By: Rhamcess Pearl Caldoza
LOVE IN CHAOS
[INTRO] SCENE 1
Setting: Airplane
(Apat na magkakaibigan ang sabay-abay na pumasok sa loob ng eroplano. Hapo man silang apat mula sa pagtakbo, batid pa din ang tuwa at sigla sa kanilang mga mukha.)
JO
Heto, Nina, ilagay mo na 'tong kumot sa hita mo, baka ginawin ka. Alam kong hindi ka komportable sa aircon eh.
NINA
Salamat, Jo. Ikaw talaga… sobrang swerte ko sayo.
JO
(Bahagyang umiiwas ng tingin habang inaabot ang kumot kay Nina)
Wala ‘yon, ganyan talaga kapag kaibigan…
KIAN
Naks! Ayan na naman si Jo, naka full support.
LAURA
Buti naman at naitakas ka talaga namin Nina, dun sa lalaking ‘yon!
NINA
Buti nga eh, mas pipiliin ko nalang mabulag kesa makasal sa lalaking ‘yon, eh hindi ko naman talaga siya gusto!
LAURA
Grabe naman kasi yung mga magulang mo kung makapagpilit sayo sa kasal na yan, ginawa ka pang asset sa negosyo.
KIAN
Sinabi mo pa! Hindi man lang ba nila irerespeto yung katotohanan na baka may pinupusuan ka na ring iba?
(Tila hindi na mapigilan ang sarili, sumabat si Jo sa usapan.)
JO
“Nina, tungkol sa lahat ng nangyayari… gusto ko sanang…”
KIAN
Ay true sis! Makakahanap ka din ng taong para sayo. ‘Di mo nga alam at baka nasa gilid gilid lang, ‘diba Jo? Yiee…
(Nakangiting tukso ni Kian habang sinusundot-sundot ang tagiliran ni Jo.)
LAURA
Baliw anong si Jo? Seryoso ka ba? Ang pinag-uusapan dito ang future ni Nina, hindi ‘yang kabalbalan mo. Normal na lalaki ang kailangan niya para makalimutan ang pamilya niya, hindi kapwa babae. Tigilan mo na ‘yan, Kian.
(Tumahimik ang lahat. Halatang naiilang si Kian, habang napatigil si Jo.)
JO
Laura, hindi yan tama. Hindi mo pwedeng idikta kung kanino dapat magmahal si Nina. Walang mali sa paraan ng kanyang pagmamahal. Pwede mahalin ni Nina kahit sino, kahit kapwa babae man. Ang pagpili niya sa sarili niya ang dahilan kaya siya umalis.
(Napairap ng bahagya si Laura, pero patuloy na nakikinig.)
JO
Kung babae ang mamahalin niya, katanggap-tanggap ‘yon. At hindi mo karapatan sabihing mali. Kung may nagbigay sa kanya ng sakit, hindi ’yon dahil babae ang minahal niya, kundi dahil hindi siya pinakinggan ng mga tao sa paligid niya.
LAURA
Eh nag-aalala lang naman ako! Ayaw ko lang na lalo pang maging magulo ang buhay ni Nina. Maraming problema ang kasama ng same-sex na relasyon…
NINA
(Deretsong pinutol ni Nina si Laura.)
Laura, hindi problema ang pagmamahal. Ang problema… ay ‘yong mga taong tumatawag sa pagmamahal na problema. Hindi ako aalis para lang sundin ang gusto ng ibang tao. Aalis ako… para sa sarili ko. Para magmahal ng totoo — sa taong totoong gusto kong makasama habambuhay, lalaki man o babae.
KIAN
Amen, Laura! Love is love noh… 2025 na duhh!
LAURA
(Napagbugtong-hininga si Laura at nag-alinlangan ng bahagya.)
Pero kasi… nag-aalala lang ako para sayo Nina… pero kung yan ang gusto mo sige, susubukan kong intindihan ka. Para saan pa at magkaibigan tayo diba?
[PAGBALIK SA NAKARAAN- Beach Outing]
(May sikat ng araw, nasa tabing-dagat ang magkakaibigan. Tumatawa sina Kian at Laura habang nagtatampisaw, papunta si Nina sa kanila ngunit may paparating na malakas na alon.)
(Dali-daling humarang si Jo. Ginamit ang kanyang katawan bilang depensa, hinayaang siya ang mabasa mula ulo hanggang paa, at hindi si Nina.)
NINA
Aba! Salamat, Jo. Basang-basa ka tuloy.
JO
Malayo ‘yan sa bituka. Huwag lang mababasa ang bag mo, nandoon ‘yong mga gamit mo.
KIAN
Naks, Jo! Sabi ko na nga ba, knight in shining armor ka ni Nina. Eto na ba ang umpisa ng… forever niyo? Ang tamis naman!
LAURA
Hayaan mo na, Kian. Ganyan talaga ang sobrang “protective” na bestfriend.
(Doon nagkaroon ng seryosong tinginan sina Jo at Nina. Nakangiti sila, pero may spark na na hindi kaibigan lang ang turingan. Si Jo, may pag-asa sa mga mata. Si Nina, may halong pagkalito at kilig.)
[PAGBALIK SA KASALUKUYAN]
(Kapansin-pansing tumitingin lamang si Jo sa bintana, nagpipigil ng inis at sama ng loob sa usapan nila ni Laura.)
KIAN
Uy, Jo… okay ka lang? Joke lang ‘yon ah.
JO
Oo, okay lang…
(Ilang segundong katahimikan at biglang maririnig ang ugong ng makina at anunsyo ng mga staff sa eroplano.)
[TURBULENCE]
LAURA
Huy, guys!
NINA
Parang… lumalakas na yata ‘yung hangin!
(Lumakas pa ang pagyanig. May mga pasaherong napapasigaw.)
KIAN
Relax lang, turbulence lang ‘to! Huy Laura, ‘wag ka ngang oa!
LAURA
Lord, please lang… Safe landing lang po!
(Nina, takot na takot, pilit kumakapit kay Jo)
NINA
Jo! Jo!
(Umiiwas si Jo sa pagkakapit ni Nina, galit pa rin sa sarili dahil sa tensiyon nila ni Laura at sa damdamin niya.)
JO
Nina, wag—
(Lalong lumakas ang pagyanig. Si Nina napaluha, pinikit ang mata at may sinabi kay Jo)
NINA
Kung ito man ang katapusan ng buhay ko, Jo… Mahal kita! Matagal na! Mula noon pa!
(Tumingin si Jo at nagulat)
NINA
Tinakasankoangkasalparasa’yo!
[MUSIC INTRO TO TADHANA]
(Tumahimik bigla at nagkatinginan ang magkakaibigan sa bawat isa.)
Si Jo napatingin kay Nina, tulala. Si Kian ay nakaawang ang bibig sa gulat, Si Laura, nakakunot-noo, hindi makapaniwala.
KIAN
Huyyy… totoo ba?
LAURA
SHUSH! Hayaan mo sila… ibigay na natin ‘to sa kanila, Kian. Bilang mga kaibigan, huwag na tayong hahadlang.
(Nahiya si Nina kaya umiwas siya ng tingin habang si Jo dahan-dahang hinawakan ang kamay niya sa ilalim ng upuan.)
JO
(Pabulong) Ganoon din ang nararamdaman ko. Mahal din kita.
(Fade out. Maririnig ang boses ng piloto: “Ladies and gentlemen, the turbulence has passed.”)