katotohanan. Malaki ang papel na ginagampanan ng ating kasaysayan upang mapaigting ang katotohanan. Kaya, dapat pag-aralang maigi at kailangang ituro ang totoong nangyari sa nakaraan upang lubos na maunawaan ng mga tao kung ano ba ang kasaysayan. Magagamit natin ang kaalamang ito upang makilala kung alin ang tama at maling impormasyon tungkol sa ating kasaysayan.


Sa kabilang dako, mayroon ding responsibilidad ang bawat isa na magsaliksik dahil hindi lahat ng nababasa sa internet ay totoo. Tandaan, ang kasaysayan ay nagmula sa salitang “historia” na ang ibig sabihin ay “inquiry” sa salitang Ingles na may pagpapakahulugan na pananaliksik o pag-aaral. Tinatawag din itong agham sapagkat kailangan na magkaroon ng dokumento na siyang nagpapatunay kung ano ba ang tunay na nangyari sa nakaraan. Ang kasaysayan ay hindi lamang pagkakabisado at pag-aalala sa mga petsa, karakter, at bansa, kundi dapat lubos nating maunawaan ang mga pangyayari upang magbigay ito ng aral na magagamit natin sa kasalukuyan.


Bilang isang kabataang mag-aaral, mahalaga rin ang ating gampanin na panatilihing kritikal at makatotohanan ang pag-aaral ng kasaysayan dahil kung mali ang itinuturo sa atin ay wala ring saysay ang ating mga pinag-aralan. Kung alam mo na ang itinuturo sa iyo ay sinisira ang kabuluhan ng kasaysayan, dapat mo itong ituwid para na rin sa iyong mga kapwa mag-aaral upang malaman ang katotohanan. Kagaya na lamang dito sa Pilipinas na kung saan ang mga Pilipino ay nahahati pa rin sa dalawang panig dahil sa magkaibang opinyon ukol sa Martial Law noong panahon ng administrasyong Marcos. Kailangang mabigyang pansin itong parte ng ating kasaysayan sapagkat marami ang nag-aaway dahil dito at marami ang naguguluhan dahil hindi nila mapagkaiba ang tama at maling impormasyon ukol sa parte ng kasaysayang ito. Dapat malaman ng karamihan na importante ang demokrasya, dapat manatili ang karapatan ng bawat Pilipino, at dapat pahalagahan ng mga namamahala sa gobyerno ang mamamayan.


Sa mga paaralan, dapat ituro ang mga dokumentong nagpapatunay sa mga pangyayari na naganap noong panahon ng “Martial Law” upang makumbinsi ang mga tao. Dapat ay katotohanan lamang ang maituro tungkol sa isyung ito upang ang katotohanan lamang ang mananaig. Importante na pag-aralan natin ito upang matuldukan na ang mga debate, magkaroon na ng katahimikan sa ating bansa, at higit sa lahat ay upang tayo ay matuto sa nakaraan.


Huwag nating kalimutan ang mga bakas ng ating kahapon dahil dito tayo nagsimula at natuto. Ang pag-aaral ng kasaysayan ay hindi lamang limitado sa ating bansa kundi maari rin sa iba upang mapalawak at makilala ang iba pang kultura, tradisyon, at paniniwala na umiiral sa lipunan. Kung tutuusin, iisa lang naman ang ating pinagmulan kaya iisa lamang ang ating kasaysayan. Mahalaga na malaman natin ang mga pangyayari sa nakaraan upang ito ay magbigay sa atin ng aral na magagamit natin sa ating buhay. Kapag nagkaroon ng saysay ang kasaysayan ay magiging payak na harapin ang ating kasalukuyan sapagkat natuto na tayo sa mga kamalian ng nakaraan at maiiwasan na natin itong maulit pa sa kasalukuyan. Alam na natin kung anong parte ng kasaysayan ang dapat nating itama upang magkakaroon pa tayo ng mas maayos na kinabukasan.


Ang kasaysayan ay siyang naging basehan ng mga gawain at desisyon ng mga tao sa nakaraan. Maaaring maulit ang mga mabubuti at masasamang pangyayari sa nakaraan. Kaya, nandiyan ang kasaysayan upang imulat tayo sa wastong pagtataya ng mga desisyon sa ating buhay dahil maapektuhan nito ang ating kinabukasan. Nagkakaroon tayo ng kritikal na pag-iisip dahil sa kasaysayan sapagkat nag-uudyok ito upang ating alamin ang magiging sanhi at bunga ng ating mga desisyon. Ang ating desisyon ay dapat nating pag-isipang maigi dahil hindi lamang ito para sa ating sarili kundi para rin sa iba sapagkat maaari nitong maaapekuhan ang lahat pati na rin ang kasaysayan


Hindi maaaring paghiwalayin ang nakaraan athinaharap. Ang mga bagay na ating nakikita at tinatamasa natin ngayon, ang ating mga karapatan at kalayaan ay nagmula sa ating kasaysayan. Ang ating kinabukasan ay nakadepende sa ating mga kilos at desisyon sa kasalukuyan. Kaya, bilang isang mag-aaral, ang pagkatuto at pagkakaroon ng kaalaman sa nakaraan ay mahalaga upang hindi na maulit pa ang mga pagkakamali na naganap sa kasaysayan. Ang pagbabalik tanaw na matuto sa mga pangyayari sa nakaraan ay palatandaan ng pag-iwan ng mga mas magagandang bakas para sa hinaharap.


Alalahanin natin ang winika ni Elias sa Noli Me Tangere na akda ni Dr. Jose Rizal, “Namamatay akong hindi ko man lang masilayan ang ningning ng bukang-liwayway ng aking Inang Bayan. Kayong makakakita, salubungin ninyo siya at huwag ninyong kalimutan ang mga taong nalugmok sa dilim ng gabi.”


Talasanggunian


Youtube (2021). Kasaysayan! salaysayin, aralin at tuklasin. Accessed on April 23, 2022 from https://youtube.com/watch?v=0PrLyvCk-zY&feature=share


Youtube (2021). Tunay na mahalaga ang history. Accessed on April 23, 2022 from https://youtube.com/watch?v=pLBKhBMDRol&feature=share