Kapalaran
Page 5
Bagama't gayon lang ang aming nagagawa'y sapat na upang magdulot sa amin ng ibayong kaligayahan. Ang mga araw tuloy na aming ipinamalagi sa mainit na panig ng daigdig ay mabilis na nagsilipas habang ang aming mga pangarap ay nabubuo't lumalaki, at ang aming pagtitinginan ay animo'y manggang kinalabaw na unti-unti nguni't tiyakang nahihinog.
Nung tapos na ang aking kontrata at kinabukasan na ang aking alis, nag-usap kami ni Susan na magkikita sa restoran sa kampo Uno, malapit sa swimingpol, upang magpaalaman.
Dumating siya kasama ang isang doktorang Taylander na kaibigan namin upang hindi kami mapansing nagdedeyt.
Sa simula'y dinaan lang namin sa pagtitig-titig sa isa't isa habang pinakikiramdaman namin ang mga guwardiyang baka mamaya-maya'y biglang mapadaan at makitang kami'y nagpapahayag ng damdamin sa publiko na maaaring makaiskandalo sa mga katutubong mamamayan.
Mahigpit ang hawak namin sa isa't isa sa ilalim ng lamesa na buti na lamang at may mantel na pula. Doon sa kalagitnaan ng disyerto, sa kasigiran ng tanghali, nagtalik ang aming mga kamay, puno ng damdamin at hiya sa mga dakilang pag-iibigan naisulat na ng kung sinong mga awtor.
Parang halos wala kaming napapansin sa kapaligiran kung hindi ang hihip ng nagbabagang hanging, na lalong nagpasigabo sa naglalagablab naming mga damdamin nagkukumawala. Ang katahimikan ay nababasag lamang ng malalayong alingawgaw ng putukan sa digmaan ng Iran at Irag. Ang elektrisidad na aming pinaanod mula sa aming mga puso't kaluluwa sa mga pulso at bawa't himaymay ng aming laman ay sapat marahil magbigay-ilaw sa isang munting bayan sa loob ng isang taon. Ang bawa't buntung-hininga nami'y pumupugto halos ng aming buhay at sisinghap-singhap kaming nagpaanod sa tamis ng panga-ngarap.
Inabot kami ng hapon sa lamesang aming niluklukan at naging saksi sa aming pagniniig habang marahil ay ilang galong koka-kola ang naitumba, gayun din ang kape at tubig-mineral. Ilang pinggang minindal ang aming itinaob at gabundok na halos ang balat ng pistasyong aming pinapak. Halos naglintog ang aming mga palad sa kahihimas sa isa't isa.
Nagdidilim na sa malayong guhit ng buhangin nang magyaya yung martir na doktorang bumalik na sila sa kampo nila. Bago sila tumayo ay binigyan ko si Susan ng mga rosas na yari sa sutlang may pabango. Ako nam'y inabutan niya ng isang larawan at makapal na sobreng selyado na may nakapaloob na liham. "Basahin mo ito kapag ang eruplano mo'y pumasahimpapawid na." namumulamula ang matang sabi niya at tuloy talikod.
Umaga. Bago ako lumipad ay makailang ulit kong sinubukang tawagan si Susan sa kanilang kampo at sa ospital. Nguni't ayaw akong ikonekta ng walang habag na switsbord opereytor, gaano man ang aking pakiusap, at kahit baguhin ko pa ang boses ko. Pumaimbulog tuloy ang eruplano kong sinasakyan na hindi man lamang ako nakapagpaalam sa huling sandali sa aking liyag at ni hindi ko nasabi sa kanya kung gaano ko siya minamahal at nang hinding-hindi ko siya malilimutan.
Nung matagal na sa itaas ang aking sinasakyan, saka ko pa lamang naalaalang basahin ang kanyang liham na halos nobela na sa kahabaan. Lahat ng matatamis naming pinagsaluha'y kanyang muling binuhay, ang aming mga pangarap at pangamba, at pag-asang papatnubayan ko ng Maykapal.
At doon sa bandang huli kanyang sinabi, "Marahil kapwa lang tayo nalumbay, o maaari ngang wagas ang ating naging pagmamahalan. Nguni't kapwa tayo may mga pinangakuan na sa buhay at kung maaari sa iyong paglayo, pilitin nating maglimutan at isipin ang lahat nang ito ay magandang biyaya ng tadhana."
Suss! Kalungkot naman ang kuwento ni Doy, 'no! Syempre, sadyang nilinis ito, kasi ba, eh . . . pang-publiko ito. hee! hee! hee!
May ilan tayong mga kaibigan ang ayaw yong nangyari sa huli, kaya ito po ang dagdag. "Subali't kung ang landas nang ating kapalaran ay iisa, gaano man kalayo ang ating daigdig, magkaka-kuros din."
Marami pong salamat sa inyo at natiis ninyong tapusing itong kuwentong kutsero.
O, 'yan, tapos na. Sana'y maski papano, nasiyahan din kayo.
Your feedback is welcome. Thank you.
Disclaimer: In cases of errors, omissions, and other unforeseen events beyond our control, rest assured that it was not on purpose. In any occurrence, we respectfully offer our sincere apologies. Text by Mike Colorado