THIS WEEK'S LESSON
Hindi natatapos sa paglahok sa eleksiyon ang politikal na pakikilahok ng mga mamamayan. Sa halip, unang hakbang lamang ito para sa isang malayang lipunan. Ang esensiya ng demokrasiya ay ang magkaroon ng mamamayang nakikilahok sa pagpapaunlad ng bayan sa paraang higit pa sa pagboto. Isang paraan dito ay ang pagbuo ng mga samahang direktang makikipag-ugnayan sa pamahalaan upang iparating ang pangangailangan ng mamamayan. Kaya naman napakahalagang makilahok ng mamamayan sa tinatawag na civil society.
Ito ay tumutukoy sa isang sektor ng lipunan na hiwalay sa estado. Ang civil society ay binubuo ng mga mamamayang nakikilahok sa mga kilos protesta, lipunang pagkilos, at mga Non-Governmental Organizations/People’s Organizations. Hindi naman bahagi nito ang tahanan, mga negosyo, mga partido politikal, at mga armadong grupo na nagtatangkang pabagsakin ang pamahalaan. Nilalayon ng civil society na maging kabahagi sa pagpapabago ng mga polisiya at maggiit ng accountability (kapanagutan) at transparency(katapatan) mula sa estado (Silliman, 1998).
Katulad ng nabanggit, ang mga samahan na tinatawag na NonGovernmental Organizations (NGOs) at People’s Organizations (POs) ay mahalagang bahagi ng civil society. Ang paglahok sa mga samahang ito ay isa sa maraming paraan ng paglahok sa civil society. Ayon kay Horacio Morales (1990), “people empowerment entails the creation of a parallel system of people’s organizations as government partner in decision making…”
Ang patuloy na pagtaas sa bilang ng mga mamamayang Pilipino ay nagdudulot ng mataas na pressure sa yamang tubig ng bansa at sa lahat ng yamang-likas, sa kabuuan. Kung hindi magkakaroon ng patuloy na pag-unlad, halimbawa sa teknolohiya, mahihirapang makaagapay ang bansa sa lumalaking pangangailangan ng mamamayan dulot ng pagdami ng tao. Kung magkagayon, maaaring maganap ang sapantaha ni Thomas Malthus na ang patuloy na paglaki ng populasyon ay maaaring magdulot ng kahirapan na sa kalaunan ay kakulangan sa pagkain. Dahil habang lumalaki ang bilang ng populasyon, unti-unti rin ang pagbaba sa bilang ng mga yamang-dagat at lahat ng likas na yaman dahil sa dami ng kumokonsumo.
Ibig sabihin, mahalaga ang pagbuo ng mga organisasyon ng mamamayan dahil ito ang magiging katuwang ng pamahalaan sa pagbuo ng mga programa para sa ikauunlad ng bayan. Ayon naman kay Randy David (2008), sa pamamagitan ng civil society ang mga mamamayan ang pinanggagalingan ng soberenya ng isang estado. Sa pamamagitan ng paglahok sa civil society, ang mga mithiin ng mga mamamayan ang magiging batayan ng buong estado sa pamamahala ng isang bansa.
Sa katunayan, kinikilala ng Saligang Batas ng 1987 ang kahalagahan ng mga samahang ito sa pagtataguyod ng kaunlaran: “the state encourage non-governmental, community based, or sectoral organizations to effective and reasonable participation at all levels of social, politikal, and economic decision making."
Ipinaliwanag ni Constantino-David (1998) ang mga bumubuo sa civil society. Ito ay binubuo ng mga kilos protesta, mga lipunang pagkilos, at mga voluntary organization.Ang huli ay nahahati sa dalawang kategorya: ang mga grassroots organizations o people’s organizations (POs); at ang mga grassroot support organizations o non-governmental organizations (NGOs). Ang mga POs ay naglalayong protektahan ang interes ng mga miyembro nito. Dito nahahanay ang mga sectoral group ng kababaihan, kabataan, magsasaka, mangingisda, at mga cause-oriented group.Sa kabilang banda, ang mga NGOs ay naglalayong suportahan ang mga programa ng mga people’s organization. Magkaiba man ang layunin ng dalawang uri ng samahan, nagkakapareho naman ang mga ito sa mga gawain tulad ng pagsusulong ng mga adbokasiya, pagsasagawa ng mga kampaniya at lobbying, at pakikilahok sa mga gawain sa lipunan.