Sa bawat umagang puno ng ingay at usok, nakikitang tila kalbaryo para sa maraming Pilipino ang pagbiyahe sa kalakhang lungsod. Ang mga lansangan ng Kalakhang Maynila ay puno ng mga sasakyan—isang larawan ng urbanisasyon na hindi maikakaila, ngunit isang manipestasyon din ng tinatawag na car-centrism. Ang car-centrism ay isang sistema ng pagpaplanong urban na nagbibigay-diin sa mga pribadong sasakyan kaysa sa pampublikong transportasyon, nagiging sanhi ng hindi pantay na access sa mobilidad. Ang pangyayaring ito ay nagiging ugat ng iba’t ibang isyung panlipunan tulad ng matinding trapiko, polusyon, at pagkakahiwa-hiwalay ng mga komunidad. Ngunit, paano ba nauwi ang Maynila sa ganitong sitwasyon? Ayon sa kasaysayan, ang malawakang modernisasyon noong dekada '70 at ang pagsikat ng mga pribadong sasakyan ay nagbukas ng landas sa car-centric development.[1] Imbes na bigyang-prayoridad ang mga pampublikong transportasyon tulad ng tren at bus na magagamit ng karamihan, mas pinili ng mga namumuno noon ang pagtatayo ng mga kalsada at flyover para sa mga kotse.[4] Sa kasalukuyan, tila nananatili pa rin ang ganitong pananaw sa pagresolba ng trapiko, na nagiging masalimuot dahil sa kakulangan ng balanseng polisiya. Sa harap ng ganitong sitwasyon, mahalagang tanungin: Bakit nananatili ang car-centrism bilang isang sistemikong problema? Ano ang papel ng pamahalaan sa pagre-regulate ng urbanisasyon, at paano nito maitatama ang mga pagkakamali ng nakaraan? Sa papel na ito, susuriin ang pulitika sa likod ng car-centrism, kung bakit ito patuloy na umiiral, at ang mga nararapat na hakbang upang ito ay malabanan.