THIS WEEK'S LESSON
Sa araling ito, bibigyang-pansin ang mga karapatang pantao na taglay ng bawat mamamayan. Susuriin din ang bahaging ginagampanan ng mga karapatang ito upang maging aktibong mamamayan na tutugon sa mga isyu at hamon ng lipunan. Ang paggiit ng mga karapatan ng mamamayan ay ang esensya ng lumawak na pakahulugan ng isang mamamayan. Sa pamamagitan nito, ang mga mamamayan ay binibigyan ng pagkakataon na maging aktibong kalahok sa lipunan.(Halaw sa teksto buhat sa AP 10 LM p.369)
Bilang panimula, pag-aralan ang kontekstong historikal ng pag-unlad ng karapatang pantao mula sa sinaunang panahon hanggang sa pagkabuo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) ng United Nations noong 1948 sa AP10 LM pahina 370-371
Historikal na Konspeto ng Pagbuo ng Karapatang Pantao
539 B.C.E. – Sinakop ni Haring Cyrus ng Persia at kaniyang mga tauhan ang lungsod ng Babylon. Pinalaya niya ang mga alipin at ipinahayag na maaari silang pumili ng sariling relihiyon. Idineklara rin ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng lahi.
Nakatala ito sa isang baked-clay cylinder na tanyag sa tawag na “Cyrus Cylinder.” Tinagurian ito bilang “world’s first charter of human rights.”
Kinakitaan din ng kaisipan tungkol sa karapatang pantao ang iba pang sinaunang kabihasnan tulad ng India, Greece, at Rome.
Ang mga itinatag na relihiyon at pananampalataya sa Asya tulad ng Judaism, Hinduism, Kristiyanismo, Buddhism, Taoism, Islam at iba pa ay nakapaglahad ng mga kodigo tungkol sa moralidad, kaisipan tungkol sa dignidad ng tao at tungkulin nito sa kaniyang kapwa.
Noong 1215, sapilitang lumagda si John I, Hari ng England, saMagna Carta, isang dokumentong naglalahad ng ilang karapatan ng mga taga-England. Ilan sa mga ito ay hindi maaaring dakpin, ipakulong, at bawiin ang anumang ari-arian ng sinuman nang walang pagpapasiya ng hukuman. Sa dokumentong ito, nilimitahan ang kapangyarihan ng hari ng bansa.
Noong 1628 sa England, ipinasa ang Petition of Right na naglalaman ng mga karapatan tulad nang hindi pagpataw ng buwis nang walang pahintulot ng Parliament, pagbawal sa pagkulong nang walang sapat na dahilan, at hindi pagdeklara ng batas militar sa panahon ng kapayapaan.
Noong 1787, inaprubahan ng United States Congress ang Saligang-batas ng kanilang bansa.Sa dokumentong ito, nakapaloob ang Bill of Rights na ipinatupad noong Disyembre 15, 1791. Ito ang nagbigay-proteksiyon sa mga karapatang pantao ng lahat ng mamamayan at maging ang iba pang taong nanirahan sa bansa.
Noong 1789, nagtagumpay ang French Revolution na wakasan ang ganap na kapangyarihan ni Haring Louis XVI. Sumunod ang paglagda ng Declaration of the Rights of Man and of the Citizenna naglalaman ng mga karapatan ng mamamayan.
Noong 1864, isinagawa ang pagpupulong ng labing-anim na Europeong bansa at ilang estado ng United States sa Geneva, Switzerland. Kinilala ito bilang The First Geneva Conventionna may layuning isaalang-alang ang pag-alaga sa mga nasugatan at may sakit na sundalo nang walang anumang diskriminasyon.
Noong 1948, itinatag ng United Nations ang Human Rights Commissionsa pangunguna ni Eleanor Roosevelt, asawa ng yumaong Pangulong Franklin Roosevelt ng United States. Sa pamamagitan ng naturang komisyon, nilagdaan at ipinatupad ang dokumentong tinawag na Universal Declaration of Human Rights.
Ang Universal Declaration of Human Rights (UDHR) ay isa sa mahalagang dokumentong naglalahad ng mga karapatang pantao ng bawat indibiduwalna may kaugnayan sa bawat aspekto ng buhay ng tao. Kabilang sa mga ito ang karapatang sibil, politikal, ekonomiko, sosyal, at kultural.
Nang itatag ang United Nations noong Oktubre 24, 1945, binigyang-diin ng mga bansang kasapi nito na magkaroon ng kongkretong balangkas upang matiyak na maibabahagi ang kaalaman at maisakatuparan ang mga karapatang pantao sa lahat ng bansa. Ito ay naging bahagi sa adyenda ng UN General Assembly noong 1946.
Nabuo ang UDHR nang maluklok bilang tagapangulo ng Human Rights Commission ng United Nations si EleanorRoosevelt – ang biyuda ni dating Pangulong Franklin Roosevelt ng United States.
Malugod na tinanggap ng UN General Assembly ang UDHR noong Disyembre 10, 1948 at binansagan ito bilang “International Magna Carta for all Mankind.” Sa kauna-unahang pagkakataon, pinagsama-sama at binalangkas ang lahat ng karapatang pantao ng indibiduwal sa isang dokumento.(Halaw sa teksto buhat sa AP 10 LM p.370-371)
Ang Katipunan ng mga Karapatan o Bill of Rights ng Konstitusyon ng ating bansa ay listahan ng mga pinagsama-samang karapatan ng bawat tao mula sa dating konstitusyon at karagdagang karapatan ng mga indibiduwal na nakapaloob sa Seksyon 8, 11, 12, 13, 18 (1), at 19.
Ayon sa aklat ni De Leon, et.al (2014), may tatlong uri ng mga karapatan ng bawat mamamayan sa isang demokratikong bansa.
Natural Rights, mga karapatang taglay ng bawat tao kahit hindi ipagkaloob ng Estado gaya ng karapatang mabuhay, maging malaya, at magkaroon ng ari-arian.
Constitutional Rights ay mga karapatang ipinagkaloob at pinapangalagaan ng Estado. Mayroon itong apat na klasipikasyon ang:
Karapatang Politikal – Kapangyarihan ng mamamayan na makilahok, tuwiran man o hindi, sa pagtatag at pangangasiwa ng pamahalaan;
Karapatang Sibil –mga karapatan na titiyak sa mga pribadong indibidwal na maging kasiya-siya ang kanilang pamumuhay sa paraang nais nang hindi lumalabag sa batas;
Karapatang Sosyo-ekonomik – mga karapatan na sisiguro sa katiwasayan ng buhay at pang-ekonomikong kalagayan ng mga indibiduwal; at
Karapatan ng akusado – mga karapatan na magbibigay-proteksyon sa indibidwal na inakusahan sa anomang krimen.
Statutory Rights naman ay mga karapatang kaloobng binuong batas at maaaring alisin sa pamamagitan ng panibagong batas gaya halimbawa ng karapatang makatanggap ng minimum wage. (Halaw sa teksto buhat sa AP 10 LM p.377-378)