Sakramento ng Kagalingan: Sakramento ng Pakikipagkasundo at Pagpapahid ng Langis
Panimula: Hindi maiiwasan na kapag tayo ay may nararamdaman ay nagiging iritable ang tao, kung minsan pa nga ay iniiyakan natin kapag may nararamdaman tayong masakit, Naibabaling natin sa iba ang sakit na ating nararamdaman. At kung minsan kapag tayo ay takot, nahihirapan tayong umamin sa ating nagawang kasalanan. Subalit lalo itong nagdudulot ng alalahanin o bagabag sa ating puso. Makakamit lamang natin ang kapanatagan ng kalooban kapag tayo ay nakahingi ng tawad at umamin sa nagawang kamalian.
LAYUNIN
Aral: Naunawaan ang kahalagahan ng paghingi ng tawad at ng sakramento ng pagpapahid ng langis sa may sakit.
Asal: Matutunan ang mga pamamaraan na dapat gawin at ang panalangin sa pagbabalik loob; maging bukas ang loob sa pagtanggap ng sakaramento ng pagpapahid ng langis.
Dasal: Makapagdasal ng pagsisisi at maipanalangin ang mga taong may karamdaman.
BALIK-ARAL: Kumustahin ang mga bata at itanong kung ano ang natutunan sa nakaraang pinag-aralan.
PAGBASA: Lukas 7:37-50
37 Sa bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. 39 Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.”
40 Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.”
“Ano po iyon, Guro?” sagot niya.
41 Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. 42 Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?”
43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.”
“Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. 44 Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.”
48 At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
49 At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?”
50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.”
PAHAYAG KRISTIYANO:
Ang sakramento ng pagbabalik loob o kumpisal at ang sakramento ng pagpapahid ng langis sa may sakit ay sinasabi ring sakramento ng kagalingan o sakramento ng pagpapagaling. Sinasabi noon na ang pagkakasakit ay iniuugnay sa mga kasalanang ating nagagawa. Subalit minsan ang pagkakasakit din ay bunsod ng mga tinatago o kinkimkim na mga sama ng loob at hinanakit sa kapwa o mahal sa buhay lalo na sa mga nakatatanda o may mga edad na.
Sa pamamagitan ng kumpisal at pagpapahid ng langis, ang ating mga kasalanan ay napapatawad. Nagdududlot ito ng kagalingan at kapanatagan ng loob. Hindi ang langis ang nagpapagaling kundi si Jesus mismo sa pamamagitan ng mga pari. Sa pag amin ng ating mga kasalanan, ibinabalik natin ang nasirang uganayan natin sa Diyos.
"Ang mga lumalapit sa sakramento ng Penitensiya ay nakakakuha ng kapatawaran mula sa awa ng Diyos para sa pagkakasala na ginawa laban sa kanya.." (KIK1422)
"Sa pamamagitan ng sagradong pagpapahid sa mga maysakit at ng panalangin ng mga pari, ang buong Simbahan ay nagpupuri sa mga may sakit sa nagdurusa at niluwalhati ang Panginoon, upang sila ay ibangon at iligtas." (KIK 1499)
PANUTO:
Gumupit ng papel na hugis puso at sa kaliwang bahagi ay isusulat ang mga nagawang kasalanan. Sa kanang bahagi naman ay gagawa ng maiksing panalangin ng paghingi ng kapatawaran, at pasasalamat sa biyaya ng pagpapatawad. Isama sa panalangin ang mga taong may karamdaman lalo na kung ito ay kaanak nila. Ituro o ipaalala muli ang panalangin ng pagsisisi.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN:
Kababaang loob, paghingi ng kapatawaran at pakikipagkasundo sa kapwa at sa Diyos.
PAGLALAHAT: Mahalaga ang tapat na pag-amin ng mga nagawang pagkakasala dahil ito ay nagpapanumbalik ng ating magandang ugnayan sa Diyos at sa kapwa Alalahanin natin na ang tunay na nagbibigay ng kagalingan ay ang ating Panginoong Jesukristo. Tamang tayo ay uminom ng mga gamot o magpatingin sa mga manggagamot dahil sila ang higit na naka-aalam kung ano ang makabubuti sa ating katawan, subalit, kailangan din natin ang dasal upang maging lubos ang ating kagalingan. May mga sakit na hindi nalulunasan ng mg doctor na tanging ang Diyos lamang ang nakakagawa. Katulad ng mga taong pinagaling ni Jesus, ang kanilang pananampalataya din ang nakatulong upang sila ay lubusang gumaling.