KALAYAAN

Written by: Ysabell Kristine Palo

Layout by: Unna Lhy




June 12, 2023 | 6:30 P.M.

Sa bawat araw na dumadaan, tayo’y gumigising sa tunog ng tilaok ng manok. Bumabangon ‘pagkat ito’y tandang magsisimula na naman ang araw at kinakailangan nang magtrabaho. 


“!Buenos!” ang iyong kadalasang naririnig sa labas ng iyong silid. Simula pa lamang sa unang pag-apak mo sa balat ng lupa, ito na ang iyong kinagisnan dahil sila’y narito na nang 300 mahigit na taon. Mas naririnig mo pa ang salitang “Indio” kaysa sa totoong pangalan mo sa ilang taon mong namumuhay sa mundong ibabaw.


Simula pa lamang no’ng Agusto, mayroong galaw mula sa mga kabilang bayan tungkol sa pag-aalsa ng mga Katipunero. 


Noong unang araw ng Mayo, umabot sayo ang balita sa nangyari sa look ng Maynila kung saan naglaban ang barko ng mga Espanyol at Amerikano. Sa unang pagkakataon, ikaw ay nakaramdam ng namumuong pag-asa.


Pataas ng pataas ang tensyon sa iyong paligid sa bawat paglubog ng araw ‘pagkat inyong hinihintay ang pagdating ng isang balita. Lalo na’t inyong narinig ang tungkol sa pakikipagtulungan ni Emilio Aguinaldo sa Amerika.


Ika-labing siyam ng Mayo, isang araw na hinding-hindi mo makalilimutan; simula sa pag-gising mo noong araw na iyon, narinig mo na ang balita ng pagbabalik ni Aguinaldo sa bansa. Ikaw ay hindi na mapakali ‘pagkat iisa lamang ang maaaring dahilan ng kanyang pagbabalik matapos mapatapon sa Hong Kong— ito’y para tulungan muli ang bansa tungo sa kalayaan. Habang nakain ng tanghalian, nagsisimula nang lamigin ang inyong mga talampakan. 


Sa bawat pag-ihip ng hangin sa iyong balat, ika’y nakararamdam ng kasarinlan. Ikaw ay nakahihinga ng malalim, nararamdaman ang putik sa iyong paa, naririnig ang tinig ng mga ibong lumilipad sa himpapawid. Iyong narinig ang pang-alas tres ng hapong dasal at sa unang pagkakataon, ikaw ay napapikit nang mariin at humiling na kanyang gabayan ang matatapang na taong nagtatrabaho para sa sariling bayan.


Pagdating ng dapit-hapon, dumating na ang magandang balita. Ang Pilipinas ay nakalaya na mula sa tatlong sentenaryong pananakop ng Espanya.


Nasa atin na ang kalayaan,” banggit ng iyong kasamahan.  


Sa ilang henerasyon na naranasan ng pamilya mo sa kanilang pamumuno, ikaw ang makatitikim ng pag-laya sa tulong ng isang kaibigan at ng bansang Amerika. 


Sabi nga ni Jose Rizal sa kanyang akdang Noli Me Tangere, “Mamamatay akong hindi nasilayan ang bukang-liwayway sa aking lupang sinilangan. Kayong makakakita nito, huwag niyo sanang kalimutan ang mga taong nalugmok sa kadiliman ng gabi.” 


Ngayon, ating ginugunita ang ika-125th taon na Araw ng Kasarinlan, ating natatamasa ang tamis ng pagkakalaya mula sa pananakop ng mga Espanyol. Nawa’y maging paalala ang kwento ng ating mga ninuno upang tayo’y patuloy na ipaglaban ang ating bayan ‘pagkat walang ibang nagmamay-ari nito kundi ang mga Pilipino.


Upang wakasan ang kwento ng ating bayan, aking iiwanan ang katagang, “Ang buhay ay isang malayang pagpili, palagi nating piliin ang tama.”