THIS WEEK'S LESSON
Naipaliliwanag ang kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan
Sa nakalipas na mga aralin ay natalakay at naunawaan mo ang mga isyu at hamon sa kasarian at lipunan. Makatutulong ang pag-unawa na iyong nakamit upang maitaguyod ang pagtanggap, paggalang at pagkakapantay-pantay ng tao bilang isang kasapi ng pamayanan. Ngayon naman ay mas lalawak pa ang iyong kaalaman tungkol sa pagkamamamayan at karapatang pantao. Marapat na umpisahan mo ang iyong pag-aaral tungkol sa konsepto ng pagkamamamayan, kung paano ito nagsimula at kung paano lumawak ang pakahulugan nito sa kasalukuyan. Halina at simulang suriin ang konsepto at katuturan ng pagkamamamayan hanggang humantong sa pagkaunawa ng kahalagahan ng aktibong pagkamamamayan.
Ang konsepto ng pagkamamamayan (citizenship) o ang kalagayan o katayuan ng isang tao bilang isang miyembro ng pamayanan o estado ay umusbong sa kabihasnang Griyego. Ito ay binubuo ng mga lungsod-estado na tinawag na polis, lipunan na binubuo ng mga taong may iisang pagkakakilanlan at mithiin. Limitado ang pagiging citizen sa mga kalalakihan, kung saan ang isang citizen ay may kalakip na karapatan at pribilehiyo. Ayon sa orador na si Perciles, hindi lamang sarili ang iniisip ng mga citizen kundi maging ang kalagayan ng estado. Ang isang citizen ay inaasahan na makilahok sa mga gawain sa polis tulad ng paglahok sa mga pampublikong asembliya at paglilitis. Ang isang citizen ay maaaring politiko, administrador, husgado, at sundalo .
Nagbago ang konsepto ng pagkamamamayan sa paglipas ng panahon. Sa kasalukuyan ang citizenship ay bilang isang ligal na kalagayan ng isang indibidwal sa isang nasyon estado. Ayon kay Murray Clark Havens (1981), ang citizenship ay ang ugnayan ng isang indibidwal at ng estado. Ito ay tumutukoy sa pagiging miyembro ng isang indibiduwal sa isang estado kung saan bilang isang citizen, siya ay ginawaran ng mga karapatan at tungkulin. Sa Pilipinas nakasaad sa Saligang Batas 1987 ang legal na basehan ng pagkamamamayan. Tunghayan ang batas sa kahon.
Jus sanguinis
Ang pagkamamamayan ng isang tao ay nakabatay sa pagkamamamayan ng isa sa kaniyang mga magulang. Ito ang prinsipyong sinusunod sa Pilipinas.
Jus soli o jus loci
Ang pagkamamamayan ay nakabatay sa lugar kung saan siya ipinanganak. Ito ang prinsipyong sinusunod sa Amerika.
SEKSYON 1. Ang sumusunod ay mamamayan ng Pilipinas:
(1) yaong mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagpapatibay ng saligang batas na ito;
(2) yaong ang mga ama o mga ina ay mamamayan ng Pilipinas;
(3) yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga ina ay Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang gulang; at
(4) yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.
SEKSYON 2. Ang katutubong inianak na mamamayan ay yaong mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga nagpasya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksyon 1, Talataan 3 nito ay dapat ituring na katutubong inianak na mamamayan.
SEKSYON 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas.
SEKSYON. 4. Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing sa ilalim ng batas na nagtakwil nito.
SEKSYON. 5. Ang dalawahang katapatan ng mamamayan ay salungat sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.
Sanggunian: Saligang Batas ng 1987 ng Pilipinas. (1987, February 2). Ang Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas 1987
Sa kabila nito ay maaaring mawala ang pagkamamamayan ng isang indibiduwal. Unang dahilan ay kung siya ay sasailalim sa proseso ng naturalisasyon sa ibang bansa. Ang ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
1.)ang panunumpa ng katapatan sa Saligang Batas ng ibang bansa;
2.)tumakas sa hukbong sandatahan ng ating bansa kapag may digmaan, at
3.) nawala na ang bisa ng naturalisasyon.