Pamilyar sa mga nakagamit na ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas ang iba’t ibang problema nito. Mula sa pagsisiksikan sa tren hanggang sa pagsasabit sa likod ng mga dyip, halata naman na may mga kakulangan ang sistema ng pampublikong transportasyon, pero ano-ano kaya ito at bakit patuloy ang paglaganap ng mga ito? Ayon kay Rimmer (1986), may pinakamahinang sistema ng pampublikong transportasyon dito sa Timog-Silangang Asya ang Pilipinas. Araw-araw, napakaraming mga nagkokomyut at nahihirapang gawin ito. Diba nga dapat accessible ang pampublikong transportasyon para sa mga mamamayan? Kahit kitang-kita na ang mga isyu na ito, wala pa rin ang nangyayari para tugunan ang mga ito. Ang kasalukuyang kalagayan ng pampublikong transportasyon natin ay ang direktang resulta ng kakulangan sa pagpapahalaga nito ng karamihan sa bansa.


Tignan muna ang mga tren at railway systems dito sa Pilipinas. Noong malapit nang matapos ang 1950s, bumababa na ang bilang ng mga sumasakay ng tren (Boquet, 2017). Ito ay nangyari dahil sa kompetisyon galing sa mga pribadong sasakyan at bagong linya ng mga bus, ang kompanya na hindi epektibo sa pag manage ng railway system, at ang pagtatayo ng mga informal settlers ng mga bahay malapit sa riles. Masasabi dingdahil dito, nadagdagan ang trapiko sa bansa. Maliban dito, kahit sa mga proyektong ginawa upang ayusin sana ang railway system, ang kakulangan sa pondo at korapsyon mula sa gobyerno ay naging isyu pa. Kahit masabi pa na konti lang ang gumagamit ng tren kumpara sa mga pribadong sasakyan o iba pang uri ng transportasyon, hindi pa rin karapat dapat na hindi ito pinapansin o ipanapaayos. Isa pa rin siyang pampublikong serbisyo na kinakailangan ng malaking bahagi ng populasyon.


Para sa pampublikong transportasyon naman na mas malapit sa mga pribadong sasakyan, pwedeng tignan ang mga bus at dyip. Sa mga bus, napupuwersahan ang mga nagmamaneho na magtrabaho nang overtime dahil sa isang “boundary” na sistema at mga ibang kailangan nilang bayaran, tulad ng mga korap na pulis (Boquet, 2017). Dahil dito, mas nagkakaroon ng mga aksidente ang mga bus. Sa mga dyip naman, marami sa kanila ngayon ay ginagawa lang sa pinakamababang gastos. Dahil hindi ito dumadaan sa mga ibang design procedures na dinadaanan ng mga ibang sasakyan, nagiging delikado siya sa kalusugan ng mga nagmamaneho ng dyip. Makikita dito na binabalewala lang ang kalusugan ng mga nagmamaneho ng bus at dyip para lang sa pera. Ngayon, may mga proyekto ang gobyerno na inaasahang matugunan sana ito, tulad ng jeepney modernization. Ngunit, ayon kay Mendoza (2022), “The proponents of jeepney modernization refuse to acknowledge the simple truth that high-priced modern jeepneys will lead to high jeepney fares.” Dahil sa mas mahal na pamasahe sa mga modernong dyip, hindi lang maapektuhan ang mga sumasakay dahil sa kanilang babayaran, pero maapektuhan din ang mga nagmamaneho ng dyip dahil may mga taong hindi na sasakay dahil sa pamasahe. Malulugi ang mga nagmamaneho hindi lang sa pagbili ng mga modernong dyip, pero dahil sa mataas na pamasahe din. May responsibilidad ang mga mamamayan ng bansa na pag-isipan din ang mga kapwa nila, at kasama dito ang mga nagtatrabaho sa pampublikong transportasyon tulad nga ng mga bus at dyip drayber.


Sa mga uri ng pampublikong transportasyon na pinag-usapan, makikita na kulang talaga ang pagpapahalaga natin dito, sa mga nagtatrabaho sa larang ng pampublikong transportasyon, at sa mga gumagamit nito araw-araw. Para sa tao ang pampublikong transportasyon, nasa pangalan na nga: pampubliko. Kung hindi natin bibigyan ng halaga ang pampublikong transportasyon natin, tao din ang mahihirapan. Kailangan natin lahat, bilang mga mamamayan lang o bilang opisyal na may kapangyarihan na isipin muna palagi ang mga tao sa usapan ng pampublikong transportasyon. Sabi nga sa isang artikulo, “The vital role of public transport in daily tasks of the public is undeniable and can never be fully met by private vehicles” (Lopez & Nnadiri, 2021). Kung wala tayong gagawin, magiging mas malala pa hindi lang ang mga isyu sa pampublikong transportasyon, pero mga isyu din na may kinalaman sa trabaho ng iba at siyempre sa trapik sa bansa.