THIS WEEK'S LESSON
Ang bahaging ito ng aralin ay tumatalakay sa mga paraan kung paano aktibong makikilahok ang mamamayan sa mga gawaing magpapabuti sa pamamalakad ng pamahalaan at ng kapakanan ng buong bayan.
Tinalakay sa unang tatlong modyul ang mga isyung kinakaharap ng mundo sa kasalukuyan. Nararanasan natin ang iba’t ibang manipestasyon ng mga isyung ito at kadalasan pa nga’y kabilang tayo sa sanhi o sa nagpapalala sa mga ito. Bilang pinakamahalagang elemento ng estado, nasa kamay natin bilang mamamayan ang pagtugon sa mga isyu at hamong panlipunan na ating kinakaharap.
Dahil nasa ating mga kamay ang susi para sa pagbabago ng ating lipunan, nararapat lamang na kalimutan ang maling pananaw na pamahalaan lamang ang may tungkulin na bigyang-solusyon ang mga isyung panlipunan; na sila ay ating inihalal upang bigyang-katugunan ang lahat ng ating pangangailangan at wala na tayong gagawin bilang mamamayan. Ang ganitong pag-iisip ay nagdudulot ng sentimyentong paninisi sa pamahalaan kapag ang ating mga pangangailangan at suliranin ay hindi natugunan.
Sa katunayan, ayon sa Artikulo II, Seksiyon 1 ng ating Saligang-batas, “Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.” Ito ay patunay lamang na ang kapangyarihan ng isang Estado ay wala sa pamahalaan at sa mga taong bumubuo nito, sa halip, ito ay nagmumula sa mga mamamayan. Katulad ng nabanggit na, ang mamamayan ay dapat aktibong nakikisangkot sa diskurso sa pamamahala upang bigyang-katugunan ang mga hamong panlipunan.
Nararapat na magkasamang buuin ng pamahalaan at ng mga mamamayan ang solusyon sa mga suliraning kinakaharap ng lipunan. Mangyayari lamang ito kung ang mamamayan ay may kaalaman at kamalayan sa mga isyung panlipunan. Ang kamalayang ito ang magtutulak sa mamamayan na aktibong makilahok sa mga hakbanging magbibigay katugunan sa maraming isyung panlipunan.
Sa kabila ng kahalagahan ng pagiging mulat sa mga isyung panlipunan ay mas mahalaga rito ang pagtugon mismo ng mamamayan. Isang mahalagang paraan para matugunan ang mga isyung ito ay ang pakikilahok sa mga gawaing politikal. Ngunit, may iba’t ibang paraan para maging kalahok dito ang isang mamamayan. Maaaring ito ay sa paraan ng pagboto o maaaring sa mas masidhing mga aksiyon para igiit ang pagkakaroon ng isang mabuting pamahalaan.
Ang pakikilahok sa eleksiyon ang pinakapayak na paraan ng pakikilahok ng mamamayan. Ang pagboto ay isang obligasyon at karapatang politikal na ginagarantiyahan ng ating Saligangbatas. Ayon sa Artikulo V ng Saligang Batas ng 1987, ang mga maaaring makaboto ay a.) mamamayan ng Pilipinas, b.) hindi diskwalipikado ayon sa isinasaad ng batas, c.) 18 taon gulang pataas, at d.)tumira sa Pilipinas nang kahit isang taon at sa lugar kung saan niya gustong bomoto nang hindi bababa sa anim na buwan bago mag-eleksiyon.
Sa pamamagitan ng pagboto, nakapipili ang mamamayan ng mga opisyal ng pamahalaan na sa tingin nila ay makapaglilingkod nang maayos. Ito ang pagkakataon kung saan naipakikita ng mamamayan na siya ang pinanggagalingan ng kapangyarihan ng mga halal na opisyal; na siya ring may kapangyarihan na alisin sila sa puwesto kung sa tingin
nila ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang sinumpaang tungkulin. Sa pamamagitan ng ating pagboto, tayo mismo ang nagtatakda ng kinabukasan ng ating bayan.
Pantay-pantay ang mga tao pagdating sa boto. Bawat isang Pilipino ay mayroon lamang isang boto, mayaman man o mahirap.Ngunit ang iisang botong ito ay lubhang makapangyarihan sapagkat maaari nitong baguhin ang takbo ng buhay ng mga Pilipino. Ngunit sa kabila nito ay may mga nagiging balakid sa pakikilahok ng mga tao sa eleksiyon. Halimbawa, nababalitaan pa rin natin na mayroon tayong mga kababayan na nagbebenta ng kanilang boto sa mga politiko.
Noong halalan ng 2016 sinabi ng dating Commissioner ng Commission on Elections na si Gregorio Lardizabal na naging talamak pa rin ang insidente ng pamimili ng boto. Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng automated election. Dahil dito maaaring Sa halip na ang nakaupo sa pamahalaan ay mahuhusay at matitinong opisyal na bumabalangkas at nagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa edukasyon, kalusugan at kabuhayan, maaaring ang maupo ay mga opisyal na sarili lamang ang iniisip.
Batay sa ISSP Citizenship Survey noong 2004, pangunahin ang pagboto bilang katangian ng isang mabuting mamamayan para sa mga Pilipino.Kasama rin sa listahan ang wastong pagbabayad ng buwis, laging pagsunod sa batas, pagsubaybay sa gawain ng pamahalaan at unawain ang opinyon ng ibang tao. Kung ang surveyna ito ang pagbabatayan, mababatid na malaki ang pagtingin ng mga Pilipino sa kahalagahan ng karapatang makaboto sa kabila ng maraming balakid at mga suliranin. Ayon nga sa constitutionalistna si Fr. Joaquin Bernas (1992), ang layunin ng pagboto ay hindi na ang pagbibigay ng mandato sa mga opisyal para mamuno bagkus ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga makapagpapaunlad sa estado at malupig ang mga nagpapahirap sa bayan.