ang kulay ng boses

Isinulat ni Tiffany Ocampo
Inilarawan ni Trisha Clarisse Areja at In-edit ni Juan Diego Crucillo
Pinost noong November 20, 2020 | 4:00 N.H.

Boses ng kabataan
Tila malakas ngunit hindi pinakikinggan
Sa kamay nga ba nila nakasalalay
Kinabukasan ng bayang sinilangan?

Sambit ng pambansang bayani,
Sila ang pag-asa
Ngunit ano nga ba ang kahulugan
Kung ang “sila” ay hindi kinikilala?

Ilang dekada lumipas at oras ay dumaan
Puso’t isipan ay hinubog ng panahon
Kadakilaan ay pinag-aralan
Katapangan ay siyang inaasam

Oras ang humubog
Karanasan ay itinuring na aral
Pagkatuto ay pinahalagahan
Masdan ang boses ng batang may muwang

Hindi dilaw ang kulay ng boses
Wala itong kinikilingan
Hindi pula ang kulay
Dahil puro ang kalooban

Walang kulay ang boses ng kabataan
Ngunit umaalingawngaw ang tunog
Walang kinakampihan ang bata
Nais lamang ay pagbabago

Pakinggan ang boses na ito
Tunog ay para sa bawat tao
Ito ang kulay ng boses ng kabataan
Kulay kapayapaan, pakinggan niyo

Kabataan,
Hindi kabataan lang
Hindi pula o dilaw ang kulay ng boses
Bagkus kayumanggi itong tunay.