Mass Promotion: Ang Tugon ng Pamayanan tungo sa Kaunlaran ng Kabataan
ni ABRAHAM AVENDANO 4 hours ago
ni ABRAHAM AVENDANO 4 hours ago
Sa bawat pagtapak sa entablado sinusubok ang galing ng bawat kabataang Pilipino. Inuusisa at sinusukat ang galing mula sa dami ng tangan ng sertipikong pagkilala at ang makabaling leeg na mga medalya.Mula sa kalansing ng bawat medalyang nakasabit sa dingding, umuugong ang mga tanong na sadya nga bang magaling o mayroon lamang narating.
Ang Mass Promotion ng Edcomm, kung titingnan sa unang tingin ay ang pagpapasa sa mga mag-aaral ng sama-sama sa mas mataas na antas, ngunit nakatago dito ang ideyang ang pagpapasa sa mga mag-aaral na ito ay ang pagwawaksi rin sa ideyang ang ilang mga mag-aaral na hirap at hindi nakakabasa ay maaring makarating sa mas mataas na baitang kahit na may pagkukulang at kailangan pang tutukan ang kasanayan.
Sa promosyon na ipinagkakaloob sa mga kabataan, lumilitaw ang mga programa at proyektong pang-edukasyon na ang layunin ay tulungan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pamahalaan at kinauukulan. Ang samahang Sangguniang Kabataan o SK na nagsisilbing boses ng kabataan sa pamahalaan at ang Junior Chamber International o JCI isang pribadong samahan na may layunin na pa-igitingin ang sektor ng edukasyon ng mga kabataan.
Ayon kay Gimarl Garrovillas, isang guro at kasalukuyang naglilingkod bilang SK Chairperson ng Baras Rizal Brgy. Santiago, mula sa kaniyang panunungkulan nais niyang tulungan ang bawat kabataan lalo’t higit sa sektor ng edukasyon dahil aniya ‘’alam ko ang kalagayan at ang hirap sa pag-aaral kasi mahirap lang kami’’ masasalamin sa kaniyang pahayag ang kaniyang inilatag na proyekto na kada taon ay kaniyang isinasagawa kasama ang mga kaniyang mga miyembro na binansagang ‘’Santiago Community Hub’’ . Ito ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga bawat kabataang mag-aaral na gamitin ang ‘’office’’ ng kanilang baranggay upang mag-aral, at sa loob ng pasilidad na iyon libre ang mga kagamitan tulad ng laptop, desktop, at printer kalakip dito ang libreng ‘printing’ ng mga materyal tulad ng mga research at thesis paper.
Ibinahagi pa ni Garrovillas na ‘’ danas ko ‘yung kailangan mag-print, lalo na ngayon na ang print ng colored ay halos 10 pesos, kaya siguro kahit dun lang makatulong kami’’ mula sa kaniyang karanasan na nag-uugat sa kaniyang puso na bukas upang tumulong masasalamin na ang kaniyang kagustuhan na tumulong ay hindi isang pansariling interes o kasaganahan at hindi lamang iakma ang kakayahan ng mag-aaral sa kanilang antas o baitang, bagkus kasama rin dito na ang paglago ng kabataan ay hindi lamang natitigil sa paaralan, ngunit kinakailangan din ang suporta ng pamayanan.
Hindi lamang ang Sangguniang Kabataan ang gumagawa ng paraan para sa kabataan, kundi kasama rin ang ilang mga pribadong samahan tulad ng Junior Chamber International o JCI kung saan ang ilan sa mga miyembro nila ay binubuo ng mga guro at ‘mentors’. Kung ang SK ay maroong community hub sa Santiago JCI ay mayroong programang isinasagawa tuwing bakasyon na tinatawag na ‘’Basa Para sa Kabataan’’ kung saan tinututukan ang mga mag-aaral mula kinder hanggang sa mga miyembro ng pamayanan na hindi nakapag-aral tulad ng mga ‘senior citizen’. Ang mga kasapi na ito ay maaring dumalo tuwing Sabado sa libreng ‘’reading comprehension session’’, kung saan hindi lamang upang labanan ang hindi akma na kasanayan ng mag-aaral na nabibigyang promosyon kundi ang mga mag-aaral at miyebro ng lipunan na salat pagdating sa kaalaman.
Sa huli, ang mga samahang Sangguniang Kabataan at Junior Chamber International ay isang buhay na patunay na ang paglago at pagkatuto ng bawat kabataang Pilipino ay hindi natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan, gayundin ang kanilang mga pangangailangan na kailangang tugunan ng pamayanan at kinauukulan. Ang Mass Promosyon ay isang hamon sa pagkatuto ng mga mag-aaral na nais bigyang pansin at tulong ng dalawang samahan sa pamamagitan ng tulong materyal at gadyet, hanggang sa mga sesyon na maaring mag-ugnay sa puwang ng kanilang pagkatuto, iakma sa tama ang kasanayan sa kanilang baiting. Dahil ang kakulangan ay isang kapinsalaan na dapat tugunan, at ang promosyong kaduda- duda ay hindi dapat paglaanan ng pansin. Sa edukasyon, walang karapat- dapat kundi para sa lahat.
Mula sa mga samahang ito, sila ay kumikilos, umaaksyon at naninindigan na ang edukasyon ay hindi lamang para sa may alam at kakayahan bagkus sa lahat maging sa nangangailangan, dahil kung paiiralin ang sama-samang promosyon na may kaakibat na tamang kasanayan mula sa tulong ng pamayanan ang hatid nito ay kaunlaran para sa kabataan.
TRENDING NGAYON ↑
1 #SANGGUNIANGKABATAAN
2 #YOUTHENVOLVEMENT
3 #YOURVOTEMATTERS
4 #YOURVOTEMATTERS
5 #SPORTSPH