Paano natutulad/naiiba ang paglalarawang nakita sa mga anyong popular na ito sa isinagawa sa paglalarawan ng mga manunulat sa zombie sa binasang teksto?
Para sa mga nanatiling buhay, mabilis nilang makikilala ang zombie dahil sa kabuuang hitsura nito—gulo-gulo ang buhok habang nanatiling suot ang anumang putong sa ulo na gamit noong buhay pa bago makain, namumuti at nanlilisik na mga mata, nangingitim sa dungis na mga mukha, duguan ding labi na mariringgan ng angil, gula-gulanit na damit na puno rin ng dugo, sugatang mga kamay, at mga paang malakas ang yabag. Kapansin-pansin sa paglalarawan sa zombie ng mga manunulat, isinaalang-alang ang direksiyong ‘mula taas, pababa’. Ibang-iba ito sa karanasan ng panonood sa mga palabas na madalas wari ay itinapon ang buong larawan (whole body shot) ng zombie sa manonood na siya na lamang magpapasya kung alin sa mga bahaging ito ang huhuli sa kaniyang paningin.