Happy Flag Week and Independence Day Pamatawanians!!!!

Bilang pakiiisa ng Pamatawan Integrated School (PIS) sa pagdiriwang ng Pambansang Linggo ng mga Watawat at Araw ng Kalayaan (Mayo 28- Hunyo 12, 2022) alinsunod sa SSG Kautusang Tagapagpaganap Bilang 10 taong 2022, Kautusang Tagapagpaganap Blg. 179 taong 1994 at Batas Republika Blg. 8491 ay nagsanib puwersa ang Supreme Pupil Government (SPG) at Supreme Student Government (SSG) sa pagsasabit at paglalagay ng mga watawat at banner sa buong paaralan.

Noong 1896 ay sumiklab ang Rebolusyong Pilipino at noong Disyembre 1897 ay nagkasundo ang mga mananakop na Kastila at mga rebolusyonaryo sa ilalim ng Kasunduan sa Biak-na-Bato. Bilang pagsunod sa kasunduan, pinatapon sa Hong Kong sina Emilio Aguinaldo at iba pang mga pinuno ng himagsikan.[1]

Sa pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano, naglayag si Komodoro George Dewey mula Hong Kong patungo sa Look ng Maynila at pinamunuan ang iskuwadra ng Hukbong Pandagat ng Amerika. Noong 1 Mayo 1898 ay nagapi ni Dewey ang Hukbong Dagat ng mga Kastila sa Labanan sa Look ng Maynila, na siyang nagtapos sa pamumuno ng Kastila sa Pilipinas. Sa buwan ding iyon ay inihatid ng Hukbong Dagat ng Amerika si Aguinaldo pabalik ng Pilipinas.[2] Nakarating si Aguinaldo sa Cavite noong 19 Mayo 1898 at tinipon ang mga puwersang rebolusyonaryo. Bandang Hunyo 1898 ay inisip ni Aguinaldo na magpahayag ng kasarinlan upang bigyan ng lakas ng loob ang mga taong-bayan na labanan ang mga Kastila at gayundin upang himukin ang ibang mga bansa na kilalanin ang kasarinlan ng Pilipinas.

Noong 5 Hunyo 1898, naglabas si Aguinaldo ng isang kautusan na nagtatakda sa 12 Hunyo 1898 bilag araw ng pagpapahayag ng kasarinlan. Pinamunuan ni Aguinaldo ang nasabing kaganapan sa kaniyang tirahan sa Kawit, Cavite na noon ay kilala bilang Cavite El Viejo. Ang Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino ay taimtim na binasa ng patnugot nito na si Ambrosio Rianzares Bautista, na nagsilbing tagapayo sa digmaan ni Aguinaldo at kaniyang espesyal na delegado. Ang kapahayagan na naglalaman ng 21 pahina ay nilagdaan ng 97 mga Pilipino, na tinalaga ni Aguinaldo, at isang retiradong opisyal ng artilerya ng hukbong Amerika na si Koronel L.M. Johnson. Ang watawat ay opisyal na winagayway sa unang pagkakataon bandang 4:20 ng hapon, habang pinapatugtog ng banda ng San Francisco de Malabon ang Marcha Nacional Filipina. (Wikipedia. 2022)