THIS WEEK'S LESSON
Naipaliliwanag ang kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan
Tinitingnan ngayon ang pagkamamamayan hindi lamang bilang isang katayuan sa lipunan na isinasaad ng estado, bagkus, maituturing ito bilang pagbubuklod sa mga tao para sa ikabubuti ng kanilang lipunan. Ang pagkamamamayan ng isang indibiduwal ay nakabatay sa pagtugon niya sa kaniyang mga tungkulin sa lipunan at sa paggamit ng kaniyang mga karapatan para sa kabutihang panlahat. Mangyari pa, tinitingnan ng indibidwal na siya ay bahagi ng isang lipunan kasama ang ibang tao. Bilang bahagi ng isang lipunan na may mga karapatan at tungkuling dapat gampanan, inaasahan na siya ay magiging aktibong kalahok sa pagtugon sa mga isyung kinahaharap ng lipunan at sa mas malawak na layunin ng pagpapabuti sa kalagayan nito.
Ayon sa lumawak na pananaw ng pagkamamamayan, igigiit ng isang mamamayan ang kaniyang mga karapatan para sa ikabubuti ng bayan. Kaniyang gagamitin ang pamamaraang ipinahihintulot ng batas upang iparating sa mga kinauukulan ang kaniyang mga hinaing at saloobin. Ang mamamayan ngayon ay hindi tagasunod lamang sa mga ipinag-uutos ng pamahalaan sapagkat wala namang monopolyo ang pamahalaan sa mga patakarang ipatutupad sa isang estado. Kung gayon, hindi niya inaasa sa pamahalaan ang kapakanan ng lipunan ,sa halip, siya ay nakikipagdiyalogo rito upang bumuo ng isang kolektibong pananaw at tugon sa mga hamong kinakaharap ng lipunan.
Batay sa lumawak na pananaw ng pagkamamamayan, maaari nating matukoy ang mga katangian ng isang mabuting mamamayan. Ayon kay Yeban (2004), ang isang responsableng mamamayan ay inaasahang makabayan, may pagmamahal sa kapwa, may respeto sa karapatang pantao, may pagpupunyagi sa mga bayani, gagap ang mga karapatan at tungkulin bilang mamamayan, may disiplina sa sarili, at may kritikal at malikhaing pag-iisip. Naglahad ang abogadong si Alex Lacson ng labindalawang gawaing maaaring makatulong sa ating bansa. Ang mga gawaing ito ay maituturing na mga simpleng hakbangin na maaaring gawin ng bawat isa sa atin. Ngunit sa kabila ng pagiging simple ng mga ito ay maaaring magbunga ang mga ito ng malawakang pagbabago sa ating lipunan.
1. Sumunod sa batas-trapiko. Sumunod sa batas.
2. Laging humingi ng opisyal na resibo sa anumang binibili.
3. Huwag bumili ng mga bagay na smuggle. Bilhin ang mga lokal na produkto. Bilhin ang gawang Pilipino.
4. Positibong magpahayag ng tungkol sa atin gayundin sa sariling bansa.
5. Igalang ang nagpapatupad ng batas trapiko, pulis at iba pang lingkod bayan.
6. Itapon nang wasto ang basura. Ihiwalay. Iresiklo. Pangalagaan.
7. Suportahan ang inyong simbahan.
8. Tapusin nang may katapatan ang tungkulin sa panahon ng eleksyon.
9. Maglingkod nang maayos sa pinapasukan.
10. Magbayad ng buwis.
11. Tulungan ang isang iskolar o isang batang mahirap.
12. Maging mabuting magulang. Turuan ng pagmamahal sa bayan ang mga anak.